KANYONG tubig ba ang gamit sa giyera?
Maitatanong ito dahil isa na namang pambobomba ng tubig ang pinakawalan ng China Coast Guard (CCG) kamakalawa sa regular na resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. At tulad ng maaaring asahan, di magkamayaw ang mga opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sektor ng pambansang seguridad, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), at iba’t-ibang plataporma ng mainstream at social media sa pagkondena sa anila’y patuloy na pambubuli ng China. Paulit-ulit na lang ang ganitong paratang. Ang paglalayag ng mga barko ng China Coast Guard sa saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ay ipinagpapalagay na pambubuli sa mga barko naman ng PCG na naroroon upang gampanan ang tungkulin na pangalagaan ang teritoryo ng bansa. Subalit kung papaanong ang gawang ito ng coast guard ng Pilipinas ay naaayon sa mga batas internasyonal, ganun din mismo ang inirereklamong diumano’y pambubuli ng China Coast Guard sa mga sasakyan ng PCG. Hindi pambubuli ang gawa ng CCG kundi pagtupad din ng tungkulin nitong pangalagaan ang teritoryo ng China.
Una pa muna, dapat unawain na kung papaanong ang PCG ay hindi bahagi ng sandatahang lakas ng Pilipinas, ang CCG ay hindi rin bahagi ng sandatahang lakas ng China, ang People’s Liberation Army (PLA). Ang ginawa nitong pagbomba ng tubig sa barko ng PCG ay maaaring maihalintulad sa paniniket ng traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga lumalabag sa batas pang trapiko. Hindi sila bahagi ng militar kundi mga operatiba ng pamahalaang sibil, partikular tagapagpatupad ng batas ng gobiyerno. Kapag hinuli nila ang isang traffic violator, hindi ibig sabihin binubuli nila ito kundi pinasusunod lamang sa batas trapiko.
Maliwanag ang naging pahayag ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng China na ang binomba ng tubig ng CCG ay pumasok sa teritoryo ng China na walang pahintulot. Mangyari pa, tinutulan ito ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na nagpahayag nang ganito, “Bakit tayo hihingi ng pahintulot na maglayag sa sarili nating teritoryo?’
Kung mapapansin natin, nagbubukas ang China ng daan upang maayos ang sigalot sa maayos na paraan: humingi ng pahintulot. Anong masama kung ito ang gagamiting paraan? Kung dito malulutas ang problema, bakit hindi ito gawin?
Balikan natin ang nangyari sa BRP Sierra Madre. Si Gregory Poling, pangunahing manunuring Amerikano na kontra-China partikular sa isyu ng South China Sea, ay sumulat ng aklat noong 2022, pinamagatang “On Dangerous Ground” na may ganitong paghahayag (Isina-Tagalog): “Noong 1999, ito (BRP Sierra Madre) ay lumayag palapit sa Second Thomas Shoal (ganun din kilala ang Ayungin Shoal) mga 20 milya ang layo mula sa Mischief Reef. Itinuon ng kapitan ang timon sa nag-iisang lagusan papasok sa lagoon, pumihit at sadyang isinadsad ang barko sa bahura. Natamo ng Pilipinas ang kanyang pansiyam at pinakamabuway na outpost sa Spratlys.
“Ang pagsadsad sa Sierra Madre ay nagpataas sa tensyon sa Beijing na nagalit. Nang idemand ng pamahalaang Chino na ang barko ay alisin, si Pangulong Estrada, nagkukunwaring walang alam, ay nangako na ipahihila ang barko palayo sa sandaling maaari na itong ligtas na palutangin palayo mula sa bahura.”
Ayon sa awtor, ang nag-awtorisa sa pagsadsad sa Sierra Madre ay si presidente Joseph Estrada. Taong 1999 iyun. 2023 na ngayon. Nagtagal na ng 24 na taon sa bahura ang Sierra Madre. Paano nangyari ito? Dahil humingi si Erap ng permiso – nangako siyang hihilahin ang Sierra Madre anumang oras na maaari na itong ligtas na palutangin palayo sa bahura. Pinagbigyan si Erap ng kaibigang Presidente ng China na si Jiang Zemin. E, hindi pa yata dumating ang ligtas na sandali para hilahin ang Sierra Madre, kaya sa kabila ng napakahabang panahong 24 na taon, naroroon pa rin ang Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ano ba naman kung ang problema ay daanin sa magandang usapan.
Mangako uli, “Pre, talagang hindi na mapapalutang palayo dahil sira-sira na. Kinalawang na nang husto. Baka pwedeng palugit, Pre. Mga 24 na taon pa. Malay mo, Pre. Sobrang haba na noon para matalo ang US sa Ukraine. Matalo rin sa Palestine. At sa wakas ay mabigo sa intensyong pangayupapain ka, China, Pre.”
Napaganda ng mensahe ng China. Nilinaw Ito nang husto sa 9th Manila Forum sa New Era University noong Agosto 22, 2023. Sa mga pangunahing talumpati nina Chinese Ambassador Huang Xilian at Association for Philippine-China Understanding (APCU) Chairman Raul Lambino, kamangha-mangha ang kanilang nag-iisang kongklusyon: walang kapalit ang dayalogo. Usap lang nang Usap. Usap pa rin. Hanggang marating ang dapat na pagkasunduan. Na, kagaya ng naging unawaan na noon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping, pagsasaisangtabi ng mga di-pinagkakasunduan at pagpapalakas ng mga pinagkakaisahang mga produktibong gawain. Kaya naroroon na sana’t nakakasa ang joint oil exploration sa Recto Reed na kung natuloy ay dapat na 50-50 hatian sa kita ang Pilipinas at China, kahit na lahat ng gastos ay sa China. Subalit ayon sa mga balita, ipinagpilitan ni noon ay Kalihim Panlabas Teodoro Locsin Jr. na 60-40 hatian pabor sa Pilipinas, dahil aniya ito ang probisyon ng konstitusyon ng Pilipinas. Ayon, naunsyami ang proyekto.
Maliwanag ang tindig ng China: sa di pagkakaunawaan nito sa Pilipinas, walang kahalili ang dayalogo. Ang lumilitaw na malaking problema ay ang nakatigasan na ng ulo ni Bongbong na pro-Amerikanong paninindigan. Ang pagkaloob niya sa Amerika ng apat na karagdagang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay malinaw na pagsang-ayon sa adyenda ng Estados Unidos na gawing proxy ang Pilipinas sa balak nitong digmaan kontra China. Kaya sa halip na samantalahin ang magandang pahiwatig ng China para sa pagpapanumbalik at pagpapalakas pa ng pagkakaibigang Chino-Pilipino, hindi kundi pagpapatindi pa ng hidwaan.
Sa isyu na lang halimbawa ng pinagtatalunang pangako ni Erap na hihilain ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, anong matigas na sabi ni Bongbong?
“Kung merong ganyang pangako, binabali ko.”
Umasa tayo na ang inirereklamong panganganyon ng tubig ng China sa mga resupply mission sa BRP Sierra Madre ay magpapatuloy. Hindi sambayanang Pilipino ang pinarurusahan dito kundi ang katigasan ng ulo ng isang presidenteng mulat na ibinubulid ang bayan sa giyerang hindi nila gawa.