HANGAD ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang maayos na transition ng pamamahala sa mga barangay sa Gitnang Luzon matapos ang idaraos na halalan.
Isa sa mga tinututukang programa ng ahensiya ngayon ay ang Local Governance Transition na layuning mabigyan ng kaalaman at mapaalalahanan ang mga kasalukuyang nakaupong barangay officials na magsagawa ng inventory at dokumentasyon ng lahat ng mga pagmamay-aring kagamitan at ipinatutupad na programa sa komunidad.
Sinabi ni Regional Director Anthony Nuyda na sa bisa ng Memorandum Circular No. 2023-47 ay inaatasan ng DILG ang lahat ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan inventory teams na magsagawa ng initial inventory ng mga property, financial records at iba pang kaukulang dokumento.
Mahalaga na magawa ito sa bawat barangay upang maging maayos ang turnover at agad na makapagsimula sa trabaho ang mga susunod na mamamahala.
Sa kasalukuyang tala ng ahensiya ay nasa 77 porsiyento na ang nakapagsagawa ng inventory na kung saan inaasahang matatapos ang lahat bago sumapit ang Nobyembre 30, na pag-upo sa katungkulan ng mga magwawaging opisyales ngayong eleksyon.
Ang bawat Barangay Inventory Team ay binubuo ng Punong Barangay bilang chairman, isang miyembro ng Sangguniang Barangay (SB) na magsisilbing vice chairperson, at mga miyembro na kinabibilangan ng tatlo pang SB members, Barangay Secretary, Barangay Treasurer, Bookkeeper o kinatawan ng pamahalaang bayan o siyudad, at isang kinatawan mula sa Civil Society Organization.
Ang mga nagawang initial inventory ay ipinapasa sa Municipal o City Assessment and Transition Team na silang nangangasiwa sa pagtitiyak na tama at tugma ang mga ito.
Samantala, ipinahayag din ni Nuyda ang ilan pa sa mga inisyatibo ng ahensiya bilang katuwang ng Commission on Elections (Comelec) at iba pang kagawaran ng pamahalaan na nakatutok sa kaayusan ng buong halalan.
Kabilang na rito ang iba’t ibang advocacy campaign na kanilang inilunsad tulad ng BotanThink, Botante Knows, Botante Tips, at Hapag Kaalaman bilang pagbibigay ng gabay sa mga botante at kandidato hinggil sa mga dapat na malamang impormasyon at mga patakaran patungkol sa eleksyon.
Sinabi naman ni DILG Region 3 Legal Officer Jackie Paulino na bilang tugon sa inilabas ng kautusan ni Secretary Benjamin Abalos Jr. ay mayroong binuong monitoring team ang ahensiya na nakabantay sa buong proseso ng eleksyon hanggang sa ito ay matapos.
Layunin ng binuong monitoring team na tutukan at agad na maiulat kung mayroong mangyaring election-related incidents sa mga bayan at siyudad nang sa gayon ay makatulong sa isinasagawang pagbabantay kapayapaan ng mga awtoridad tulad ng mga kapulisan, kasundaluhan at Comelec.
Makaaasa aniya ang lahat sa patuloy na suporta at pagtulong ng DILG upang masiguro na magiging matiwasay at malinis ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buong rehiyon. (CLJD/CCN-PIA 3)