31.8 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Nawawalan ka na ba ng pag-asa sa Panginoon?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa Bundok ng Sion, aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa, gagawa siya ng isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin. Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa. Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan, papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat; aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan. Kung magkagayon, sasabihin ng lahat: “Siya ang ating Diyos na pinagtitiwalaan natin, … magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”

                                                                                                   Aklat ni Isaias, 25:6-9

 

PARA sa maraming makaririnig ng unang pagbasang Misa sa Oktubre 15, ang Ika-28 Linggo ng Karaniwang Panahon, sinipi sa simula, mahirap maisip kung paano mangyayari ang pangitain ni Propeta Isaias.

Sa halip na pagdiriwang ng lahat ng bansa, puno ng pagkain at inumin, sa isip ng mga nagmamatyag sa balita, mas malamang pagdirigmaan ang magaganap sa Bundok Sion sa Jerusalem, lalo na sa pagitan ng mga taga-Israel at mga Arabo.


Wala pang isang linggo mula nang bigla at malawakang atake ng mga radikal na Palestinong Hamas sa bansang Israel, libu-libo ang pinatay ng magkabilang panig, lubusang pinasara ng Israel ang Gaza Strip na pinaghaharian ng Hamas, at tumitindi ang pangambang baka lumahok sa labanan ang mga bansang Arabo at ang Iran.

Nagbanta ang Israel na dudurugin ang lahat ng lugar na ginagamit o pinagtataguan ng Hamas, at agad nagpadala ng tulong militar ang Amerika sa Israel at nagpuwesto rin ng mga barkong pandigma sa karagatang malapit sa Israel, kabilang ang pinakamalaking paliparang barko o aircraft carrier ng Estatos Unidos (US).

Sa mga ulat, larawan at video mula sa mga inatakeng bayan, kabilang ang pagpugot ng ulo ng mga sundalo, panggagahasa sa kababaihan at karumal-dumal na pagpaslang maging ng mga batang paslit, mahirap sumbatan ang mga pinuno ng Israel sa hangad nilang lipulin ang buong Hamas at pigain ang buong Gaza, magdusa at mamatay man ang malaking bahagi ng 2 milyong tagaroon.

Samantala, nanawagan ang Arab League, ang kapisanan ng mga bansang Arabo, na huwag putulin ng Israel ang koryente ng Gaza Strip. Walang dudang umaakyat na rin ang galit ng mga Arabo hindi lamang sa kamatayan at pagdurusa ng mga sibilyang Palestino, pati mga maedad, babae at bata, kundi sa maraming dekadang pag-okupa ng Israel sa bayang Palestino na tinutulan nila sa mula’t mula. Sa katunayan, malamang na sinadya ng Hamas ang pag-atake para gumanti ang Israel nang buong lupit at sa gayon, mag-alma ang mga bansang Arabo, lalo na ang ilang nagbabalak magkaroon ng ugnayan sa Israel, gaya ng Saudi Arabya.

- Advertisement -

At kung lumahok pa sa tagisan ang mga kaalyadong bansa ng Israel at mga katunggali nito, mas malagim pa ang baka patunguhan ng labanan. Kampi sa Israel ang Amerika at ilang bansang Europeo gaya ng Britanya, samantalang suportado ng Rusya ang Iran at Syria na kapwa mortal na kaaway ng Israel.

Kaya naman, para sa maraming tao ngayon, kung magkakasama nga sa Bundok Sion ang lahat ng bansa, baka Ikatlong Digmaang Pandaigdig ang mangyari, hindi piging ng sangkatauhang nagpipiyesta at nagkakasundo sa ilalim ng Poong Maykapal.

Sa hirap at ginhawa

Hanggang doon na lang ba ang pag-asa natin sa Diyos? Dahil sa sarili rin nating pag-aaway at karahasan, wala na tayong tiwala ni katiting na matutupad ang mga pangako at hangarin ng langit para sa kapayapaan at pagmamahalan ng sangkatauhan dahil sa lubhang kasamaan sa lupa?

Bagaman kaiga-igaya ang popular na Salmong Tugunan tungkol sa Mabuting Pastol (Salmo 22:1-6), bihira na ba ang talagang tumatanaw ng grasya at biyaya sa Panginoong sinasagisag sa awit?

At hindi lamang ito sa mga ligalig ng mundo, kundi sa mga munting sulok ng bawat buhay at katauhan natin. Wala mang paki sa ibayong dagat, nanlulomo rin ang marami at nawawalan ng tiwala sa Diyos dahil sa sarili nating mga problema at kalungkutan sa araw-araw.

- Advertisement -

Kung gayon nga, malamang hindi magugulat o magagalit ang Diyos. Nilalang at kilala niya tayo, sampu ng ating mga kahinaan, kasalanan at alinlangan. Kaya naman nangaral ang Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa mula sa kanyang Sulat sa mga taga-Filipos (Filipos 4:12-14, 19-20):

“Mga kapatid, naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Magagawa ko ang lahat ng ito dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.”

Sa panahong ito ng dahas at ligalig sa sandaigdigan, sampu ng mga suliranin at lungkot sa sari-sarili nating buhay, pangaral ng Panginoon sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 22:1-14) na bagaman ineetsapuwera natin ang DIyos, hindi Siya tumitigil ng pag-anyaya sa piging ng Kanyang Kaharian ng pagmamahal.

Kaya magalit, malungkot at magduda na tayo, subalit laging naroon pa rin ang Panginoon upang, sa wika ni San Pablo, “buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.” Amen.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -