TUMAAS ang populasyon ng Pilipinas na sakop ng microinsurance noong 2022 sa 57.75 milyon, 7.5 porsiyento mas mataas kaysa 53.7 milyon noong 2021 at higit na doble sa sakop nito noong 2016. Noong 2020, nalagpasan na ng bansa ang 50 milyon na 2022 target ng Insurance Commission (IC) na masasakop ng microinsurance sa populasyon.Tumaas din ang premium na nakolekta ng mga insurance companies sa P11.5 bilyon, mula P10.1 bilyon noong nakaraan taon. Umabot na ito sa 0.0524 porsiyento ng GDP. Maliit ang katumbas na bahagdan sa GDP ngunit malaki (52.1 porsiyento) ang sakop sa populasyon. (Table 1)
Ang microinsurance ay isang produkto na binibili ng mga hindi kalakihan ang sahod para protektahan ang kanilang mga buhay at maging ang kanilang mga ari-arian at kabuhayan mula sa mga pangyayaring hindi inaasahan tulad ng aksidente, pagkakasakit, sunog, bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang kalamidad.
Ayon sa R.A. 10607 na naging batas noong 2012, ang microinsurance ay isang produkto na ang halaga (cost) ay di lalagpas sa 7.5 porsiyento ng daily minimum wage ng non-agricultural worker sa Metro Manila at ang total na ginarantihang benepisyo ay di lalagpas sa 1,000 times ng daily minimum wage ng non-agricultural worker sa Metro Manila.
Layunin ng Cebu Action Plan na pinagtibay ng APEC Finance Ministers noong 2015 na palaguin ang microinsurance sa rehiyon ng APEC. Base kasi sa pag-aaral ng mga APEC Finance Ministers, ang mga mahihirap ang nakararanas ng pinakamatinding kahirapan kapag tinamaan ng sakuna. Na-identify ang Pilipinas na isa sa mga sampung most vulnerable countries. Sa Pilipinas, tinatayang P200 bilyon hanggang P400 bilyon ang nawawalang kita ng mga mamamayan bawat taon dahil sa sakuna; 1 hanggang 2 porsiyento ang katumbas sa GDP.
Para maibsan ang epekto ng mga sakuna, naglalaan ng pamahalaan ng P30 bilyon bawat taon sa National Government budget (2023). Kahit kailangan ng ayuda ng mga biktima, mas maigi kung sila mismo ang tutulong sa kanilang sarili sa pamamagitan ng microinsurance. Sila ay makatatanggap ng microinsurance claims para makapagsimula ulit. Ito ay maaring gamitin sa pag-aayos ng bahay o kaya’y kapital para magsimula ulit ang mga negosyo na naapektuhan ng sakuna. Nang tinamaan ang Visayas ng Bagyong Yolanda noong 2013, ayon sa IC, nakatanggap ng P500 milyon ang mga biktima ng delubyo na malaking tulong para ayusin ang kanilang tirahan at ibangon uli ang kanilang mga kabuhayan.
Maraming microinsurance providers na ang naitayo para magdisenyo at magbenta ng microinsurance.simula nang nalikha ang microinsurance noong 2012. Sa Pilipinas, ang mga puedeng mag-isyu ng microinsurance policies ay insurance companies, microinsurance mutual benefit associations (Mi-MBAs) at cooperative microinsurers para sa kanilang miembro. Ang mga kumpanyang ito ay nire-regulate ng IC, may itinatakdang capitalization at kailangan nilang magsumite ng periodic financial statements para masiguradong matatag ang kanilang finances. Ayon sa IC, noong 2022, may 50 na entities ang aktibong provider ng microinsurance products, na kung saan 23 ay MBAs, 12 ay life insurance companies , at 15 ay non-life insurance companies.
Ginagamit ng mga microinsurance providers ang mga microinsurance distribution channels na gaya ng microfinance banks, cooperative societies, mutual benefit associations (MBAs), dul;y licensed microinsurance general agent or broker, pre-need company, nongovernmental organizations (NGOs) at iba pang binibigyan ng IC ng permiso. Ang mga distribution channels ang nagbebenta ng palisi, nangongolekta ng premium at nagbabayad ng claims. Sila rin ay nire-regulate ng IC at kailangan nilang kumuha ng lisensiya para maging distribution channel.
Ibat-ibang produkto ang ipinagbibili ng microinsurance providers para sa ibat ibang klase ng peligro. Merong life insurance, credit risk insurance, crop insurance, health insurance, disability insurance, natural disaster insurance, livestock insurance, burial insurance, atbp. Meron ding bundled products na gaya ng bahay-buhay-kabuhayan. Ano man sa tatlong sakuna ang dadapo sa policyholder, mabibigyan siya ng pondong makakatulong sa kaniyang bagong simula.
Ang features ng microinsurance ay simple. Ang palisi ay isang papel lamang na kung saan nakasulat sa lenggwaheng ginagamit sa mga rehiyon at madaling maintindihan. Nakasulat lang doon ang pangalan, address, period ng coverage na kadalasan ay maikli, mga 4 na buwan, anong klase ng peligro, amount ng benefit na kadalasan ay maliit lang at fixed. Hindi kailangan ng maraming dokumentasyon. Pag walang ID, puedeng gamitin ang barangay certification na madaling makuha sa hindi malayo sa tirahan ng policy holder. Activated kaagad ang palisi sa loob ng 30 araw pagkabili nito. Walang contractual na obligasyon, mahabang pagbabayad ng premium, age limit at health examination. At pag nangyari ang sakuna, ang claims ay naibibigay sa loob ng hindi lalagpas sa 10 araw.
Ang target na kliente ng microinsurance ang mababang kita na kasama sa tinatawag na informal sector at mababa ang net worth. Maraming kooperatiba ang bumibili ng insurance para sa kanilang mga miembro kung di sila awtorisadong maging provider. Ayon sa IC, karamihan sa mga kliente ng microinsurance sa Pilipinas ay mga daily wage earners, gaya ng mga tsuper, ambulant vendors at trabahador sa paktorya.
Ayon sa Microinsurance Network (MIN), noong 2022, 222.7 milyon sa tatlong kontinente ng Asia, Africa at Latin America ay nasasakop ng microinsurance, 8.6% ng populasyon ng mga bansa. Ang total na premiums ay umaabot sa US$30.8 bilyon. Malakas ang paglago ng microinsurance market ngunit bumaba ang populasyon na sakop dahil sa pandemya ngunit dumoble naman ang halaga ng premium. Ayon sa MIN, ang paglagong ito ay dahil daw ito sa pagdami ng sari-saring produkto, paglago ng mga ekonomiya pagkatapos ng pandemya, at ang pagtaas ng kita at lebel ng utang ng mga kliente.
Ayon pa rin sa MIN, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamalaking coverage ratio na 52.1% sa buong mundo kumpara sa 13 porsiyento ng Latin America, 8 porsiyento ng Africa at 4 porsiyento ng Asia pag di kasali ang Pilipinas. Noong 2013 na kung saan may datos bawat bansa, pumangalawa ang Mexico sa Pilipinas at pumangatlo ang Thailand sa population coverage na 15 porsiyento at 14 porsiyento, respectively. . (Table 2)
Dahil sa paglago ng microinsurance market sa Pilipinas, ginagawang modelo ng mga ibang bansa ang ating national strategy at regulatory framework. Ang modelo ng microinsurance market ng Pilipinas ay kasama sa mga programa ng German Corporation for International Cooperation (GIZ) sa pag-develop ng pro-poor insurance markets sa Asia.
Sa pag-aaral naman ng Milliman Research Unit na napablis sa Asian Insurance Review noong 2022, tinawag nilang “highly developed” ang microinsurance market ng Pilipinas at tayo raw ang may pinakamataas na sakop sa low at middle-income population kumpara sa limang bansang kanilang pinag-aralan na kasama ang Bangladesh, Tsina, Indonesia at India. Sabi pa nila, 90% ng mga respondents sa kanilang survey ang nagsabing napakahalaga ng produktong ito at 20% daw ng premium ng mga providers ay galling sa microinsurance.
Dahil sa pagdami ng mga sakuna bunsod ng climate change, inaasahang mas malaki ang papel na gagampanan ng microinsurance sa pagprotekta sa mga tao laban sa dumadalas na peligro ng mga sakuna at sa epekto nito sa kalusugan at kabuhayan. Malaking ambag ang produktong ito sa pag-achieve ng zero hunger at no poverty na kasama sa Sustainable Development Goals (SDGs) ng mundo.
Table 1. MICROINSURANCE | |||||||
2016 | 2017 | 2018 | 2019 | 2020 | 2021 | 2022 | |
Coverage (million people) | 27 | 32.2 | 38.2 | 48.7 | 53.7 | 53.7 | 57.75 |
% of population | 26.6% | 31.2% | 36.4% | 45.7% | 49.6% | 49.2% | 52.1% |
Premiums (in billion pesos) | 5.42 | 7.13 | 8.4 | 8.82 | 7.8 | 10.117 | 11.534 |
% of GDP | 0.0358% | 0.0431% | 0.046% | 0.0452% | 0.0435% | 0.0521% | 0.0524% |
Sources: PSA & Insurance Commission |
Table 2. MICROINSURANCE COVERAGE | |||
2022 | Population
Covered (milyon) |
Coverage
Ratio (%) |
Premiums
USD bilyon |
TOTAL (3 CONTINENTS) | 222.7 | 8.6% | 30.8 |
ASIA | 134.6 | 7% | 9.10 |
Philippines | 57.75 | 52.1% | 0.21 |
Other Asian countries | 77.6 | 4% | 8.89 |
LATIN AMERICA | 53.8 | 13% | 15.90 |
AFRICA | 34.3 | 8% | 5.80 |
Source: Microinsurance Network, IC |