27.2 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Bakit bumalikwas ang Pangulo sa US at China?

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa Dalawang Bahagi

HINDI marahil ito napansin o nagugunita ng higit na nakararaming Pilipino: Noong Pebrero nitong taon, bumalikwas ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga patarakang paulit-ulit niyang inihayag patungkol sa China at Amerika.

At ito ang pangunahing dahilan ng tumitindi nating tunggalian sa China hinggil sa West Philippine Sea (WPS), ang dagat sa Kanluran ng bansang saklaw ng ating karapatang pang-ekonomiya sa ilalim ng pandaigdigang kasunduan sa karagatan.

Mangyari, dahil sa pagbalikwas ng Pangulo at pagpayag niyang gamitin ng Amerika ang siyam na paliparan o daungan ng Sandatahang Lakas o AFP, naunsiyami ang maganda sanang ugnayan natin sa China.

Ano pa nga ba ang mangyayari kung hahayaan nating gamitin ang mga base militar natin ng Estados Unidos (US) na may kakayahang atakihin ang China hindi lamang ng karaniwang mga bomba at missile, kundi sandatang atomika rin?


Tayo man, kung may karatig-bansang magpapagamit sa hukbong nagbabanta sa atin, babagsik ang trato natin sa bansang nagpagamit sa kaaway. Natural iyon, hindi ba?

‘Lahat kaibigan, walang inaaway’

Sa katunayan, hindi ibig ng Pangulong Marcos kumampi sa Amerika laban sa China, at ito ang paulit-ulit niyang inihayag, hindi lamang bilang presidente rito at sa ibayong dagat, kundi bilang kandidato noong 2022.

“Friend to all, enemy to none” (Lahat kinakaibigan, walang inaaway) ang bukambibig ni Marcos mula Maynila hanggang sa Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations sa New York.

- Advertisement -

Sabi pa niya sa China Global Television Network (CGTN) noong dalaw niya sa Beijing noon lang Enero na nasa pambansang kagalingan ng Pilipinas huwag bumalik “sa lumang palakad noong Cold War (sa pagitan ng Amerika at komunistang Unyong Sobyet) na dapat mamili ng papanigan.”

Walang kampihan din ang nais ng Asya, ani Marcos, bagaman may nag-uudyok pumanig sa mga magkaribal na bansang superpower. Dagdag pa niya sa panayam niya sa CGTN: “Ang kinabukasan ng rehiyong Asya-Pasipiko dapat pagpasyahan ng rehiyong Asya-Pasipiko, hindi ng iba.”

Tungkol sa relasyon sa China, sinabi ni Marcos na karaniwan lamang ang ilang di-pagkakasundo sa pagitan ng magkaibigan, ngunit hindi ito dahilang magwakas ang pagkakaibigan. Samantala, isinalaysay niya 14 minuto mula sa simula ng panayam sa CGTN (https://www.youtube.com/watch?v=UhWaaDCcwAA):

“Nag-alok ang mga Amerikanong mamagitan sa China at Pilipinas, at sabi ko, hindi iyon magtatagumpay, dahil partidong may pansariling pakay ikaw (US).”

Noong Nobyembre 2022, matapos ihayag ng mga opisyal ng tanggulang pambansa ng Amerika at Pilipinas ang 10 base militar natin na ibubukas di-umano sa US, iniutos ng Pangulong Marcos masusing pag-aralan ang kahilingang gamitin ang mga kampo ng AFP.

Pinasuri din ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA, 2014), ang basehan ng pagamit ng mga base militar; ang Visiting Forces Agreement (VFA, 1999) na sandigan ng EDCA; at ang Mutual Defense Treaty (MDT, 1951), ang saligan ng alyansiya natin sa US.

- Advertisement -

Inatasan niyang mamuno ng pagrepaso sa mga kasunduang panseguridad ang Tagapayo sa Pambansang Seguridad noon, si Propesor Clarita Carlos, ang iginagalang at lubos na makabayang unang pinuno ng National Defense College of the Philippines, bahagi ng Sandatahang Lakas.

Malamang nagunita rin ng Pangulo ang babala ng nasira niyang ama noong 1975, iniulat sa pahayagan ng Philippine Council for Foreign Relations (sa ikatlong artikulo sa http://pcfr.weebly.com/pcfr-journal.html):

“Kung hangarin ng mga base militar ng Amerikang palakasin ang katayuang militar ng Amerika sa Pasipiko o sa Karagatan ng Indiya at sa buong mundo, hindi kaya maharap ang Pilipinas sa mga galit, paghihinala at alitan … at hindi ba ilalagay sa panganib nitong mga base ang katiwasayan ng mga Pilipino at ng Pilipinas hindi lamang dahil sa atake ng karaniwang armas, kundi pati ng sandatang atomika?”

Pagpilit sa Pangulo

Bakit bumalikwas ang Presidente? Ayon sa usapan ng mga negosyante, pinagbantaan daw si Marcos na ibubunyag ang yamang kubli sa ibayong dagat. Sa gayon, mag-aalsa ang tao upang pababain siya sa puwesto at ibalik ang yaman sa Pilipinas.

Itinanong naman sa cover story noong nagdaang linggo ng magasing Yazhou Zhoukan (YZ) na nagsimula bilang bersiyong Chinese ng pahayagang Asiaweek: “May pinaghahawakan ba ang US laban kay Marcos?”

Dagdag pa ang YZ: “May pondong mahigit $10 bilyon ang pamilyang Marcos sa US. Kasama ng libu-libong habla kay Marcos Sr., magagawa ng yamang ito na maimpluwensiya ng Amerika ang mga pangyayari sa Taiwan at South China Sea.”

Sa katunayan, nagkaroon na ng malawakang pagbubunyag ng tagong yaman. Noong 2021, naglabas ang International Consortium of Investigative Journalists (ICIJ) ng ulat tungkol sa bilyun-bilyong dolyar na yamang nakakubli sa iba’t-ibang dako ng mundo ng mga kilalang pinuno at bilyonaryo.

At noong 2013, inilabas ng ICIJ ang di-umano mga ponding kubli sa British Virgin Islands ni Ma. Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos, ngunit wala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kung lumabas ang gayong ulat tungkol sa Pangulong Marcos, malaking gulo, at madali para sa Amerikang halungkatin ang gayong impormasyon.

Ano ngayon ang mangyayari dahil sa pagbalikwas ni Marcos? Pag-usapan natin iyon sa Nobyembre 20.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -