Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel. Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan, pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan. … Lumapit ka sana, iligtas mo ang puno ng ubas na itinanim mo, yaong punong pinalago mo’t pinalakas! At kung magkagayon, magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman, kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Salmong Tugunan, 80:12, 14-15, 18
SA tingin ba ninyo, hahayaan ng Diyos tuluyang lumayo sa Kanya ang mundong nilikha Niya at tinubos sa pagiging tao, pangangaral, pagpapakasakit at pagkamatay ng bugtong Niyang anak?
Ang Poong Maykapal na walang hanggan ang kapangyarihan at walang kapantay ang pagmamahal sa Kanyang mga nilalang, lalo na ang taong kinapatid Niya sa pagsilang at pamumuhay Niya sa mundong ibabaw, hahayaang maghari ang kasamaan sa daigdig?
At hindi lang sa mundo, kundi pati sa Simbahang itinatag ng anak Niyang si Hesukristo at lumaganap sa buong daigdig sa pasakit, pagkamartir at pagsisikap ng mga banal sa nagdaang dalawang libong taon?
Parang hindi yata mangyayari iyon, bagaman sa ngayon, mukhang walang hinto ang paglaganap ng digma, laswa, pasasa, pagsamba sa yaman at paghamak sa Maylalang.
Pero, umasa tayo, may araw rin ang makamundo, sampo ng nagbubunsod na demonyo. Mananaig din ang tama at tuwid sa sala at baluktot.
Kaya lang daraan muna tayo sa pagsubok ng ating tiwala at sampalataya sa Diyos — ang panahon ng kunwaring pagwawagi ng kasamaan at pagkawala ng Panginoon.
‘Huwag kayong mabalisa’
Sa mga pagbasang Misa ng Oktubre 8, ang Ika-27 Linggo ng Karaniwang Panahon, mga pagsubok sa pananampalataya ang mismong tinutukoy.
Sa unang pagbasa mula Aklat ni Isaias (Isaias 5:1-7), bukangbibig ng propeta ang pagkaunsiyami ng bayang Israel dahil sa paglihis sa atas ni Yahweh. Sa talinghaga ng ubasan, ang bayang tanim ng Diyos nagbunga ng ligaw na ubas, kung baga, sa halip ng magandang prutas.
Kaya naman, wika ng Panginoon, “Hahayaan kong mapasok at sirain ito ng mga ilap na hayop. Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag; di ko babawasin ang sanga’t dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.”
Ang ginawa ng Diyos ang siya ring dalamhati ng Salmong Tugunan (Salmo 80:9, 13-15, 18-20), sinipi nang bahagya sa simula: “Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan, pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan. Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan, kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang.”
At sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 21:33-43), sa talinghagang salaysay ni Hesus, pinagpapatay ng mga kasama ang mga sugo ng may-ari ng ubasan, pati ang anak niya. Bagaman sa panahon ni Kristo patungkol ang talinghaga, masasabi ring di-nalalayo sa pagyurak sa Diyos ng modernong mundo ang karahasan ng mga katiwala laban sa mga tauhan ng may-ari ng ubasan.
Sa kadiliman ng mundong walang takot at pitagan sa Panginoon, dapat isaisip at isapuso ang pangaral ni Apostol San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga-Filipos (Filipos 4:6-9):
“Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.”
Sa halip ng pangamba, wika ni San Pablo, dapat pag-ibayuhin ang pananampalataya at wastong isip at asal: “Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”
Kaya ba natin?
Malamang marami sa atin ang tatango sa pangaral ng Apostol, subalit bubuntong-hininga sapagkat hindi madali at baka imposible pa sa atin ang manampalataya at magpakabuti sa gitna ng lupang pasaway sa langit. At hindi lang lumalabag sa atas ng DIyos, kundi lumalait pa sa nananalig at tumatalima sa Kanya.
Sa totoo lang, marami sa atin ang nangingiming magpakita ng pagkarelihiyoso, magdepensa sa Simbahan, magsulong ng wastong asal at magbabala laban sa pagkakasala. Tikim tayo hindi lamang sa harap ng madla, kundi pati sa mga katrabaho, kaeskuwela, kaibigan at maging kapamilya.
Halimbawa, sa dalawang Viber chat sa internet ng mga dating kaeskuwela, sinumbatan ang inyong lingkod dahil sa paghahayag ng pangaral ng Simbahang Katoliko. Hindi raw nararapat magpost tungkol sa relihiyon at moralidad.
At maging sa tahanan, lalo na sa kabataan, dapat mag-ingat sa sasabihin. May mga bagets na ayaw masabihang magsimba o magdasal. At may nagagalit kung sasabihan tungkol sa mga dapat at di-dapat sa asal seksuwal, pati ang pagsisiping ng magkaparehong lalaki o babae.
Ito ang pagsubok sa paniniwala at katapatan sa Panginoon. Kaya ba nating tumindig kasama Niya?