25.9 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Hamas ang bumira sa Al-Ahli Arab Hospital?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Oktubre 17, 2023, isang pagsabog ang naganap sa al-Ahli Arab Hospital sa Gaza City, Palestine, kaugnay pa rin ng patindi nang patinding paglagablab ng giyerang Palestino-Israeli. Ayon sa mga naunang balita, nasa 500 daan ang nasawi sa pagsabog, lalaki, babae, matanda, bata, kabilang na ang mga bagong silang na nasa incubator. Para sa marami sa mga nasawi, totoong malungkot isipin na iniwan nila ang kanilang mga tahanan sa pag-aakalang ligtas sila kung sa ospital magkakanlong, pero doon pala mas mapapabilis ang kanilang wakas. Hindi pa matiyak ang eksaktong bilang ng mga nasawi at sugatan.

Pangmundong galit at dalamhati ang bumulwak bunga ng pangyayari. Sa mga pangunahing lungsod sa Europa, Amerika at Asya ay sumambulat ang mga kilos protesta, lahat nanawagan ng tigil-putukan sa giyera ng Israel at Palestino. Sa bawat isa sa mga pagkilos na ito, iisa ang mensahe: sa giyerang ito, walang mananalo; at ang tanging talunan ay ang mga inosenteng walang kalaban-labang sibilyan na siyang pumapasan ng lahat ng dusa’t kamatayan.

Maliwanag na bilang pagtugon sa panawagang ito ng sandaigdigan, nagpanukala ang Russia ng resolusyon sa Security Council ng United Nations na ang UN ay magpatupad ng hinihinging tigil-putukan sa giyerang Palestino-Israeli.

Subalit sa pamumuno ng Estados Unidos, ang panukala ng Russia ay kinontra at hindi pumasa. Lima ang permanenteng kasapi ng UN Security Council: US, Russia, China, France, at United Kingdom. Bawat isa sa lima ay may veto power o kapangyarihang kumitil sa anumang resolusyon. Sapat na ang kahit US lang ang tumutol upang ang panukalang tigil-putukan ng Russia ay makitil.

Sa kanyang Twitter account, ipinahayag ni Chinese Ambassador sa UN Zhang Jun ang ganito: “While the dire humanitarian situation in Gaza is worsening, the Security Council failed to adopt a resolution to help those innocent civilians in need. Regrettable! (Samantalang papasahol ang kalunos-lunos na pantaong kalagayan sa Gaza, bigo ang Security Council na ipasa ang resolusyong dapat na tumugon sa pangangailangan ng mga inosenteng sibilyan. Nakalulungkot)!”


Ayon kay Zhang, ang mga isyung pangsangkatauhan ay di dapat na pinupulitika. Ipinagdiinan niya ang paggalang sa mga sandaigdigang batas na pangsangkatauhan at ang paggawa ng mga kinakailangan upang tiyakin ang kaligtasan ng populasyong sibilyan.

Sinabi ng embahador na seryosong nag-aalala ang Beijing sa ginagawa ng Israel na ganap na pagharang sa daloy sa Gaza ng mga pangailangan sa buhay tulad ng pagkain, kuryente, gamot, tubig, at panggatong.

Tiniyak ni Embahador Zhang na magkakaloob ang China ng tulong pangsangkatauhan sa Gaza sa pamamagitan ng United Nations at iba pang mapagkaibigang daan.

Hinimok niya ang Israel na itigil ang lahatang pagpaparusa sa populasyon ng Gaza.

- Advertisement -

E, kung ganyan nga na Estados Unidos ang nasusunod, me magagawa ba ang Israel? O talaga lang katernong-katerno ng hegemoniya ng Estados Unidos ang domestikong istratehiya naman ng Israel na dominahin ang buong Palestina.

Kaya kung ang tigil- putukan ay sagabal sa primerang kutsabahan, huwag tayo diyan.

Tuloy ang paulan ng missile sa Gaza. Ke sehuda kung ospital pa ang tamaan, kung kabilang sa mga nasawi ay matatanda’t mga bagong silang na sanggol.

O, Diyos ni Abraham. Nasaan ang iyong habag?

Sa isang pag-harap sa media, kuntodo presenta ng mga detalyadong ebidensya ang ginawa ng tagapagsalita ng Israel Defense Force (IDF) upang pasinungalingan ang kagyat na kumalat na balita na Israel ang nagpakawala sa bombang sumabog sa al-Ahli Arab Hospital. Ipinakita ng opisyal ang isang video ng paglipad ng isang missile daw ng Hamas mula sa isang sementeryo sa Gaza at biglang umiba ng direksyon at sa halip ay tumama sa ospital.

Ayon sa tagapagsalita ng IDF, binaluktot ng Hamas ang pangyayari at nagsagawa ng “global media campaign,” pinalabas na ang nag-“misfire” nilang missile ay banat ng Israel at pinalobo ang bilang ng mga nasawi  na 500 nga, bukod sa daan-daan pang nasugatan at nasalanta.

- Advertisement -

Kung totoo ang paglalantad na ito, napakagaling na propagandista ng Hamas. Bumulwak ang galit ng mga mamamayan hindi lamang sa mga bansang Arabo kundi pati na sa mga kanluraning pamayanan, lahat humihiyaw, “Free, Free, Palestine”.

Ang malawak na pagkabunyag ng  atake sa ospital sa Gaza ay nagpamulat sa marami na sa kanilang alitan, Israel ang mang-aapi, Palestina ang api.

Totoo, samakatwid ang mga winika ni Nelson Mandela, bayani ng South Africa sa matagumpay na pakikipagtunggali nito sa kanluraning apartheid, na bagama’t kinikilala nito ang karapatan ng Israel na magkaroon ng sarili niyang estado, dapat nitong ibalik sa mundo ng mga Arabo ang mga teritoryong kanyang sinakop noong tinaguriang “6-day war (Hunyo 5-10, 1967): Golan Heights, West Bank at Gaza Strip. Ang huling nabanggit ang siyang puntirya ngayon ng kung tawagin ay “ethnic cleansing”. Kumbaga, burahin na ang lahi ng mga Palestino. Kung iyan ang intensyon, bakit nga hindi kahit mga sanggol ay pagpapaslangin?

Ang paghahabi ng mga kwento ng tagapagsalita ng IDF ay agad namang pinabulaanan ng mga opisyal ng Palestina. Sa isa ring pagharap sa media, ipinahayag nilang puro kasinungalingan ang mga pinagsasabi ng tagapagsalita ng IDF.

Tanong ng isang reporter: “The Prime Minister of Israel said that intelligence from multiple sources said that Islamic Jihad is responsible for the failed rocket launch. Your response? (Sinabi ng Prime Minister ng Israel na ang intelligence mula sa iba’t-ibang impormante ay nagsabi na Islamic Jihad ang responsable sa pumalpak na paglunsad ng rocket. Ang sagot nyo rito?)”

Sagot ng tagapagsalita ng Palestina: “He is a liar. His digital spokesperson tweeted that Israel did the hit thinking that there is around this hospital a base for Hamas. Then he deleted that tweet. We have a copy of that tweet. …can share it with you. Now they change the story to try to blame the Palestinians. It is a lie. The Israeli spokesperson of the army about a week ago made a statement in which he said evacuate the hospitals. The hospitals are targets. In fact they hit one hospital a week ago. (Sinungaling siya. Ang kanyang digital spokesperson ay nagtweet na Israel ang gumawa ng pasabog sa pag-aakalang sa paligid ng ospital ay naroroon ang base ng Hamas. Pagkatapos binura niya ang tweet. May kopya kami ng tweet. Pwedeng ibahagi namin sa inyo. Ngayon binabago nila ang kwento at sinusubukang isisi sa mga Palestino. Kasinungalingan iyan. Ang spokesperson of the army ng Israel ay gumawa ng pahayag na nagsasabing   ilikas ang mga tao sa mga ospital. Ang mga ospital ay target. Sa katunayan binira nila ang isang ospital noong nakaraang linggo.)

Malinaw, di pa tapos ang palitang ito ng mga akusasyon.

(May karugtong)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -