27 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

 Dokyubata sa Dokyu-Rehiyon: Kuwento mula sa mga rehiyon ng bansa

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

LABIS ang pagbubunyi ng Musikwela Kids TV team ng Las Pinas City nang tanghaling ‘Best Documentary’ sa Adult Division ng Dokyubata ang kanilang ginawang piyesa tungkol sa papel ng sandok sa buhay ng isang bayani. “Hindi po talaga namin inasahang mananalo ang ginawa namin.” Isang dokumentaryo tungkol kay Maria Orosa, “Ang Bayani at ang Kanyang Sandok,” ang binabanggit nila. Si Orosa ay kinilala sa kanyang paggawa ng banana ketchup, pero higit dito, ang itinampok sa dokumentaryo ay sa kanyang ginawang kontribusyon kaugnay sa pagpapakain ng mga katipunero noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang awarding ceremony ng Dokyubata ay ginanap sa GSIS Theater noong Nobyembre 10 kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month. Dinaluhan ito ng mga finalists na nanggaling pa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

 

Mga posters ng nagwaging dokumentaryo sa tatlong dibisyon: Children, Young Adult, at Adult Division

Sa Children’s division, tinanghal ang “Nasamit Nga Asukarera” ng KIO productions mula sa Quezon City bilang pinakamahusay na dokumentaryo. Tungkol ito sa kalagayan ng mga manggagawa sa isang asukarera ng tubo sa Tarlac. At sa Young Adult division, napili ng mga hurado ang dokyu na ‘Sa Aplaya, Doon, Sa Malayo’ ng A5 Productions ng Batangas City bilang best documentary. Tungkol ito sa mga mangingisda sa kanilang papahirap na kalagayan sa pamamalakaya.

Mula nang mauso ang mga cellphone at iba pang gadgets, naging karaniwan na sa atin ang kumuha ng mga larawan o mag-video ng mga nagaganap sa paligid. Ito ang ating nagiging content. Di naglaon at nagsimula tayong magsulat ng blog, at gumawa ng vlog, upang mai-record ang ating mga naiisip, nararamdaman, at palagay sa mga bagay-bagay. Ito na pala ang magsisilbing binhi ng ating pagiging dokumentarista. May inihahandang tekstong naratibo, tapos lalangkapan ng kaaya-ayang video.

Si Atom Araullo, award-winning broadcast journalist at dokumentarista, kasama ang NCCT Chairman Luis Gatmaitan at NCCT Executive Director Daisy Atienza sa awarding ceremonies ng Dokyubata.

Sa telebisyon, marami-rami na rin tayong napanuod na mga dokumentaryo mula sa mga iginagalang nating documentarists gaya nina Howie Severino, Malou Mangahas, Jessica Soho, Kara David, Maki Pulido, Atom Araullo, Jay Taruc, Sandra Aguinaldo, at marami pang iba. Hinangaan natin sila sa kanilang husay na magkuwento at magpahayag ng nais nilang sabihin patungkol sa isang partikular na tao, lugar, o pangyayari.  May kakaibang halina rin ang paggawa ng dokyu sapagkat napaghahalo nito ang mahusay na pagkukuwento at maayos na ‘visuals.’ Hindi puwedeng kathang-isip ang mga dokumentaryo. Ito’y laging nakabatay sa reyalidad.

Pitong taon na mula nang ilunsad ng National Council for Children’s Television (NCCT) ang ‘Dokyubata,’ isang paligsahan at pagdiriwang mga dokumentaryong makabata. Nakita ng NCCT na magandang behikulo ang paggawa ng mga documentaries (o dokyu) upang malinang ang husay ng mga bata’t kabataan sa sining ng pagsasalaysay o pagkukuwento gamit ang kanilang kamera.

Nagbigay ng keynote address si Asec Dexter Galban ng DepEd sa ikapitong Dokyubata Awards na ginanap sa GSIS Theater.

Natatandaan ko pa na ang kasamahan namin sa council ng NCCT na si Ramon ‘Bong’ Osorio (na namayapa na), dating representative ng Broadcast Media sector sa board, ang nanguna sa pagsasabing ang paglikha ng dokumentaryo ay isang malikhaing paraan upang maitampok ang galing at kakayahan ng mga bata’t kabataan. Nang siya’y namayapa na dahil sa karamdaman noong panahon ng pandemya, ipinangalan ng NCCT ang isang award sa kanya – ang “Gawad Ramong ‘Bong’ Osorio,” na ibinibigay sa piling dokumentaryo ng nakalipas taon (kung saan muling sinisiyasat o binabalikan ang naging development ng napiling isyu sa likod ng naturang dokumentaryo).

“Nais naming itampok dito sa Gawad Ramon ‘Bong’ Osorio na ang paggawa ng dokumentaryo ay hindi “isang one time, big time thing lang,” ayon kay Judy Galleta, ang opisyal ng NCCT na namamahala at nasa likod ng programang Dokyubata. “Dapat ay nasusubaybayan pa rin ng dokumentarista kung ano na ang mga nangyari sa tao, lugar, o pangyayari na naging pokus ng dokumentaryo makalipas ang isang taon o higit pa. Muling babalikan, ganun ang gusto natin. Kaya taon-taon, may espesyal kaming award na ibinibigay para sa gumagawa nito.”

Kasama ni Dr Gatmaitan si Judy Galleta, ang opisyal ng NCCT na nasa likod ng taon-taong pagdiriwang ng Dokyubata

Noong nakaraang taon, ang tema ng Dokyubata ay ‘Sa Mundo ng Social Media, Ligtas ka Ba?” Sa mga nanalong dokumentaryo tungkol dito, binigyan ngayong taon ng Gawad Ramon ‘Bong’ Osorio ang mga sumusunod na documentaries: “Ang Aking Buhay sa Iyong Kamay,” (Children Division), mula sa Status Quo Productions ng Kapatagan National High School; “In-Game Dreamer,” (Young Adult Division), mula sa Pines Production ng St. Louis University; at “Inosente Online,” (Adult Division), mula sa Public Eye Documentary ng Pople’s Television Network Inc (PTV-4)

Bawat taon ay may temang ibinibigay ang NCCT para maging batayan ng gagawing dokyu. Noong mga nakalipas na mga taon, tinalakay ang mga paksang patungkol sa environment at climate change, mental health concerns, pagkain at iba pang eating-related concerns, pagbangon sa pandemyang Covid, at iba pa. Ngayong taong ito ay tumuon ang Dokyubata sa mga kuwento mula sa mga rehiyon ng bansa. Tinawag itong “Dokyu-Rehiyon: Stories of Regional Voice and Identities.”  Anong kuwento ba ang nasa likod ng isang historical place, halimbawa? Ano ang kuwento ng isang pagkain o produkto na kilala sa isang lugar? Ang mga kuwento ay tumalakay sa mga naglalahong tradisyon at kultura, mga nalimot na kasaysayan, mga popular na tao noon, industiya o produkto ng isang lugar, pati na ang mga adbokasiya sa rehiyon.

Sabi nga, bago maging global ay lokal muna. Hindi tayo gumagawa ng dokumentaryo na nag-iisip na unibersal na ito agad. Kailangang personal ito, simulan sa lokal, sa kung anong kakaibang kuwento mula sa ating pinagmulang rehiyon. May manunulat na nagsabi na “what is most personal is most universal.” Kaya isang magandang hakbang ang pagbabalik sa mga kuwentong lokal.

Kasama ni Dr Gatmaitan ang mga opisyal at empleyado ng NCCT

Maraming tinanggap na lahok ang NCCT para sa taong ito. Umabot ng 107 ang mga isinabmit na entries sa tatlong dibisyon ng kumpetisyon: 38 sa Children’s division, 51 sa Young Adult division, at 18 sa Adult division. Karamihan sa mga sumali ay mula sa Luzon (may kabuuang 89 entries); may tatlong entries mula sa Visayas, at 15 mula sa Mindanao. Magandang mapakinggan ang pananaw ng mga bata’t kabataan patungkol sa isang isyu o paksa. Iba kasi kung tingnan nila ang daigdig. Baka may mga ipinapakita sila sa kanilang ginawang dokumentaryo na maaaring nakaligtaan ng mga nakatatandang gaya natin. Hindi naman napupuwera ang mga bata sa mga isyu at problemang kinakaharap ng ating bansa’t lipunan. Maaaring magsilbing boses ng mga batang ito ang ginawa nilang dokumentaryo.

Ang itinanghal na Best Documentary sa Adult Division: ‘Ang Bayani at ang Kanyang Sandok’

Pero paano ba natin masasabing epektibo ang isang dokumentaryo?

Una, marapat na ito ay sumailalim sa isang maingat na pananaliksik (hindi inapura). Thorough ang ginawang research bago pasimulan ang paggawa ng dokumentaryo. Pangalawa, dapat ay balanse at parehas ang pagdalumat sa magkabilang panig. Pangatlo, dapat ay malinaw at kaiga-igaya ang storytelling o pagkukuwento. Mula sa simula hanggang sa wakas ay malinaw ang pagkakalahad ng dokyu. Dapat din ay angkop sa naratibo ang gagawing visuals ng isang dokumentrayo.

“Storytelling ang mabisang kasangkapan ng documentaries,” iyan ang pagbabahagi ni Atom Araullo, ang award-winning broadcast journalist na nagbigay ng inspirational message sa Dokyubata awarding ceremony. “Kapag dinaan mo sa kuwento ang mga datos, facts, and figures, mas nararamdaman ito ng manunuod.” Tama si Atom, ang sukatan ng isang magaling na dokumentarista ay ang pagiging engaging storyteller. Nagsasalaysay ka gamit ang video camera upang maipabot sa manunuod ang gusto mo talagang sabihin. Siyempre, nais mong makumbinsi ang nanunuod ng dokumetaryo.

Ayon naman kay Dr. Dexter Galban, Assistant Secretary on Youth Affairs and Special Concerns ng Deparment of Education, binubuksan ng mga dokumentaryong ito ang ating mata upang matugunan natin ang isyu o anumang problema. Tinalakay niya ang mga bentahe ng dokumentaryo bilang isang medium ng pagbabago. Hinamon niya ang mga kabataang mag-aaral na ipagpatuloy ang magandang praktis nang pagkuha ng dokumentaryo. Si Asec Galban ang naging keynote speaker ng Dokyubata ngayong taong ito.

Sa pamamagitan ng Dokyubata, umaasa tayong mas mahihikayat ang produksiyon at pagbo-brodkast ng mga pambatang palabas sa telebisyon. Umaasa rin tayong magbibigay-daan ang mga dokyung ito tungo sa pagbabago.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -