MATAGUMPAY na isinagawa noong nakaraang linggo ang ground breaking ceremony ng itatayong multi-purpose building sa loob ng Baclaran Elementary School Unit II. Dumalo sa naturang programa sina Mayor Eric Olivarez at District 1 Congressman Edwin Olivarez na pinangunahan ang seremonya.
Ayon sa punong lungsod, ang pagpapatayo ng dalawang palapag na multi-purpose building ay kabilang sa mga priority projects ni District 1 Congressman Edwin Olivarez katuwang ang lokal na pamahalaang lungsod ng Parañaque. Sa unang palapag ay doon ilalagay ang multi-purpose hall na magagamit ng mga residente ng Barangay Baclaran para sa iba’t ibang proyekto at programa.
Samantala, nakatakda namang itayo ang public indoor gymnasium sa pangalawang palapag ng gusali kung saan ang mga residente ng Barangay Baclaran ay magkakaroon na ng sariling lugar para isagawa ang kanilang mga aktibidad.
Kasama ring nakiisa sa programa na ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, Baclaran Elementary School Central Principal Ms. Carina Bautista, City Tourism Office at Public Information Office OIC Mr. Melquiades Alipo-on, 1st Congressional District Office OIC Eva Nono, at 1st Congressional District Officers Kleoh Viray at Leo San Buenaventura. Naroon din ang mga kagawad ng Barangay Baclaran, at mga opisyales at kasapi ng iba’t ibang samahan ng naturang barangay.