PALAKASIN sa Camarines Norte ang pagpapalago ng negosyo partikular na ang sektor ng turismo na nakakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan.
Ito ay napag-usapan sa isinagawang Camarines Norte Business Conference and Tourism Investment Summit sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Tourism Operations Office (PTOO) at ng Provincial Planning and Development Office (PPDO).
Katuwang sa pagpupulong ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry-Camarines Norte (PCCI-CN), Camarines Norte Provincial Micro, Small and Medium Enterprise Development (CNPMSMED) council at ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ipinahayag ni Dindo Nabol, regional director ng DTI RO5 na ang pagtitipon ng mga negosyante partikular na ng sektor ng turismo ay para maka-assess, evaluate, makapag plano kung ano ang maaaring gawin upang mapaunlad ang industriya ng turismo sa Camarines Norte.
Aniya, maraming ginagawa ang DTI para mapahusay ang operasyon ng pagnenegosyo at pagbibigay ng intervention hindi lang sa pagsasanay katulad ng technical assistance, financing, marketing at iba pa.
Sa naturang gawain, ipinahayag ng mga resource speaker na sina Entrepreneur Coach Joel Cruz at General Manager Engr. Lemuel Alondra ng Solargy Solutions ang mga kailangan o kaukulang aksiyon para mapaunlad ang pagnenegosyo upang mapagsilbihan ang mga sineserbisyuhan customers.
Ang Department of Agriculture (DA) naman sa Farm Investment Opportunities.
Ipinagmamalaki ng Camarines Norte ang dinamikong sektor ng negosyo sa turismo na gumaganap ng malaking papel sa pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan.
Ang aktibidad ay inorganisa sa pakikipagtulungan ng mga pangunahing stakeholder na mahalaga para sa pagpapaunlad ng ekonomiya, paghikayat sa pagbabago at katatagan at pagpapalakas ng sektor ng negosyo.
Kabilang na ang pagbuo ng isang matatag na negosyo sa oras ng krisis, brand awareness to brand loyalty at pagsusulong ng napapanatiling paglago para sa kahalagahan ng mga responsableng kasanayan sa negosyo.
Samantala, ipinahayag ni Vice Governor Joseph Ascutia na naglaan ng pondo sa taong 2025 ang pamahalaang panlalawigan para sa konstruksiyon ng terminal ng airport sa mga bayan ng Vinzons, Paracale at Jose Panganiban na makakatulong sa industriya ng turismo sa Camarines Norte.
Ang trade and tourism ay pangunahing makakatulong sa economic development ng lalawigan ayon kay Provincial Administrator Don Eduardo Padilla.
Tinalakay ng PTOO at PPDO ng pamahalaang panlalawigan ang mga pagkakataon at prayoridad sa pamumuhunan ng negosyo sa turismo sa Camarines Norte.