O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad; Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. … Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay, magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw; pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit, sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit. Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
- Salmong Tugunan, 63:1, 6-7
TAPATAN tayo: Sa mga hinagpis ng mundo, gaya ng dambuhalang bagyong Yolanda o Hainan sampung taong nagdaan noong Nobyembre 2013 at ang kasalukuyang giyera ng Israel sa Gaza laban sa Palestinong hukbong Hamas, sadyang nagtatanong ang marami: Nasaan ang Diyos?
Sa ika-10 anibersaryo ng Yolanda sa Tacloban, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilisan pa ang pabahay para sa mga nasalanta habang namamahagi ng 3,000 titulo sa mga nabiyayaan ng National Housing Authority. Mangyari, hanggang ngayon may mga pamilya pa ring nasa mga peligrong lugar.
Matapos ang pamisa para sa mga biktima ng bagyo, kabilang ang mga 15,000 namatay, nagpasalamat ang Pangulo sa pamunuang pambansa at lokal, sa pribadong sector at mga organisasyon sa Pilipinas at ibayong dagat para sa malaking tulong nila.
Samantala, napaligiran na ng hukbong Israel ang lungsod ng Gaza para sa unti-unti at lubhang madugong paglipol sa Hamas. Sa taya ng Ministeryo ng Kalusugan ng Gaza, pinamumunuan ng Hamas, lampas 10,000 ang Palestinong namatay, kabilang ang mahigit 4,100 bata — mas marami kaysa sa mga batang namatay sa buong mundo sa nagdaang apat na taon.
Isang malaking sanhi ng kamatayan ng kabataan ang direktong atake sa mga kampo ng lumikas o refugees, kung saan nagkukubli ang Hamas. Dagdag pa rito ang pagkawala ng gamot, kasangkapan, tubig at koryente sa mga ospital ng Gaza dahil sa tahasang pagpigil ng Israel sa pasok ng mga pangangailangang ito sa teritoryo.
Sa lahat ng iyon at iba pang ligalig at hapis sa mundo, nasaan ang Diyos?
Maningning, di kumukupas, agad nakikita
Para sa unang pagbasang Misa ng Nobyembre 12, Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon, ang Aklat ng Karunungan (6:12-16), hindi mahirap hanapin ang Diyos: “Ang Karunungan maningning at di kumukupas, madaling natatagpuan ng naghahanap sa kanya, at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya. … Hanapin mo siya nang maaga at agad mo siyang matatagpuan.”
Mahalaga ang huling pangungusap: kung hahanapin lamang natin ang Diyos kapag gumuguho na ang mundo natin, baka mahirap ngang makita kaagad. At kung hindi natin siya pinasasalamatan sa mga biyaya — ni hindi yata Siya nabanggit sa talumpati ng Pangulong Marcos sa Tacloban — hindi nga natin Siya makikita, anumang grasya ang ibigay Niya.
Subalit kung laging nasa diwa at dila ang Diyos, gaya ng pahayag sa Salmong Tugunang sinipi sa simula, masasabi natin sa Kanya: “Ikaw sa tuwina ang katulong na malapit, sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.” Dagdag pa ng Salmo: “Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan, magagalak na umawit ng papuring iaalay.”
Pero sa totoo lang, sadyang napakahirap laging isaisip o papurihan ang Poon sa gitna ng mga pagsubok at abalahin ng buhay. Oo nga’t nagsusumamo sa Kanya ang mga kawawang nasa gitna ng hagupit ng bagyo sa Tacloban at sabog at putukan sa Gaza. Sino’ng hindi mapapa-Diyos ko! sa mga kagimmbal na sandaling iyon?
Subalit kung hindi natin isinasaisip at isinasapuso ang Diyos sa araw-araw, hindi natin makikita ang patnubay Niya sa bawat sandal. Sa gayon, pagdating ng ligalig at panganib, kahit manawagan tayo, hindi malakas ang pananalig natin sa saklolo Niya.
Dito papasok ang Ebanghelyong Misa mula kay San Mateo (25:1-13 tungkol sa mga babaeng marunong at mga hangal. Madalas sumbatan ang limang hangal dahil hindi naghanda ng langis sakaling magkaubusan habang hinihintay ang lalaking ikakasal. Subalit higit sa roon ang kakulangan ng mga birheng naubusan ng langis at hindi nakapasok sa pagdiriwang.
Mas malaking kasalanan ang kakulangan ng pakundangan sa poon nila. Kung tuwinang nasa isip nila ang ikakasal, titiyakin nilang sapat ang langis anumang oras siyang dumating. Sa katunayan, kung laging nasa isip at puso ang Maykapal, hindi magugulat pagdating Niya kundi mananabik. At ang pinakamatindi ang pananalig, pagkakalooban ng Diyos ng pananaw sa hinaharap.
‘Kapiling magpakailanman’
Ganitong kaalaman ang inihayag ni San Pablo sa ikalawang pagbasang Misa mula sa kanyang Unang Sulat sa mga taga-Tesalonica (1 Tesalonica 4:13-18). Isinalaysay ng Apostol ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ni Hesukristo sa wakas ng panahon:
“Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, nang hindi kayo magdalamhati, tulad ng mga taong walang pag-asa. Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Hesus — upang isama sa kanya.”
Mangyayari ba ito?
Wika sa unang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan: “Maamo siya at sasamahan ka niya sa bawat iniisip mo.”
Kung laging kapiling ang Maykapal, hindi Niya tayo iiwan, kahit pa sa libingan. Amen.