26.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Justice Secretary Remulla, pinulong ang mga alkalde ng Oriental Mindoro

- Advertisement -
- Advertisement -

SA layunin na matulungan ang mga mamamayan na naapektuhan ng insidente ng oil spill sa lalawigan, nagsama-sama ang mga punong-bayan ng Socorro, Pola, Puerto Galera, Naujan at Baco upang lapitan sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Undersecretary Raul Vasquez.

Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasama ang mga alkalde ng Oriental Mindoro

Inaasahan na sa pamamagitan nang naging pagbisita ng Kalihim, matutulungan ang mga punong bayan na makakuha ng pinansyal na tulong para sa mga mamamayan, partikular na ang mga mangingisda na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa paglubog ng MT Princess Empress noong Pebrero.

Matatandaan na ang MT Princess Empress oil tanker ay lumubog sa bahagi ng mga karagatan ng Naujan at Pola kung saan halos 800,000 na litro ng industrial oil ang tumagas mula dito na lubhang nakaapekto sa malaking bahagi ng karagatan ng lalawigan.

Bagama’t karamihan sa mga tumagas na langis ay nalinis na ng pinagsama-samang pwersa ng iba’t-ibang ahensiya sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) at Office of the Civil Defense (OCD), naging matagal naman ang naging epekto ng oil spill sa kabuhayan at pang araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan, partikular na sa mga nabanggit na bayan.

Ayon sa mga lumapit na alkalde, naging makabuluhan ang talakayan sa pagitan nila at ng kalihim na anila ay nagsabi na tutulungan ang mga ito na mapabilis ang pagpoproseso ng mga claims. Ilan lamang ito sa mga hakbang ng mga punong bayan upang tulungan ang mga mamamayan na lubhang naapektuhan sa naging banta ng oil spill. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -