31.2 C
Manila
Sabado, Disyembre 14, 2024

Di ligtas ang Pilipinas sa giyerang Israeli-Palestino

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SAAN lumalagay ang Pilipinas sa lumalalang away ng Israel at Palestine? Sinasagot ang tanong kapwa ng domestikong kalagayan ng Pilipinas at ng puwesto nito sa pangmundong pulitika.

Ang sambayanang Pilipino, na batay sa mga huling estadistika ay bumibilang na ngayon ng 110 milyun, ay binubuo ng malaking bahagi Kristiyano at ilang minorya na ang kalakhan ay Muslim.  Ang bilang ng populasyon na naniniwala sa Islam ay 6,971,610 o 6.4 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Tatlong beses ang laki nito kesa sa dalawang milyong mamamayang Palestino sa Gaza Strip na binigyan ng Israel ng 24 na oras upang lumikas at umiwas sa pambobombang gagawin nito upang, ani Israel, pulbusin na ang Hamas. Ang pagsalakay na inianunsyong gagawin ng Israel ay bilang ganti sa sorpresang atake na ginawa ng Hamas sa Israel Sabado noong nakaraang linggo na kumitil sa buhay ng 600, sumugat sa 2,000, wumasak sa malaking impraistruktura, at nakapag-hostage ng dose-dosenang sibilyan.

Maitatanong, kung ang isang sambayanang bumibilang ng 2 milyon lamang ay nagawang manalakay sa makapangyarihang Israel, lalo’t higit na kaya itong gawin ng mamamayang bumibilang ng halos 7 milyon laban sa Republika ng Pilipinas.

Di ba nga’t sa pagsisimula pa lang ng administrasyon ni Pangulong Duterte, ang pinagsanib na puwersa ng mga militanteng grupong Abu Sayaff at Maute Group ay sumakop sa Marawi City. Kinailangang ideklara ang martial law upang supilin ang pananakop, sa labanang inabot ng ilang buwan at nag-iwan sa Marawi na ganap na wasak.

Mangyari pa, ang paghahangad ng mga Muslim sa Pilipinas na magkaroon ng kasarinlan sa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay masugid nang naipakita noon pang dekada 60 ng itatag ni Nur Misuari ang Moro National Liberation Front (MNLF). Kinailangan ang personal na representasyon ni First Lady Imelda Marcos kay Moammar Khadafi, lider ng Libya,  upang maganap ang Tripoli Agreement na nagwakas sa rebelyon ng MNLF. Ganun pa man, ang Tripoli Agreement ay tinampukan ng mga di-pagkaunawaan ng MNLF at ng pamahalaang Marcos, di-pagkaunawaang nagpatuloy sa buong panahon ng humaliling administrasyong Corazon Aquino, at ganap na nalutas lamang sa panahon ni Presidente Fidel V. Ramos nang ang mga mandirigmang MNLF ay pormal nang naisanib sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.


Subalit kuwidaw ka,  binabalak pa lang ni Misuari ang pakikipagkasundo sa pamahalaan kaugnay nito, heto’t agarang nabuo naman ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ni Hasim Salamat, humihingi ng pakikipaghiwalay sa Republika ng Pilipinas. Lumago ang kilusang MILF, at nagisnan na lamang isang araw ng pamahalaang Joseph “Erap” Ejercito Estrada na ang MILF, may sentrong command sa kabundukan ng Maguindanao, ay may sarili nang pamahalaan, nag-iisyu ng sariling sedula sa mga nasasakupang mamamayan, nag-iisyu ng marriage certificate, birth certificate, at iba pang sertpikasyon na gawain ng isang ligal na pamahalaan.

Sa kabila ng mariing pagtutol ng Estados Unidos, na ipinarating kay dating Pangulong Joseph Estrada, una, sa pamamagitan ni Cardinal Sin, at panghuli sa pamamagitan ng personal na kinatawan ni Pangulong Bill Clinton ng Amerika, ipinagpatuloy pa rin ni Erap ang pagdurog sa Kampo Abubakar, ang pangunahing kuta ng MILF. Maliwanag na ang kilos pakikipaghiwalay ng MILF ay nasa mahigpit na kumpas ng Amerika. Nadurog ang Kampo Abubakar Disyembre ng 2000. Pagpasok ng Enero 2001, umandar ang makina ng impeachment kay Erap na humantong sa pagluklok kay Gloria Macapagal Arroyo bilang presidente ng Pilipinas. Ang administrasyong Gloria ang dapat na tumapos sa rebelyon ng MILF sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan na inareglo ng Malaysia sa Kuala Lumpur. Nang pipirmahan na ang mga napagkasunduan, nagpetisyon ng pagtutol sa Korte Suprema ang Cotabato at Palawan na masasakop ng kasunduan. Wala pa ang hatol ng Korte Suprema, iniutos ni Pangulong Gloria na itigil ang pagpirma sa kasunduan.

Subalit nagpatuloy ang mga pag-uusap pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyong Benigno Aquino, at ito na ang nagbunga ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE), isang kaayusang pulitikal na nagbibigay sa mga Muslim ng Mindanao ng kasarinlan na rito ang tanging bahagi ng Republika ng Pilipinas ay 25 porsiyento ng likas na yaman ng nasasakupang teritoryo. Subalit, bagama’t ang pagtatag ng BJE, ayon sa kasunduan, ay sarili na niyang gawain, pumatak pa rin ito sa ultimong pagpapasya ng Senado ng Pilipinas, at sa bisa ng  kanyang tungkulin bilang Chairman ng Senate Committee on Local Government, sa kamay ng noon ay Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. Ang kaayusan ng BJE bilang isang nagsasarili nang pamahalaan ay nabago hanggang sa maging Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM), may kakanyahang magtakda ng sariling polisiya subalit nakapailalim pa rin sa mga batas at patakaran ng Republika ng Pilipinas. Kung hindi dahil sa ginawa ni Bongbong, ang Muslim Mindanao ay matagal na sanang natapyas sa mapa ng Pilipinas.

Kung nahiwalay ang Bangsamoro, magaan nang makakakuha ng mga bagong base militar ang Amerika, sapagkat mawawala na ito sa pagbabawal na itinatadhana ng saligang batas ng Pilipinas.

- Advertisement -

Ngayon, maliwanag na ba kung bakit ka bawal-bawal ni Clinton kay Erap na durugin ang Kampo Abubakar? Ang tagumpay ng MILF ay magtutungo sa gaan ng muling pagtatayo sa Pilipinas ng mga base militar ng Amerika na pinalis ng Senado noong 1991.

Subalit, sabi nga sa English, “that’s too much water under the bridge (maraming tubig na iyan sa ilalim ng tulay). Lumipas na ang napakahabang panahon mula noon. Ang BRP Sierra Madre na ibinalahura ni Erap sa Ayungin Shoal upang magsilbing simbolo ng soberineya ng Pilipinas sa dakong iyun ng South China Sea, ay inaagnas na ngayon ng kalawang. At ang pinakaaasam na karagdagang base militar ng Amerika ay natamo na rin nito sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ayon sa kasunduan, siyam na base militar ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) ay ipinagkakaloob para sa libreng gamit ng Amerika, pagdedeployan ng mga tropa’t iba pang tauhan at mga kagamitang pandigma. Kung anuman ang mga kagamitang pandigma na ito, walang pakialam ang Pilipinas. Labas ang mga ito sa inspeksyon ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Sa wakas, naririyan ang dalawang matinding dahilan kung bakit sa paglala ng giyera sa pagitan ng Israel at Palestina, hindi maaaring hindi masangkot ang Pilipinas.

Una, ang halos 7 milyon na populasyong Muslim sa Mindanao na bawat isa ay nakahandang tumugon sa panawagang jihad.

Pangalawa, ang malinaw na pakikipag-alyado ng Pilipinas sa Amerika, pangunahing suporta ng Israel. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi Pilipinas ang sinalakay ng Hapon kundi ang mga base militar ng Amerika, tulad ng Camp John Hay sa Baguio, Clark Airfield sa Pampanga, Subic Bay sa Zambales, at Sangley Point sa Cavite. Sa tatlong taon na inilagi ng mga tropang Hapones sa Maynila, wala ni anumang kaguluhan ang naganap; idineklara ni Presidente Jose P. Laurel na Open City ang Maynila. Ang dumurog sa Maynila at kumitil sa buhay ng 200,000 mamamayan ay ang pambobomba ni MacArthur sa tinaguriang Liberation of Manila sa kanyang pagbabalik noong 1945.

Sa huling pagtutuos, ang presensya ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas ang nag-iisang garantiya na sa paglala ng giyerang Israel-Palestino – ang pagsiklab nito upang maging Ikatlong Digmaang Pandaigdig – sangkot ang buhay ng sambayanang Pilipino.

- Advertisement -

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -