ISINAGAWA ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng Manila Health Department, ang libreng diabetic screening para sa mga senior high school student ng 25 pampublikong paaralan sa lungsod nitong Nobyembre 14.
Personal namang binisita nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at City Health Officer Dr. Arnold Pangan ang isinagawang libreng serbisyong medikal sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) High School sa Sta. Mesa at Pres. Sergio Osmeña High School in Tondo.
Ipinaalam ng alkalde sa 971 mag-aaral ng EARIST at Osmeña High School ang mga benepisyo na nasabing screening lalo na sa mga may kapamilya o kasama sa bahay na may diabetes.
“Ano ba ang kahalagahan nito? Ayon po sa datos na nakalap ng ating departamento ay tumataas na po ang bilang ng mga kabataang may diabetes,” anang punong lungsod sa kanyang talumpati sa Osmeña High School.
“Iyong may mga kamag-anak na may diabetes ay may mas malaking tiyansa na baka sila ay may diabetes din. Ngayon palang malalaman na natin,” aniya pa.
Pinasalamatan niya rin ang mga magulang at mga tagapangalaga ng mga mag-aaral sa pagpapahintulot sa mga ito na sumailalim sa libreng blood sugar screening para na rin sa kapakinabangan ng mga bata.
Ayon pa sa mayor, isa sa mga benepisyo ng early screening ay upang maiwasan ang diabetes, chronic kidney disease na nangangailangan ng dialysis na isa sa mga pangunahing kumplikasyon kahit sa mga bata pa lamang.
May kabuuang 7,418 senior high school students mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Maynila ang nagpatala sa Manila Health Department para sa nasabing serbisyong medikal.