PINASINAYAAN noong Biyernes (Oktubre 20) ang bagong bubong ng Hawaii Circle covered court sa Barangay Don Bosco sa Paranaque na siyang dinaluhan ni Mayor Eric Olivarez at nanguna sa ribbon-cutting ceremony ng gusali.
Ayon sa punong lungsod, ang covered court na ito ay unang ipinagawa at pinatayo ng dating Congressman Roilo Golez. Ito ay pinaayos lamang ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ng alkalde, District 1 Congressman Edwin Olivarez, at District 2 City Councilor Rico Golez.
Dagdag ng punong lungsod, malaking tulong ang pagpapaayos ng bubong ng covered court dahil ito ay magagamit ng mga residente at opisyal ng mga iba’t ibang samahan sa naturang komunidad. Inihayag pa ni Mayor Eric ang kanyang pasasalamat sa mga taxpayers ng lungsod dahil sa pamamagitan ng pagbayad ng tamang buwis, maraming proyekto ng pamahalaang lungsod ang naisasakatuparan.
Tiniyak din ng alkalde na patuloy na makikinig at tutugunan ng pamahalaang lungsod ang mga concern at isyu ng mga residente ng naturang komunidad. Bukod sa ribbon-cutting ceremony, binigyan din ng Certificate of Appreciation ang punong lungsod para sa kanyang suporta sa Hawaii Circle Homeowners Association Inc.
Idinaos din ang pagbebendisyon ng covered court na pinangasiwaan ni Rev. Father Chris Magbitang ng Mary Help of Christian, Barangay Don Bosco. Kasama ring nakilahok sa programa ang pamunuan ng Barangay Don Bosco sa pangunguna ni Barangay Captain Chona Navarro, ang mga opisyal ng Hawaii Circle Homeowners Association Inc. sa pangunguna ni Ma. Abigail Eugenio, at mga pinuno ng iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod.