NANG magbukas ang Mall of Asia noong 2006, kasama ni Henry Sy Sr. sa paglilibot sa loob ng SM si Ma. Cecilia Abreu, na noon ay siyang assistant vice president for Store Operations.
Gaya nang nakasanayan ni Sy, binibisita niya ang Shoe section, sinusuri nito ang mga sapatos at sandals, at tinatanong ang mga sales clerks doon kung “Marami pa ba nito? Are these fast-moving?”
Hindi natatapos ang tanungan doon. Hawak ang isang sandal, si Abreu naman ang sunod na tinanong na hanggang ngayon ay tandang-tanda pa niya: “Kaya pa ba ng mamimili natin na bilhin ang mga sandals na ito sa ganitong presyo?”
“Ang iniisip niya talaga is kaya pa ba ‘to ng customer. Hindi nagbabago si Mr. Sy sa pag-aalala sa kanyang mga customer, kung ano ang gusto nila, at kung ano ang kailangan nila,” pagbabahagi pa ni Abreu.
Ang pagiging masinsin sa pag-unawa sa takbo ng merkado ay siyang nanatili sa SM sa paglipas ng mga taon. Ang pagbibigay ng mga abot-kaya at de kalidad na mga gamit ay nagmula kay Tatang, tawag kay Sy ng mga taong natulungan niyang magbago ang buhay.
Maraming kuwento si Abreu patungkol kay Tatang kahit noong assistant branch manager pa siya ng SM Makati.
“Meron din kaming isang customer. Nagdadala siya ng maraming bag. Hindi naman siya bumibili. Lagi niyang hinahanap si Mr. Sy. Uupo siya dun sa daanan ng lobby namin. Sasabihan namin si Tatang, Sir andyan na naman ho yung lady na palaging naghahanap sa inyo. Lagi namang sinasabi ni Tatang nang may ngiti sa kanyang mukha na, ‘hayaan ninyo siyang umupo doon.’”
Paggalang sa pangako, respeto sa kasipagan
Bilang pagpapatuloy sa kuwento ng mga parokyano ng SM Makati gaya ni Chelo Monasterio, dating branch manager ng SM Makati, ibinahagi niya na, “Ramdam ni Tatang na ang SM ay para sa lahat. Kung kaya di ba kahit pag may bagyo, nakabukas pa rin kami. Dahil ito kay Mr. Sy, kasi para sa kanya ang SM ay kanlungan ng mga mamamayan.”
41 taon na simula nang maging bahagi si Monasterio ng SM, noong panahon na may tatlong tindahan pa lamang ito sa: Quiapo, Cubao, at Ermita. Magmula sa pagiging HR manager naging branch manager din siya bago maging SM Store President ng SM Makati, at ngayon nga ay isa na siyang ganap na consultant para sa SM Retail. Lubos na ipinagmamalaki ni Monasterio na, “Sinanay kami ni Tatang. Kaya lahat ng naiisip, naibabahagi namin ay nagmula sa kanya. Hinubog niya kami sa kung sino kami ngayon. Pinangasiwaan man niya kami ngunit hindi niya kami hinayaang matakot sa kanya. Naibabahagi din namin sa kanya ang nararamdaman namin at hindi niya iyon ginagamit laban sa amin. Nakikinig siya sa mga sinasabi ng mga taong nakapaligid sa kanya.”
Ayon din kay Monasterio, hindi mabulaklak magsalita si Tatang. Siya ay prangka, tulad ng mga salitang ito, simple man kung pakikinggan ngunit tumatak ito sa kanya, “Itong mga salitang ito dala-dala ko na siya.” Sa isang pagkakataon, sinabihan siya ni Tatang na. “Chelo, may dalawang katangian na dapat meron ka para maging matagumpay. Una, dapat may common sense ka. At ang isa pa ay dapat masipag ka.”
Naalala din niya noong araw na branch manager pa siya sa SM Makati, naikuwento ni Monasterio na, “Si Mr. Sy ang nagturo sa akin sa pagpapatakbo ng bentahan. Tinutulangan niya ako sa umaga at kinakausap tungkol sa bentahan ng produkto, at mga sapatos. Ibinabahagi din niya kung paano pakisamahan ang mga tao kasama na dito ang mga supplier — na dapat ay maging mabuti at igalang ang mga pangako sa kanila dahil iyon ang magdidikta ng iyong reputasyon.”
Mahilig si Tatang na maggugol ng oras at makipag-usap at ibahagi ang kanyang mga pangarap at mithiin sa buhay.
“Kapag ibinahagi niya ito sa iyo, mararamdaman mo na mayroon kayong ugnayan — na kabilang ka at makakatulong ka sa minimithi niyang iyon,” sabi ni Monasterio.
Paniniwala sa bisyon at mga tauhan
Sa huling pagbisita ni Sy sa Distribution Center ng SM Store sa Parañaque, naaalala pa rin ni Rose Siaco ang sinabi nito sa kanya, “Bonus ito, Rose, at hindi ito bahagi ng aking pangarap.”
Ang Distribution Center (DC) ay kung saan ibinabagsak ng mga supplier ng SM Store ang kanilang mga produkto para ilipat sa mga sangay ng SM Store at Retail affiliate sa buong Pilipinas.
Noong 1978, nagpa-praktis pa lang si Siaco bilang medical technologist nang nangahas siyang subukan ang isang bagay na labas sa kanyang nakasanayan. Sinimulan niyang maging isang Supplies Officer ng Shoemart Inc. noong taong iyon. Dito nagamit ang kanyang mga kakayahan sa pagiging organisado at may atensyon sa mga detalye.
Nang makitang nagtagumpay si Siaco sa mga pagsubok, binigyan siya ng tungkulin ni Sy na maging isang acting warehouse manager. “Sinabi ko sa kanya na ito ay mundo para sa mga kalalakihan, ngunit sinabi niya sa akin na magsanay bilang isang warehouse manager. Sabi niya sa akin, ‘Ang kailangan ko ay ang iyong talento. Hindi ko kailangan iyong pisikal na lakas mo. Magiging mabigat iyon para sa iyo,'” pagbabahagi pa ni Siaco.
Ito ang nanghikayat sa kanya at naging inspirasyon niya na kumuha ng mga kurso sa pamamahala. “Talagang nagsanay ako. Dumalo ako sa mga seminar. May mga araw na dumadalo ako ng seminar, tanging ako lamang ang babaeng lumahok,” dagdag pa ni Siaco.
Para sa kanya, disciplinarian talaga si Tatang, parang istriktong guro. “Sa oras na ikaw ay nagkamali, itatama niya ito agad. Ganun siya magsanay.” Ipinababatid din nit Tatang sa mga apektadong kawani ang mga kahihinatnan ng pagkakamali.
Bukod sa pagharap sa mga bagong pagsubok, ibinahagi din ni Siaco ang dahilan kung bakit siya nanatili sa SM ng 45 taon: “Kaya rin ako nagtagal, hindi ko naramdaman na sila ay ibang tao sa akin. Tinatrato nila ang kanilang mga empleyado na parang pamilya.”
Mga kwentong ibinahagi, mga hangaring natupad
Ibinahagi ni Abreu ang isa pang kwento na nangyari sa supermarket, “Pagkatapos ng kanyang nakagawiang ‘pag-ikot,’ nagpaalam si Tatang sa lahat. Sumakay na si Mr. Sy sa kotse niya pero bago pa man makaalis ang sasakyan ay bumaba muna ito. Nasa labas pa rin ang lahat, kumakaway at nagpapasalamat sa kanyang pagbisita. Sinabi ni Mr. Sy sa malinaw na boses ‘Gusto kong pasalamatan ang bawat isa sa inyo para sa inyong pagsusumikap.’”
Ang pagbabahagi ng kanyang hangarin, pagbabahagi ng mga kuwento, at mga salita ng pasasalamat ay ang mga paraan kung paano ipinakita ni Tatang ang kanyang pagmamalasakit. Sa ngayon, ang kanyang mga empleyado at kasamahan mula sa maliliit na tindahan ng Quiapo at Makati ay patuloy na nagkukuwento at tumutulong sa kumpanya na maisakatuparan ang kanyang mga hangarin at mithiin.