DARATING ang madaling panahon, magtataasan na ang mga presyo ng mga nakahiligan nating mga smartphone, laptop, at iba’t-ibang electronic gadgets. Bakit kamo? Maraming dahilan, pero batay ito sa mga nagaganap na gulo sa mundo at sa pagtigil ng “globalisasyon” na kinalakihan nating lahat nitong ika ika-21 na Siglo.
Ang paglaganap ng globalisasyon (ang pagiging madali at murang pagpadala ng bagahe at materyales sa malalaking barko sa buong mundo) ay dahil sa seguridad na ipinatupad ng pinakamalakas na hukbong dagat sa buong mundo, ang United States Navy (USN).
Sa kalagitnaan ng Cold War sa pagitan ng Unyong Soviet at Estados Unidos pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa mabuwag ang Unyong Soviet at 1990s, nagbigay ng garantiya ang Estados Unidos sa lahat ng bansa na kakampi sa kanya laban sa Unyong Soviet.
Ginamit ang US Navy para siguraduhin na walang ibang bansa o pirata ang makakapigil o makakapagnakaw sa mga kalakal na dumadaan sa lahat ng karagatan.
Dahil dito, naging madali at mura ang pagtatayo ng mga bagong industriya sa maraming mga bansa kahit wala itong mapagkukunan ng mga panangkap at materyales kundi sa mga karatig o malalayong bansa. Tumaas ang kayamanan at kinita ng mga kaalyadong bansa hanggang sa bumaba ang kahirapan ng kanilang mga mamamayan mula ng 1950s hanggang sa 2020s.
Kung baga, lahat ng bansa sa buong mundo ay umani ng kayamanan dahil madaling lagyan ng bagong industriya ang lugar nila kahit malayo ang pagbebentahan nila ng produkto at malayo rin ang panggagalingan ng kanilang sangkap na materyales at kagamitan. Ngayon lang naitayo ang ganitong kapanipakinabang na sistema sa kasaysayan ng buong mundo.
Ibig-sabihin, naging mura ang pag-angkat at pagpapadala ng kargamento kaya naging mura din ang mga presyo ng bilihin galing sa ibang bansa tulad ng South Korea, China, Malaysia, atbp.
Pero ngayon titigil at mababawasan na iyan. Ayaw na ng Estados Unidos na sumuporta sa mga bansa tulad ng China at Russia na payagan silang madali at libreng magpadala at mag-angkat ng kargamento dahil kinakalaban pa din nila ang Estados Unidos.
Hindi na rin kailangan ng Estados Unidos na siguraduhin ang pag-luwas ng krudo at petrolyo mula sa Middle East at Persian Gulf patungo sa China na laging kumakalaban sa USA, sa Australia, sa Japan, sa Taiwan, at iba pang kakampi ng USA.
Tumitindi na ang hidwaan sa buong mundo mula ng nag-umpisa ang Russia-Ukraine War pati na ang Israel-Hamas War sa Gaza. Babantayan na lang ng US Navy ang mga tunay na kakampi nito tulad ng Israel, Japan, Australia, South Korea, at Singapore (puwede pa rin ang Pilipinas) ngunit hindi na gaanong matutulungan pa nito ang mga sampit lang na bansa na ayaw kampihan at tulungan ang USA.
Pangalawang dahilan kung bakit ayaw na ng USA sa globalization: May pansariling “bukal” na ang USA ng petrolyo sa loob mismo ng kontinenteng North America na hinding-hindi na mapipigilan ng kahit na sinong bansa sa Middle East, Asia, o Europe. Nawala na rin tuloy ang hilig ang USA sa pagseseguro ng pandagat na kalakal maliban para tulungan ang ilang mga kaibigan at kaalyado nito.
Dahil sa “shale revolution” o ang bagong-imbento na “fracking technologies” kaugnay ang “horizontal drilling” na naimbento sa Texas, wala ng ikinatatakot pa ang USA na mahaharang pa ng ibang bansa ang sarili nitong pangangailangan na krudo at petrolyo kahit kailan-pa-man.
Pangatlong dahilan: Natitatag na ng Estados Unidos ang matibay na kaalyansa nito sa Mexico at Canada upang ilipat at itayo ang mga paggawaan na dating nasa China sa katabing bansa, o kahit man lang sa Texas mismo.
Mas mura na ang pasweldo sa mga manggagawa sa Mexico kaysa sa China kaya pati ang mga Chinese companies mismo ay lumilipat na at nagpapatayo ng mga bagong pagawaan sa loob ng Mexico.
Pang-apat na dahilan: Sobrang dali, sigurado, at mura ang pagkarga ng mga materyales at yaring-tapos na produkto papunta at mula sa Mexico at Canada gamit ang mga highway at tren na kalagitnaan ng USA. Madaling ipadala ang mga bakal o metal o likido na materyales dito kaysa sa malayong karagatan.
Panglimang dahilan: Sa Estados Unidos mismo nanggagaling ang mga disenyo at plano para sa mga adelantado o sumusulong na teknolohiya. Napatunayan na kayang matutunan agad ito ng mga Mexicano. Ibig-sabihin, mura na nga ang sweldo nila kaysa sa mga Chinese workers, bagkos pa ay mas-pulido at mas-kinakaya nilang matutunan ang mga teknolohiyang ito.
Ang mas kanais-nais pa na rason para sa mga kompanyang Amerikano, hindi na magiging madaling nakawin at agawin pa ng Chinese Communist Party ang mga advanced technologies na ginagawa at iniimbento sa America.
Alam niyo rin ba na ipinatigil na mula pa ng 2022 ng Estados Unidos ang pagpapalabas ng mga makabagong teknolohiya nito sa pagdisenyo ng “advanced nanotechnology computer chips” na ginagamit sa lahat ng bagong computers, smart cars, smart phone, atbp., dahil ginagamit ito ng China sa paggawa at disenyo ng mga makabagong sandata na ipanlalaban lang mismo nila sa US Navy at US Air Force?
Pang-anim na dahilan: Hindi pa nauubusan ng mga kabataan at bagets ang USA. Sila ang mga mamamayan na may kakayahan at kagustuhan na bumili at mag-konsumo ng mga bagong-gawang gadgets at appliances na nakaugalian na ng mga mamamayan sa mga bansang industriyalisado.
Malakas at apaw-apaw pa rin ang kakayahan ng American consumer na bumili ng mga moderno at makabagong produkto kaya hindi mauubusan ng umiikot na pera at kayamanan sa ekonomiya nito.
Ano ngayon ang epekto nito sa Pilipinas at mga Pilipino? Ibig-sabihin, hihinto o babagal ang pagluwas ng mga murang smartphone at computers mula sa China kasi nagsi-alisan na ang foreign manufacturing companies (hindi lahat) at lumipat na sa Mexico at USA.
Magiging mahal para sa mga Pinoy ang pag-angkat ng mga produkto na galing sa USA. Kung sa bagay, lagi namang mas mahal ang mga electronic gadgets sa Pilipinas kumpara sa USA. Pero lalong magmamahal pa ang mga ito sa susunod na mga taon.
Ang mananatiling mura na lang dito ay ang mga simpleng produkto na kaya pa ring gawin sa China kahit na mahal na ang pa-sweldo at inaangkat na materyales nito.
Pampitong dahilan: Pwede pa tumigil ang pagluwas ng murang produkto mula sa China kung biglang magka-giyera sa Taiwan at South China Sea kagaya ng nangyayari ngayon sa Ukraine.
Ang payo ko: Ngayon na kayo bumili ng inyong smartphone at computer habang mura pa at hindi pa tumataas gaano ang presyo ng mga ito. Baka hindi na ninyo ma-afford yan sa dalawa o limang taon.