“HINDI lang nakatulong ang gulayan sa pamilya at kasamahan ko, kung hindi nakatulong din kami sa komunidad, katulad noong pandemic kasi nakapagbigay din kami ng gulay, pati na sa mga nasunugan sa amin.”
ITO ang masayang ibinahagi ni Ate Dominga, isa sa mga naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Barangay Talon Kuatro sa lungsod ng Las Piñas, sa isinagawang parangal ng Gulayan sa Barangay noong Nobyembre 10.
Ang Gulayan sa Barangay ay inisyatibo ng Regional Program Management Office (RPMO) 4Ps NCR. Ang proyekto ay naglalayong patuloy na ipakita ang pagkakatatag at pagpapaunlad ng Pantawid Farm, gayundin ang pakikilahok ng mga benepisyaryo sa pagpapanatili nito na nagbibigay-diin sa mga positibong epekto o kontribusyon sa kanilang sarili, pamilya, at komunidad upang maiwasan ang malnutrisyon at kawalan ng seguridad sa pagkain, lalo na’t ang bansa ay kasalukuyang nahaharap sa krisis sa kalusugan at ekonomiya.
Ani 4Ps NCR regional coordinator Leah N. Bautista, “Pumasok ang COVID-19 at doon natin naramdaman, ang tulong, ang ginhawa ng kayang ibigay ng gulayan para sa ating pamilya.‘Yong kangkungan, hindi na ito yung kangkungan na sinasabi nila na sa kangkungan ka pupulutin, kung hindi pupulutin natin ang kangkong para sa ating hapag-kainan.”
Isa ang Pantawid Farmers ng Talon Kuatro – Livelihood Association sa mga nagwagi sa nasabing parangal. Nagsimula noong Setyembre 2018, iilan sa kanilang mga tanim ay gulay tulad ng, saluyot, kangkong, litsugas, kabute, malunggay, puso ng saging, at mga prutas tulad ng saging, papaya, kamatis, at kalamansi.
Sa pagtatayo at pagsulong ng Gulayan sa Barangay, hindi lang ang mga pamilya ng 4Ps ang nakikinabang, kundi pati ang buong komunidad. Isang kuwento ng inspirasyon ang nagpapakita kung paano nagdudulot ng kaunlaran para sa lahat dahil sa malasakit at pagtutulungan ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Ate Dominga, isang nakatutuwang karanasan ang maging bahagi ng pantawid farm sa kanilang lugar dahil sa pagsasamang nabuo gawa ng paggugulayan. Napakakain rin nila ang kanilang pamilya ng sariwang gulay at nakapagbebenta sila ng gulay at prutas sa mas murang halaga sa kanilang barangay.
Hindi lamang pagbebenta ng gulay at prutas ang kanilang pinagkakakitaan, pati na rin ang paggawa ng iba’t ibang produkto tulad ng chili garlic, suka, mga unan at basahan.
Bagama’t maraming pagsubok ang kanilang naranasan katulad ng pagkasira ng pananim dahil sa bagyo at mga peste, nananatiling matatag ang kanilang grupo upang makabangon muli.
Layunin ng grupo ay makalikha ng isang kooperatiba, dagdag ni Ate Dominga. Ang kooperatiba ay isang organisasyon o samahan kung saan ang mga miyembro ay nagtatrabaho nang sama-sama, nagtutulungan upang makamit ang isang layunin. Ang pangunahing layunin ng pagtatag ng kooperatiba ay ang magtagumpay sa isang partikular na larangan ng negosyo o serbisyo.
Sa pagtatapos ng kwento ni Ate Dominga at ng Talon Kuatro – Livelihood Association, isinalaysay nang malinaw ang tagumpay ng Gulayan sa Barangay sa pamamagitan ng malasakit at pagtutulungan ng mga benepisyaryo. Hindi lamang naging solusyon upang sila ay makaangat sa buhay, kundi nagiging instrumento rin ito sa pag-angat ng buong komunidad.
Ang pagtulong ng grupo sa mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng pandemya at sakuna, ay nagpapakita ng kanilang malasakit sa kapwa. Sa pagbabahagi ng sariwang gulay at pag-aambag sa komunidad, bukas ang kanilang mga puso sa pangangailangan ng iba.