26.7 C
Manila
Biyernes, Enero 31, 2025

Ibinibigay mo ba sa Diyos ang para sa Diyos?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. … “Naaayon ba sa Kautusan na magbuwis sa Emperador, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At binigyan siya nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Emperador po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos.”

  • Ebanghelyo ni San Mateo, 22:15, 17-21

SA Ebanghelyong Misa mula kay San Mateo, sinipi sa itaas, para sa Oktubre 22, ang Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon, pakana ng mga Pariseo na ipahamak si Hesus anuman ang isagot niya sa tanong tungkol sa buwis para sa templo.

Kung sabihin niyang dapat magbayad ng buwis, magagalit ang mga Hudyong kontra sa pananakop ng mga Romano at paglapastangan sa pananampalataya nila. Subalit kung sabihin ng Panginoong hindi dapat magbuwis, darakpin siya ng mga Romano bilang rebeldeng lumalaban sa panukala ng Emperador.

Ngunit hindi nasilo si Hesus. Kapwa niya binigyan ng marapat na pagkilala ang Diyos at ang Emperador o Cesar. Dapat ibigay sa bawat isa ang nararapat sa kanila.

Estado muna, hindi Diyos


Gayon ba ang ginagawa natin?

Sa totoo lang, marami sa atin ang nagkukulang sa Diyos at sa pamahalaan ng bansa. Talamak ang balita at usapan sa mga kuwento ng katiwalian, panunuhol, pandaraya sa buwis, paglabag sa batas, at iba pang anomalya kontra sa sambayanan.

At pagdating sa Diyos, karaniwan na ang pagmintis sa misa at dasal, ni walang pasalamat sa paggising at pagkain para sa patuloy na buhay at sapat na kakaning kaloob ng Maykapal. At pasaway ang marami sa mga utos at pangaral ng Panginoon.

Pagdating sa mundo at lipunan naman, laganap at lalo pang kumakalat sa daigdig ang ideolohiya at patakarang nagluluklok ng estado bilang pangunahing dapat itaguyod at  isaalang-alang sa lipunan, hindi na Diyos.

- Advertisement -

Sa maraming bansa, batas at panukala ng pamunuan, halal man o hindi, ang masusunod, taliwas man ito sa atas ng Diyos. Halimbawa, maliban sa Pilipinas, isinabaas ng lahat ng bansa ang diborsiyo o pagbubuwag ng kasal. Ang maging dito, isinusulong ang gayong panukala rito.

Bukod sa modernong pamahalaan, isinusulong din ang pangunguna ng estado o bansa dahil mas makabubuti raw ito sa tao. Sa gayong pangangatwiran, mas aangat ang mundo kung gobyerno ang masusunod, hindi ang Diyos.

Totoo ba ito? Talaga bang mas mabuti para sa atin kung pamahalaan at tao ang naghahari, hindi ang Poong Maykapal?

Halimbawa, sa patakaran ng ating lipunan, maaaring magpakayaman nang labis-labis, basta magbayad ng tamang buwis. Subalit ang kawanggawa sa nagdaralita at nangangailangan na siyang atas ng Diyos, depende na lang sa bawat tao at sa mga programa ng gobyerno at SImbahan.

Ito ang sinusunod sa buong mundo. Kaya may mga bilyonaryong patuloy ang paglikom ng salapi gayong mga 800 milyong katao ang kapos sa pagkain. Ito ang daigdig kung saan atas ng mga estado ang nasusunod, at walang gaanong pakundangan sa Panginoong nangangaral ng pagmamahal sa lahat.

Saan tayo tatakbo?

- Advertisement -

Sa pagsiklab ng digma at paghirap ng buhay, lalo pang lalaganap at titindi ang pagtingala ng tao sa mga makapangyarihan at masalapi para sa kaligtasan, katiwasayan at pangangailangan sa araw-araw, hindi sa Diyos.

Sa digmaan ng Hamas at Israel sa Gaza Strip, pabagsikan ng hukbo at armas ang namamayani, hindi ang pamamayapang siyang nais ng Diyos. Bilang suporta sa Israel, nagpadala ng mga barkong pandigma ang Estados Unidos (US), kabilang ng dalawang barkong paliparan.

Samantala, naglunsad ng pagsasanay ng hukbong dagat ang Turkiya, bilang suporta sa Hamas. At nagbabala ang Iran. May suportado itong mga mabagsik na pangkat sa Lebanon, Syria, Iraq at iba pang bansa na may libu-libong raket para mapasok ang depensa ng Israel.

Gayon din ang nangyayari sa Europa, dala ng digma sa Ukraina. Hindi malaon, magwawagi na ang Rusya. Subalit, malamang na lalo pang magpalakas ng hukbo at armas ang alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO), sa pamumuno ng Amerika. Siyempre, hindi magpapahuli ang Rusya sa palakasang militar.

Sa Asya naman, pinagtitibay ng US ang mga alyansiya nito, kabilang ang Pilipinas, kung saan napuwersa ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. payagang gamitin ng Amerika ang siyam na base natin. Samantala, paramihan at pabagsikan ng armas ang Amerika, Hapon, Awstralya, Taiwan at India kontra sa Tsina at Hilagang Korea.

At dahil sa paglaganap ng armas, takot ang magkatunggaling bansa na maunahan sila sa pag-atake. At ito ang baka magbunsod ng digma.

Sa Aklat ng Pahayag o Revelation, ang huling libro ng Bibliya, apat na “Mangangabayo ng Apokalipso” na masasabing sumasagisag sa pananakop, pandirigma, pagdarahop at kamatayan ang mangingibabaw sa daigdig.

Sa lumalagong pangamba, saan tatakbo ang tao — sa Diyos o sa sandata, salapi at iba pang idolo ng mundo?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -