KAILANGAN mo na ba ng bagong personal computer (PC) at balak mong bumili nito? Bago tayo mag-isip kung ano ang magandang klaseng computer, tanungin mo muna ang sarili mo kung (1) bakit mo kailangan ito, (2) sino ang madalas na gagamit nito, (3) paano gagamitin ito ng gagamit nito, at (4) paano mo babayaran ito.
Kung hindi lang ikaw ang gagamit nito, malamang ang asawa mo, kapatid mo, o mga anak mo ang gagamit nito, di ba? Kung marami kayo na gagamit, kawawa ang ibang tao kung laptop computer ang bilhin mo tapos binitbit yun at dinala sa opisina, sa eskwela, o sa ibang bahay. Dapat desktop computer ang bilhin mo, para marami ang makagamit at hindi kailangan hahanap-hanapin ang computer.
Mainam kung isa ka lang na gagamit ng computer, pero kailangan mo ba itong mabitbit sa iba’t ibang lugar? Kung oo, laptop nga talaga ang kailangan mo.
Pero kung gagamitin mo ito para sa paglalaro ng magagarang multimedia games at sa panonood ng high-fidelity na palabas o sine, mas makakatipid ka sa pagbili ng desktop gaming PC, kahit na ba mamahaling brand ito tulad ng Dell Alienware. Pwede mo itong kabitan ng malalaking monitor screen, sensurround sound systems (or headsets), extra high-capacity disk drives, gaming joysticks and steering wheel consoles, at marami pang ibang gadgets.
Pero kung gamer talaga ang buhay mo, tandaan na sobrang mahal ng gaming computer kumpara sa mga gumagamit lang ng Microsoft Office para sa opisina o eskuwela.
Karamihan ng mga tao ay bumibili ng laptop computer dahil kailangan nila minsan dalhin ito sa biyahe kahit na madalas ay sa bahay lang gagamitin. Ang maganda sa mga bagong laptop, built-in na ang camera at speakers nito, may touchpad din (pero mas madali pa rin gamitin ang mouse), at solid-state hard drives na ang storage nito (kaya safe ang data at files ninyo kung malaglag ang laptop at mabasag).
Ang presyo ng laptop PC ay madalas na doble o triple ang halaga kaysa sa isang desktop PC na kapareho ang kakayahan. Kahit hiwalay-hiwalay ang peripherals (mga ikinakabit na gadgets at appliances sa computer CPU case), madalas talaga mura lang ang mga ito.
Para sa akin, dalawa ang importante para sa laptop: (1) kung magaang at maliit ba ito, o (2) kung malapad ang screen at may number keypad maliban sa typewriter keyboard. Kung dadalhin mo ang laptop mo araw-araw at hindi mo kailangan mag-input ng maraming numero sa files mo, pwede na yung maliit na laptop o notebook computer. Hindi mo kailangan maging body builder para kargahin ito.
Pero kung sanay at madalas ka mag-enter ng numero dahil isa kang accountant o researcher, at kailangan mo mag-enter ng special characters gamit ang Alt key kasabay ang numpad (numeric keypad), maiinis ka sa sarili mo kung bakit yung maliit na notebook PC ang binili mo.
Sa katagalan, mas magiging madali ang buhay mo kung yung pinaka-malapad na computer keyboard ang nasa laptop mo. Mas mahal nga lang ito kasi malapad din ang monitor screen nito (para hindi rin nagsisikipan ang maraming files at windows na naka display).
Ang payo ko, mag-ipon ka muna ng maraming cash, mula P30,000 hanggang P50,000, para sa isang laptop PC. Alam mo ba na kapag cash ang ipinang-bayad mo, bibigyan ka pa ng discount na pwedeng umabot ng dalawa hanggang apat na libong piso?
Madalang kasi ang bumibili gamit ang cash. Madalas nagpapa-financing o loan sila na may extra interest at patong. Yung laptop na P40,000 na balak mo sanang bilhin, magiging P50,000 o P60,000 pagkatapos mo mabayaran.
Sabay sa pagbili mo ng computer, dapat kasama ang software nito. Una, yung Windows operating system version na hindi masyadong bago. Hindi lahat ng games na mabibili mo na balak mo ilaro sa computer ay handa para sa Windows 11 kasi ginawa sila para sa Windows 10 nung una silang lumabas. Baka magsisi ka na hindi pala pwedeng gumana yung lumang StarCraft sa Windows 11 na naka-install na sa PC mo; siguraduhin muna yung compatibility ng mga applications na balak ninyo i-install.
Malamang gusto mo rin na lisensyado ang Microsoft Office software mo at installed na ito agad-agad. Kasi kung hindi, magbabayad ka pa ng extra gamit ang credit card para i-download at i-install pa ito.
Maglaan ka ng extrang salapi para i-upgrade ang memory (RAM) ng PC ninyo. Habang nasa warranty period pa (sa loob ng isang taon), palagyan ninyo ng extra memory ang computer ninyo para hindi siya magiging mabagal pagkatapos ninyo ma-install ang maraming software at games na uubos ng memory nito.
Siguraduhin sa tindahan na kaya nilang dagdagan ng RAM mula 8 gigabytes (GB) hanggang 32 GB kung kaya ninyo ma-afford. Huwag pabayaan na yung pinaka-maliit na memory ang manatili sa PC ninyo ng matagal. Habang tumatagal, magsasayang ka ng oras para mag-load ang iba’t-ibang apps at files.
At higit sa lahat: Ingatan lagi ang laptop at huwag itong pabayaan na mabasa ng tubig, magasgas, mabitawan, malaglag, o manakaw ng holdupper. Sabihan ang mga bata na hindi ito laruan na pwedeng hampasin kung natatalo na sa game.
Sobrang mahal magpa-repair ng laptop PC (dahil hindi libre ang repair kung accidental ang damage). Sigurado, iiyakan mo yan kapag nasira!