INANUNSYO ng Professional Regulation Commission (PRC) – Regional Office I ang pagsasagawa ng apat na araw na pagsusulit para sa mga nais maging mga manggagamot sa Oktubre 20, 21, 27 at 28 .
Ayon kay PRC Ilocos regional director Atty. Arly Sacay-Sabelo, nasa 88 ang inaasahang kukuha ng pagsusulit na gaganapin sa Carmay Elementary School, Barangay Carmay East, Rosales, Pangasinan.
Ayon kay Sabelo, ang mga kukuha ng pagsusulit ay dapat magdala ng mga sumusunod sa araw ng eksaminasyon: Notice of Admission (NoA), mga lapis (No. 2), ball pens (itim na tinta lamang), isang pirasong mahabang brown na sobre, isang pirasong mahabang transparent (walang kulay) na plastik na sobre para sa pag-iingat ng mga mahahalagang bagay, pagkain na nakalagay sa transparent na lalagyan, at inumin.
“Mahigpit na pinapayuhan ang mga kukuha ng pagsusulit na basahin ang espesyal na panuntunan at advisory sa kanilang NoA, bisitahin at tingnan ang kanilang room assignment sa opisyal na website ng PRC: www.prc.gov.ph nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang araw bago ang nakatakdang pagsusulit at i-download ang programa ng eksaminasyon upang magsilbi nilang gabay,” ani Sabelo.
Aniya para sa karagdagang impormasyon, ang mga kukuha ng pagsusulit ay maaaring makipag-ugnayan sa PRC sa pamamagitan ng email sa address na [email protected]. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)