SUMAILALIM sa dalawang araw na Basic Sign Language Refresher Course ang itinuturing na frontliners ng lokal na pamahalaan upang mas lalo pang mapaigting ang serbisyo ng mga kawani ng Calapan LGU sa publiko. Ito ay ginanap sa Kalap Hall ng City College of Calapan noong Nobyembre 16.
Sa panayam ng PIA-Oriental Mindoro kay Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Head Benjamin Agua Jr., sinabi niya na, “Ito ay inisyatibo ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Malou Flores-Morillo. Amin muling isinailalim ang mga kawani ng pamahalaang lungsod sa pagsasanay sa basic sign language na siyang pamamaraan sa pakikipagusap sa ating mga kababayan na may kapansanan sa pagsasalita at hindi o mahina ang pandinig para mabilis ang kanilang transaksyon sa ating mga tanggapan sa city hall o sa labas ng pamayanan.”
Nasa 30 kalahok mula sa mga tanggapan ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD), PDAO, Vice Mayor at Sangguniang Panlungsod, City Disaster Risk Reduction and Management Department, at iba pa ang nakiisa sa nasabing aktibidad.
Katuwang ng PDAO ang City Human Resource and Management Department at mga mag-aaral ng Bachelor of Special Needs Education mula sa City College na siyang nagturo sa mga kalahok. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)