28.3 C
Manila
Sabado, Disyembre 28, 2024

Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato, puspusan ang paghahanda para sa 5th Enhanced Justice on Wheels

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGSAGAWA na ng iba’t ibang aktibidad ang pamahalaang panlalawigan bilang paghahanda sa ipatutupad na 5th Enhanced Justice on Wheels (EJOW) program sa probinsya ngayong huling linggo ng Nobyembre.

Larawan mula sa Cotabato Provincial Legal Office

Kaugnay nito, kamakailan ay pinulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga miyembro ng security forces ng probinsya upang matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa aktbidad lalo na ang mga matataas na opisyal mula sa Korte Suprema.

Katuwang ang kasundaluhan, inatasan na rin ang bawat municipal police station sa lalawigan na paigtingin ang pagbabantay sa kani-kanilang area of responsibility.

Maliban naman sa naganap na pagpupulong, nauna nang nagsagawa ng ocular inspection sa mga pasilidad na gagamitin para sa 5th EJOW ang mga personahe mula sa Office of Court Administrators ng Korte Suprema.

Ito ay upang masiguro na ligtas, maayos, at handa ang mga pasilidad para sa serbisyong legal na ipaaabot ng Korte Suprema.

Ayon kay Governor Emmylou Mendoza, nakatutok ang pamahalaang panlalawigan sa pangangailangan ng bawat sektor sa probinsya. Ang pagsasagawa ng EJOW ay mahalaga upang matugunan ang pangangailangan ng mga person deprived of liberty o PDL.

Sa pamamagitan ng Enhanced Justice on Wheels ay mas mapabibilis ang paglilitis ng mga nakabinbing kaso. Layon din nito na madecongest ang mga bilangguan.

Maliban sa court hearing, magkakaroon din ng pagbibigay impormasyon sa mga punong barangay tungkol sa Katarungang Pambarangay Law at Community Service Act, libreng legal counseling, libreng  medical-dental services sa mga PDL, pagsira at pagsunog ng mga drug exhibits, at iba pang aktibidad. (SJDM – PIA Cotabato Province)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -