31.2 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Dapat madaliin ng DoE, DPWH ang paglabas ng polisiya sa charging stations para sa EVs – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DoE) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na madaliin na ang pagpapalabas ng mga patakaran o polisiya sa mga charging station na kailangan para mapalakas ang paggamit ng electric vehicle (EV) sa bansa.

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DoE) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na madaliin na ang pagpapalabas ng mga polisiya sa mga charging station ng electric vehicle (EV) sa bansa. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN 

“Ang pinakamalaking hadlang sa paggamit ng mga EV ay ang kawalan ng charging stations. Walang kakulangan ng EV sa bansa, pero nag-aalangan ang mga tao na gumamit ng EV dahil walang lugar kung saan sila pwedeng mag-charge ng kanilang sasakyan. Kaya, ang pinakamalaking hamon ay ang punan ang kakulangan ng kinakailangang imprastraktura at patakaran para sa paglalagay ng charging stations,” sabi ni Gatchalian sa nagdaang 11th Philippine Electric Vehicle Summit na inorganisa ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP).

 

Bukod sa DoE, ipinaliwanag ni Gatchalian na may kailangan ding ayusing polisiya ang DPWH para tuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng mga EV sa bansa. Aniya, nakatoka sa DPWH ang paggawa ng revision sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng national building code at ang green building code para sa pag-install ng mga charging station.

 

Sa ngayon kasi ay pito pa lamang sa 19 na mga polisiya ang nailabas na sa ilalim ng Comprehensive Roadmap for the Electric Vehicle Industry (CREVI) at may natitirang pang 12 na kailangang ayusin. Binuo ang CREVI matapos isabatas ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), ayon kay Gatchalian na siyang pangunahing may-akda ng batas. Sabi ni Gatchalian, pinagtibay talaga ang batas upang suportahan ang paggamit ng mga EV sa Pilipinas.

 

Kasunod ng pagbubuo ng CREVI, nagtakda ang gobyerno ng konserbatibong target na bilang ng EV na 850,100 EV sa bansa at charging stations (EVCS) na aabot sa 20,300 EV pagdating ng 2040. Ang mas ambisyosong target naman ay nagtatakda na magkaroon ang bansa ng higit sa 2 milyong EV at 40,000 EVCS pagdating ng 2040.

 

Sinabi rin ni Gatchalian na pinag-iisipan niyang magmungkahi ng mekanismo sa refund ng value-added tax (VAT) para sa mga bibili ng EV. Sa kasalukuyan, ang mga taripa sa pag-import at excise tax sa mga EV ay suspendido na sa loob ng limang taon upang mapababa ang kanilang mga presyo at gawing mas abot-kaya ang mga ito sa mga mamimili.

 

“Pinag-iisipan ko ang isang mekanismo kung saan maibabalik natin ang VAT sa mga lilipat sa mga EV. Sa madaling salita, ito ay 12 porsiyento na subsidiya para sa mga bibili ng mga EV,” sabi ni Gatchalian. Ang pagbibigay ng mga subsidiya para sa mga gumagamit ng EV ay isang mekanismo na ginagawa na rin ng ilang mga bansa upang makahikayat ng mas maraming gagamit ng EV, pagtatapos niya. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -