29.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 16, 2024

Mga bagong halal na barangay officials sa Puerto Princesa, nanumpa na

- Advertisement -
- Advertisement -

NANUMPA na ang mga bagong halal na barangay officials mula sa 66 na mga barangay ng lungsod noong Nobyembre 14, 2023.

Si Mayor Lucilo Bayron ang nag-administer ng sabayang panunumpa ng mga bagong halal na barangay official ng lungsod ng Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Isinagawa ito sa Puerto Princesa City Coliseum kung saan si Mayor Lucilo Bayron ang nag-administer ng sabayang panunumpa ng mga ito.

Sa mensahe ni DILG City Director Eufracio Forones, Jr., pinaalalahanan nito ang mga bagong barangay officials na mahalin ang kanilang mga barangay tulad ng pagmamahal sa kani-kanilang mga pamilya.

“Katulad po ng mga may-asawa na, kung saan mayroon tayong tinatawag na marriage contract, at tayo po ay tinatali natin ang ating sarili sa isang obligasyon, sa ating kabiyak, o ating katipan, ating asawa, ngayon po, tayo po ay magkakaroon din ng isang matatawag nating social contract kung saan pipirma tayo, manunumpa tayo sa katungkulan, itatali natin ang ating sarili sa isang obligasyon sa ating mga komunidad na kinabibilangan,” pahayag ni City Director Forones.

Dagdag pa nito na ang paglilingkod sa bayan ay hindi biro, ito ay isang malaking obligasyon na maaaring ituring na inconvenience sapagkat makokompromiso dito ang oras sa pamilya, sa sarili, pero ang inconvenience na ito ay maaaring ring i-translate bilang regalo o oportunidad.

“Kaakibat po ng pagpirma natin sa oath of office po natin ay ang accountability o pananagutan, pananagutan po natin ang kapakanan ng ating komunidad na ating ginagalawan” saad pa ni Forones.

Sa mensahe naman ni Mayor Bayron, pinaalalahanan nito ang mga bagong barangay officials na maglingkod ng tapat, may integridad, at dedikasyon.

“Sa pagtanggap ninyo ng inyong tungkulin bilang mga barangay official, lagi ninyong alalahanin ang tiwalang ipinagkaloob sa inyo ng inyong kabarangay. Maglingkod ng tapat, may integridad, at dedikasyon na may layuning magdala ng positibong pagbabago para sa kaunlaran ng inyo barangay,” ang paalala ng alkalde.

Binati din nito ang mga bagong halal na barangay officials at sinabihan ng “Welcome sa mundo ng serbisyo publiko na kung saan walang Satuday, walang Sunday, walang holiday bagkus, everyday ay working day.”

Nanawagan din si Mayor Bayron na dahil tapos na ang Barangay at SK elections at nagdesisyon na ang mga mamamayan ng bawat barangay ay iwan na ang politikahan at tuunan na ang mga trabaho at responsibilidad na iniatang sa mga ito.

Naging saksi naman dito sina City Election Officer Atty. Julius Cuevas, Vice Mayor Maria Nancy Socrates, mga konsehal ng lungsod at ilang department heads ng pamahalaang panlungsod. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -