29.1 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Panukalang ‘Ease of Paying Taxes’ makakagaan sa pasanin ng mga maliliit na negosyo —Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pasaning pang-administratibo na kasalukuyang dinaranas ng mga micro-enterprises o maliliit na negosyo sa pagbabayad ng buwis ay mababawasan sa pagsasabatas ng panukalang Ease of Paying Taxes.

Ipinaliwanag ni Senador Win Gatchalian na ang pasaning pang-administratibo na kasalukuyang dinaranas ng mga maliliit na negosyo sa pagbabayad ng buwis ay mababawasan sa pagsasabatas ng panukalang Ease of Paying Taxes. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga micro-taxpayers ay hindi kinakailangang mag-withhold ng mga buwis mula 1 porsiyento hanggang 15 porsiyento para sa mga serbisyo at pagbili ng mga produkto na pinapatawan ng expanded withholding tax (EWT). Ito ay isang proseso na kailangang sundin bawat buwan sa kada transaksyong mayroong EWT, paliwanag ni Gatchalian.

Bukod sa pagtanggal ng requirement na i-withhold ang buwis, binabawasan din ng panukalang batas ang mga parusa sa mga micro at small enterprise. Kabilang dito ang isang pinababang rate na 10 porsiyento para sa civil penalties kumpara sa 25 porsiyento civil penalties kung hindi nakapagbayad o kulang ang ibinayad na buwis; 50 porsiyento na pagbawas sa rate ng interes kapag may deficiency sa pagbabayad; pinababang multa na P500 bilang parusa para sa hindi pag-file ng ilang information returns na dating nagkakahalaga ng P1,000; at pinababang compromised penalty rate na hindi bababa sa 50 porsiyento para sa mga paglabag sa invoicing requirements para sa mga taong nakarehistro sa VAT, pag-iisyu ng sales o commercial invoice, at pag-print ng sales o commercial invoice.

“Dahil aalisin nito ang mga kumplikasyon sa pagbabayad ng buwis, tiwala kami na paiigtingin ng panukalang ito ang pagbabayad at pangongolekta ng buwis at hihikayat ng mga maliliit na negosyo na magrehistro,” sabi ni Gatchalian.

Ang pagpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay magbibigay-daan sa mga negosyong ito na makapag-avail ng loan mula sa mga bangko at mapalago ang kanilang mga negosyo, dagdag niya.

“Sa oras na maisabatas ito, inaasahang magiging mas madali para sa mga maliliit na negosyante na makapagbayad ng buwis. Tiwala rin tayong makakatulong ito para magkaroon ng mas maraming trabaho ang ating mga kababayan at mapalakas nang husto ang ekonomiya,” ani Gatchalian, na pangunahing may-akda ng panukala at chairperson ng Senate Committee on Ways and Means. Niratipikahan na sa Senado ang reconciled version ng Ease of Paying Taxes Act at malapit nang maging batas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -