ISANG youth leadership seminar ang isinagawa ng Local Youth Development Office (LYDO) para sa mga kumakandidatong Sangguniang Kabataan Chairmans sa Lungsod ng Batangas kamakailan.
Layon ng seminar na maihanda ang mga kabataang ito na naghahangad mamuno sa paglilingkod at pagbibigay ng tamang serbisyo sa kanilang mga kabarangay.
Ang youth leadership seminar ay sa ilalim ng “Project KA BRAD: Ang Batangueñong Kabataan Dalangin ng mga Batang Responsable at Disiplinado: Ang Paunang Hakbang ng Sangguniang Kabataan sa Matinong Pamumuno” ng LYDO.
Ayon kay LYDO Officer Nel Magbanua, ang tinatawag na “servant leadership” ang ikokonsiderang puso ng paglilingkod.
“Ang isang kabataan na nagnanais mamuno sa kanyang mga kapwa kabataan ay dapat may kababaang loob at pagmamahal sa bayan,” ani Magbanua.
Tampok din sa naturang seminar ang pagbibigay kaalaman ukol sa mga usaping may kaugnayan sa Anti-Drug Abuse at Anti-Terrorism.
Pinangunahan ni PEMS Rogelio Magsino mula sa Batangas City Police Station ang pagtalakay ng mga nabanggit na paksa.
Tinalakay naman ni Assistant City Comelec Officer Lizette Gualberto ang mga guidelines o panuntunan na ipatutupad kaugnay ng BSKE 2023.
Nagbahagi rin ng mga karanasan sa kanyang panunungkulan ang kasalukuyang SK Federation President na si Marjorie Manalo. MDC-PIA