SIETE de peligro na naman. Dumating na muli ang bill sa kuryente at bayaran na naman.
Nasaan ba itong si Juan?
Juan, Juan. Nandito na bill natin sa Meralco, As usual, alam mo na. Nasan yung share mo?
Uncle, pasensya na. Medyo nagastos ko muna. Puwede kaya bayaran kita, Uncle, sa katapusan?
Ano, Juan? Di ba napagusapan na natin yan? Dapat nakabudget na sa yo yang mga ganyang bayarin — kuryente, tubig, renta! O, saan namang kamay ng Diyos ko kukuhanin ang pambuo ng bayad natin? Inaasahan ko yan.
Ito ay isang halimbawa kung paano mabiktima ng kapabayaan ng iba o paano umikot ang puwit pagdating ng bayaran dahil sa kawalan ng disiplina tungkol sa pagbubudget ng ating kinikita.
Paano nga ba magbudget?
Dalawang klase ang taong alam ko pagdating sa isyu ng pagbubudget o ang pamamaraan kung paano natin hahawakan, kokontrolin, at paghahatiin ang perang pumapasok at lumalabas sa ating bulsa.
May taong Burara at may taong Bihasa sa pera.
Ang Burara ay:
- Buwisit kapag hindi nya nabibili ang gusto nya.
- Umaasa na may tutulong sa kanya kapag nagipit o magkaroon ng emergency.
- Resign kung resign kahit walang laman ang kaban.
- Angat sa kayabangan.
- Ready magswipe ng credit card para sa YOLO moments.
- Ang Diyos ang bahala sa akin.
Sa kabilang dako, ang Bihasa ay:
- Bago gastos, ipon muna.
- Importante ang may nakatabi para sa emergency, magkasakit man o mawalan ng trabaho.
- Hati-hati ang perang pumapasok sa bulsa, sa pangangailangan, kagustuhan, at financial goals para sa kinabukasan.
- Angat sa living below o within your means.
- Sakto parati ang pera para sa mga obligasyon.
- Ako ang may hawak ng aking kapakanan habang may awa at pag-asang dulot ang Diyos.
Dapat may mindset at outlook ka ng isang Bihasa para maiintindihan mo ang tips na ibibigay ko tungkol sa budgeting.
Kasi kapag naniniwala ka na wala kang sapat na kita para makapagbudget pa, mali yan.
Kasi pag naniniwala ka na hindi mo kayang marating ang pinapangarap mo na maging financially stable dahil kulang ang iyong kita, mali ka din.
At kapag naniniwala ka sa mga barkada mong pareho sa sitwasyon mo, katulad ni Juan, na walang pakialam at kumakapit kay Batman kung ano man ang mangyayari sa kanya bukas, lalong lalo na mali ka dun.
So, ganito lang kasimpleng magbudget:
- Ano ba ang net income mo o ang take home pay mo kada buwan? Ang take-home pay ay ang iyong kita minus yung deductions mo sa withholding tax, SSS, Pag-ibig, PhilHealth, Provident Fund, etc. Huwag kang magilusyon sa total o gross income mo kasi may posibilidad na gumastos ka ng sobra.
- Pag nakuha mo na ang takehome pay mo, tingnan natin ang mga gastos mo. Tatlong klase ang gastos o kung saan pupunta ang kita mo, sa fixed expenses o needs mo, sa variable expenses o wants mo, at sa financial goals mo para sa future.
- Ang fixed expenses ay buwan-buwan na hindi mo maiiwasan. Kuryente, tubig, renta, food/groceries, gas, bayad sa kasambahay, o gamot. Ang variable expenses ay yung mga bagay na puede mong bawasan o ipagpaliban kung talagang may kakulangan sa kita- shopping, entertainment, house renovation, travel, parties, credit card, pagtulong sa pamilya, etc. Ang financial goals naman ay yung savings at investment na pinaplano mo para sa retirement, housing, health, education, emergency o para sa mga aspirations mo pa sa pagangat ng kalidad ng iyong buhay.
- Ang isang technique sa budgeting ay ang 50-30-20 rule na pinalawig ng isang guru na si Elizabeth Warren. Ang ibig sabihin nito ay hahatiin natin ang ating takehome pay sa 50 porsiyento para sa fixed expenses or need, 30 porsiyento para sa variable expenses or wants at 20 porsiyento para sa savings at investment. Halimbawa, ang takehome pay mo ay P20,000, P10,000 ang isantabi mo para sa fixed expenses, P6,000 para sa variable expenses at P4,000 para sa savings.
- Pagplanuhin mo ang iyong budget para you can really live within or below your means at iwasang lumampas ang gastos sa iyong kita. Ang fixed expenses ay mahirap bawasan pero may oportunidad na iadjust. Pero ang ang ating wants or variable expenses ay puedeng puedeng kontrolin o bawasan.
- Para sa fixed expenses, puede kang mag envelope system kung saan ilalagay mo sa individual envelope ang bawa’t bill mo for payment kada buwan. Bakit?Magandang disiplina ito para hindi mo magalaw ang na budget mo na para sa mga gastusin na ito. At puede ka pa ring mag-adjust sa fixed expenses mo tulad sa pagkonsumo ng gasolina o maging self-reliant pagdating sa mga gawaing bahay.
- Ang isang technique pa sa budgeting, lalo na kung may kapasidad na magkaroon ng kaluwaran sa paggastos, ay unahin ang ipon na minimithi kesa gastos sa pagcompute ng “mas totoong” takehome pay. Halimbawa, kung ang take home pay mo pagkatapos ng mga deductions ay Php 20,000 at gusto mong mas mabilis ang iyong savings na Php 5,000 kada buwan, ibawas mo ito sa Php 20,000 para ang “mas totoong” take home pay mo ay Php 15,000. At dito mo iapply ang 50-30-20 rule. Ibig sabihin lang nito ay mas iaadjust mo ang iyong paggastos para makaipon ka ng mas madali at mas marami. Epektibo ito sa mga taong seryoso na makuha nila ang kanilang minimithi sa buhay ng mas maaga’t mabilis.
- Ngayon na nabuo mo na ang budget mo kada buwan, lagi mo itong ireview at usisain lalo na pag tumaas ang kita mo, nagkaroon ka pa ng ibang sources of income, nagbago ang gastos mo o gusto mong magplano para sa bagong financial goals mo. Kailangan na nasusunod mo ang budget na naiplano mo para makatulog ka ng mahimbing at paggising mo’y handa kang makipaglaban muli. Ang 50-30-20 rule ay magandang panimula para magkaroon ng disiplina at kakayahan na ipagpatuloy ito para sa long-term.
Juan, nasan na ung share mo sa kuryente? Yan na nga ba ang sinasabi ko. Huwag ka kasing burara sa pera.