28.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Natupad na ng AI ang Nuclear Fusion

- Advertisement -
- Advertisement -

BALIKAN natin ang isang kakaibang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Noong Disyembre ng 2022, naganap doon sa Lawrence Livermore National Laboratory sa California, USA, ang kauna-unahang kontroladong katuparan ng “nuclear fusion” sa buong mundo kung saan nakamit ng National Ignition Facility (NIF) ang 54 porsyento na “net gain” (dagdag na kinita) na enerhiya kaysa yung ginastos nila para sindihan ito.

Kinukumpara ito sa unang pagkamit ng kontrolado at pwersahang paglipad (controlled and powered flight) noon 1903 ng Wright brothers sa Kitty Hawk, North Carolina. Umaasa ang mga dalubhasa dito na ito na ang umpisa ng pagkamit ng malinis at walang-hanggang enerhiya katulad ng nagaganap sa gitna ng araw o ng ibang bituin sa kalangitan.

Ang nuclear fusion ay kakaiba sa dati na nating kilala na nuclear fission na ginagamit ngayon sa mga nuclear powerplant sa iba’t-ibang bahagi ng mundo upang naglabas at magbigay ng kuryente.

Imbes na hatiin at paghiwalayin ang mabigat na atom ng uranium o plutonium, kung saan may naiiwang delikadong radyoaktibong materyales, ang nuclear fusion ay nagbubuklod ng dalawang atom ng hydrogen para gumawa ng isang atom ng helium (ganito: H + H » He + init).

Ang helium ay isang ligtas na singaw (gas) na hindi natin ikakatakot kung makatakas. Kasama nito ang sobrang dami ng init at enerhiya na nagmula sa fusion ng hydrogen.


Yung paraan ng NIF para gawin ito ay ang sabay-sabay na pagbulusok ng 192 na pinakamabagsik na laser beams sa buong mundo na naka-asinta sa isang maliit na bulitas ng hydrogen upang ito ay magsindi at magbuklod sa helium kasama ang napakatinding init.

Sinasabi ng mga dalubhasa na bawat beses na ginagawa nila ito, 270 million degrees Fahrenheit ang temperatura, sobrang mas matindi pa daw kaysa sa kalagitnaan ng ating araw. Ito na raw ang kauna-unahang artipisyal na “tala” na gawa ng tao.

Kinakailangan daw ng matinding koordinasyon ng AI (artificial intelligence) sa loob ng ga-higanteng mga supercomputer upang maisagawa nila ang pagtiyempo at pag-tutok ng maraming malakas na lasers doon sa isang bulitas ng hydrogen.

Gamit ang matitinding instrumento, nasukat nila na mas maraming lumabas na enerhiya mula sa hydrogen fusion na naganap kaysa doon sa ginastos nila para pasilabin ito. Katumbas daw ito ng apat na milyong beses pa na enerhiya na makakamit sa langis o petrolyo.

- Advertisement -

Ngunit hindi lang iyon ang kailangan, sapagka’t importante din ang matindi at mabisang AI para pigilan ang pagkalat ng init o matinding apoy mula sa kinalalagyan ng nuclear fusion. Kailangan daw balutin ang matinding init gamit ang mga hinubog na maririing magnetic field mula sa malalakas na batobalani (electromagnet).

Kung hindi dahil sa AI controllers ng mga magnet, paano daw magiging ligtas ang NIF mula sa init na mas masigasig pa kaysa yung nasa kalagitnaan ng araw o isang tala?

Dito na nag-umpisa mag-invest ng bilyon-bilyon na salapi ang mga mayayamang kapitalista ng Estados Unidos. Binubuhos daw nila ang maraming kayamanan upang mabilis na gawing komersiyal o pangkalakal ang teknolohiya ng nuclear fusion. Umaasa sila na lampas pa sa kwarenta-trilyong dolyares ($40 Trillion) ang halaga ng industriya na manggagaling sa nuclear fusion.

Ayon sa mga investor, ang enerhiya na manggagaling sa isang litro ng hydrogen plasma (mainit at nagliliyab na singaw) ay lalampas pa sa 29,000 bariles ng petrolyo. Yung maliit na bulitas na binubuo ng hydrogen fuel ay kayang maglabas ng isang terajoule (TJ) (1012 joules = 0.278 Gigawatt-hour), na katumbas ng lahat ng enerhiya na magagamit ng isang tao sa loob ng 60 taon.

Ang uri ng artificial intelligence na gamit nila ay “Extreme Performance Yield Computing” pero pinaikli ito sa pangalang “AI Boosters.” Dito raw manggagaling ang marami pang pambihirang tagumpay sa iba’t-ibang aspeto ng teknolohiya at industriya.

Yung AI Boosters daw na ginagamit upang kontrolahin ang mga lasers ay ang siya din na magmamando sa “magnetic bottle” containment system upang ligtas na mapipigilan ang pagkalat at pagsabog ng matinding init.

- Advertisement -

Inabot ng anim na dekada mula ng 1960s para maisip ang paraan ng nuclear fusion gamit ang laser ignition (ang paraan ng pagsilab sa bulitas ng hydrogen) at magnetic containment, ngunit hindi nila matupad iyon habang wala pa ang makabagong AI na magmamando sa mga laser at sa “botelyang magnetiko” na paglalagyan ng hydrogen-helium plasma.

Ngayon lamang sa panahon ng artificial intelligence (AI) at supercomputers nagkaroon ng matalas at mabilis na pagkalkula ng mga utos na ibibigay sa mga laser at magnet. Kung magkaroon naman daw ng aksidente, madali lang daw pigilan ang proseso ng fusion at hihinto lang daw ito ng walang sakunang magaganap.

Umpisa pa lamang ito. Malamang aabutin pa rin ng mga isa o dalawang dekada bago maging negosyo ang pagbenta ng enerhiya mula sa nuclear fusion. Kapag nangyari iyon, maaring sampu o dalawampung piso lang ang ibabayad ng mga mamamayan sa isang buwan na konsumo ng kuryente.

Reference: A1 Energy Revolution Disrupts $40 Trillion Industry with Ian King, Strategic Fortunes.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -