MAHIGIT P389 milyon na pautang sa mga kwalipikadong pensiyonado ang ipinalabas ng Social Security System (SSS) sa Soccsksargen mula Enero hanggang Setyembre 2023.
Sinabi ng senior communications analyst ng SSS South Mindanao II na si Noel Nacion na hindi bababa sa 9,413 pensioners sa rehiyon ang nakapag-avail na ng kanilang Pension Loan Program (PLP).
“Ang mga pension loan na ito ay naging buhay para sa mga retirees, na tumutulong sa kanila na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin, maibsan ang pinansiyal na alalahanin at mabigyan sila ng pondo para sa negosyo, at iba pang mga proyekto,” sabi ni Nacion.
Ang PLP ay inilunsad upang tulungan ang mga pensiyonado sa kanilang panandaliang pangangailangan sa pananalapi sa pamamagitan ng pag-aalok ng pautang sa mababang rate ng interes na 10 porsiyento bawat taon.
Binigyang-diin ni Nacion na ang sinumang pensioner ng SSS ay magiging kwalipikadong mag-apply para sa isang pension loan, sa kondisyon na ang naturang pensioner ay tumatanggap ng pensiyon nang hindi bababa sa anim na buwan.
Ang halaga ng pautang ay kukuwentahin batay sa pangunahing buwanang pensiyon at ang bilang ng mga buwan na natatanggap ng pensioner ang kanyang pensiyon. Ang maximum na halaga ng pautang ay P200,000.
Sa General Santos City, mayroong 3,894 retirees na nakatanggap na ng P149 million, habang 2,493 retirees sa Koronadal City ang nakinabang sa P128.7 million SSS financial support.
Bukod dito, 1,224 na mga retirado mula sa lalawigan ng Cotabato ang nag-avail ng pension loan program, na may kabuuang P42.38 milyon na ang naibigay na.
Sa Kidapawan City, 895 pensioners na ang nakatanggap ng P33.28 milyon, habang sa Tacurong City, 907 retirees ang nabigyan ng P35.79 milyon sa pamamagitan ng PLP.
Ipinaliwanag ni Nacion na ang programa ay maaaring gamitin sa anumang layunin, tulad ng pagbabayad para sa mga gastusing medikal, pagpapaayos ng bahay, o mga gastusin sa edukasyon.
Aniya, ang mga SSS pensioners ay maaaring mag-apply ng loan online o sa alinmang sangay ng SSS sa buong bansa. (Halaw ni Rufina Caponpon sa artikulong Ingles ni Oliver Ross Rivera ng PIA)