PINANGUNAHAN ni Governor Ramil Hernandez, kasama sina Vice Governor Atty. Katherine Agapay, Congresswoman Ruth Hernandez, at Provincial Agriculturist Marlon Tobias, ang pagbubukas ng 8th Laguna Organic Agriculture at 5th Agri-Fishery Congress na tatagal ng isang lingo sa Provincial Capitol Compound, Sta. Cruz, Laguna noong Lunes, Nobyembre 6, 2023.
Bahagi ng pagdiriwang ang panunumpa ng mga bagong pangulo ng Municipal/City Agricultural and Fishery Councils at ng Magsasaka Siyentista ng Laguna. Iginawad din ang Certificate of Accreditation sa 13 asosasyon ng mga magsasaka, na sinundan ng pamamahagi ng mga organic fertilizers at vegetable seeds sa mga miyembro ng Rural Improvement Clubs, Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC), Laguna Integrated Fisheries and Aquatic Resource Management Council (LIFARMC), mga opisina ng agrikultura sa munisipyo/lungsod, at iba pang mga kasosyo sa sektor ng agrikultura.
Layunin ng nasabing kongreso na paigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna (PGL), sa pamamagitan ng Field Agricultural Extension Services-Office of the Provincial Agriculturist (FAES-OPAg), ang kampanya sa pagtataguyod ng organic agriculture sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka, at kilalanin ang mga matatagumpay na magsasaka at mangingisda sa lalawigan.