27 C
Manila
Sabado, Disyembre 14, 2024

Peligro at pinsala sa atin dala ng atakeng Hamas

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON sa mga balita hanggang Oktubre 15, tatlong Pilipino na ang napatay sa digmaang inilunsad laban sa Israel ng Harakat al-Muqawamah al-Islamiyya (Hamas) o Islamikong Kilusang Pakikibaka, ang radikal na grupong Palestinong namumuno sa teritoryong Gaza Strip sa katimugang Israel.

Ngayon, isang linggo makaraan ang malawakang atake ng Hamas sa Oktubre 7, iniutos ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA sa Ingles) ang mandatory o sapilitang paglikas ng tinatayang 200 Pilipinong nasa Gaza. Iniatas ng Israel umalis sa hilaga ng teritoryong base ng Hamas ang halos kalahati ng 2.3 milyong tao sa Gaza bago lumusob ang hukbong Israel sa mga darating na araw.

Sa kasamaang palad at sa iba-ibang antas, magdadala ng higit pang peligro sa mga kababayan natin sa Gaza at sa Gitnang Silangan din ang iniatas na paglikas at nakaumang na paglusob ng Israel.

Isa-isahin natin ang mga peligrong haharapin ng mga Pilipino at Pilipinas bunga ng labanan ng Hamas at Israel.

Banta ng malawakang digmaan

Walang dudang labis-labis na panganib ang nakaumang sa mga lilikas sa Gaza. Bukod sa posibleng maligaw sa gitna ng putukan o bombahan, maaari ring paslangin ng mga teroristang ibig pigilan ang pag-alis ng tao para sa mga dahilang nabanggit na. Subalit kundi hindi naman lilikas, malagim na kamatayan din ang nakaumang, mula sa darating na labanan o dala ng kapos na pagkain, tubig, koryente at pagamot.

Matinding tinutulan hindi lamang ng Hamas kundi pati ng mga Arabong bansa. Mangyari, may pangambang paglabas ng mga Palestino sa Gaza, baka hindi na sila pabalikin at akuhin na ng mga taga-Israel ang teritoryo. Nangyari ito sa Kanlurang Pampang or West Bank, kung saan umusbong ang mga pamayahang Hudyo matapos maagaw ng Israel mula sa Jordan itong lupaing karatig ng Ilog Jordan noong 1967.

Sa kabilang dako, para sa Israel at maging sa kaalyado nitong Estados Unidos (US), ginagamit ng Hamas ang mga Palestino sa Gaza bilang “human shield” o pananggang-tao sa atake ng Israel, gaya ng wika ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika. Kung hitik sa tao ang Gaza, mangingimi ang hukbong Israel sa pasabog at paghinto ng koryente, tubig at kalakal upang maiwasan ang libu-libong mamamayang mamatay at mapinsala.

Lumalago rin ang panganib ng mas malawakang digmaan. Kung libu-libong Palestino ang mapatay at lubhang masaktan sa paglusob ng Israel, magsisilakbo ang mga Arabong bansa at pamayanan — at maaaring atakihin nila ang Israel.

Hindi malayong ito ang mismong estratehiya ng Hamas sa pag-atake sa Israel. Alam nilang hindi sila mananalo sa Israel kung hindi makikibaka ang mga bansang Arabo. Ngayon, kung maitulak nila ang Israel lusubin ang Gaza at dumanak ang sandagat na dugong Palestino, milyun-milyong kapwa Arabo at Muslim ang maglalagablab sa galit at poot at magsusulong sa mga bansa nilang digmain ang Israel.

Kung magkagayon, mamemeligro ang marami sa 1 milyong Pilipino sa Gitnang Silangan, lalo na ang mga bansang karatig ng Israel: Ehipto, Jordan, Lebanon at Syria, at pati Iran, ang pangunahing kalaban ng Israel, bunsod ng relihiyong Islam sa bansa. At sa gayong malawakang digmaan, maaaring mahatak ang Amerikang kaalyado ng Israel at ang Rusyang sumusuporta sa Iran.

Samantala, malamang na maapektuhan ng malawakang giyera ang produksiyon at pagluluwas ng produktong petrolyo. Kaya hindi malayong sumipa ang presyo ng krudo sa paglaki ng peligro ng pag-apaw ng digmaan sa mga karatig bansa ng Israel. Kaya naman baka lalo pang tumagal ang mataas na presyo ng bilihin.

Sa salang salita, buhay ang taya

Sa totoo lang, kahit ngayon, maaari nang saktan o dukutin ang Pilipino kung mag-alma sa mga pahayag ng ating pamahalaan ang mga Arabong sumusuporta sa Hamas. Libu-libo sa kanila ang nagprotesta para sa mga Palestino hindi lamang sa Gitnang Silangan, kundi sa ilang siyudad sa Amerika, Europa at Asya.

Tamang kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Tagapangusap ng Kamara o Speaker Martin Romualdez ang dahas at lupit ng atakeng Hamas nang hindi tahasang tinutuligsa ang pangkat. Subalit si Kalihim Eduardo Año, ang Tagapayo sa Seguridad Pambansa, direktang kinondena ang Hamas at balak ito ideklara bilang organisasyong terorista. At mas lalo pang ipagsisilakbo ng mga Arabo, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat gawing “pinakamalaking sementeryo sa mundo” ang Gaza.

Harinawa, walang Pilipinong tatargetin ng terorista dahil sa pahayag ng mga pinuno natin. Hindi nila maipagtatanggol ang daan-daang libong kababayan sa Gitnang Silangan, kaya dapat maghunos-dili sila sa bibitiwang salita. Sa pagkatha ng sasabihin sa madla at media, dapat mangusap ang mga pinuno at opisyal natin na para bang may anak silang nasa Gaza.

Pinakamalaking banta sa buhay at kapayapaan natin, sampu ng buong mundo, ang lumalaganap na pagtanaw ng mga bansa sa palakihan ng militar at pabagsikan ng armas upang matamo ang seguridad. Kaya noong 2020, lumampas sa $2 trilyon ang ginugol ng mundo sa sandatahang lakas. Subalit ang bunga nito lalo pang takot sa hukbong kalaban at panganib sumiklab ang digma sa takot maunahan.

Kaawaan tayo ng Diyos.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -