MAHIGIT 4,990 na mga kawani ng Department of Education at security forces ang magiging katuwang ng Commission on Elections sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa 275 na barangay ng lalawigan sa October 30.
Malugod na tinanggap ni Atty. Abraham Asuncion, Provincial Comelec Chief ang mga kawani ng Deped at security forces na kinabibilangan ng Philippine National Police at special units nito na Special Action Force, Weapons and Tactics, K-9, Scene of the Crime Operatives, Highway Patrol Group at Coast Guard, Philippine Army, Bureau of Fire Protection at mga kagamitan ng mga ito sa isinagawang turn-over program kanina sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office sa bayang ito.
Ayon kay Asuncion, ang mga kawani ng DepEd at mga security forces, kabilang ang mga kagamitan ng mga ito ay nasa control at pangangalaga na ng Comelec hanggang matapos ang 2023 BSKE sa lalawigan.
“Ako ay nagagalak dahil kayo ay aming katuwang sa parating na BSKE sa ating lalawigan, umaasa akong magagampanan natin ang ating tungkulin tungo sa mapayapa, maayos at tahimik na halalan sa mga barangay ng ating lalawigan,” pahayag ni Asuncion sa isinagawang turn-over program.
Kasamang dumalo sa turn-over program ang mga Municipal Comelec Officers sa 15 bayan ng lalawigan. (BME/PIA NVizcaya)