NAATASAN ang mga pribadong establisimyento na amyendahan ang kanilang mga public health and safety protocol kasunod ng pag-alis ng Covid-19 public health emergency.
Inilabas ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong ika-20 ng Setyembre ang Labor Advisory No. 23, Series of 2023, o ang Guidelines on Minimum Public Health Standards in Workplaces, kaugnay sa pag-alis ng State of Public Health Emergency dahil sa Covid 19, kung saan nakasaad ang parehong responsibilidad ng manggagawa at namumuhunan sa patuloy na pagtiyak ng ligtas at malusog na kondisyon sa paggawa matapos maalis ang bansa mula sa public health emergency status.
Hinihikayat ang safety and health committee ng bawat kompanya na suriin at i-update ang kanilang kasalukuyang programa sa kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa, at isama sa probisyon ang regular na pagsubaybay sa kalusugan at sa kondisyong medikal, gayun din ang pagbubuo ng referral mechanism sa pinakamalapit na health service provider.
Nakasaad sa Labor Advisory na “Upang higit na matiyak ang ligtas at malusog na kondisyon sa lugar-paggawa, dapat isulong ng mga employer ang pagbabakuna sa lahat ng empleyado at kanilang pamilya, kasama ang mga naka-deploy na manggagawa ng mga contractor.”
Gayunpaman, binigyang-diin sa advisory na hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon o tanggalin sa trabaho ang mga empleyadong tumanggi o hindi nabakunahan (sa mga tuntunin ukol sa tenure, promotion, training, suweldo, at iba pang benepisyo).
Dapat ding tiyakin na may pasilidad para sa sanitation at hygiene ang mga establisimiyento na naayon sa pinakabagong health protocol batay sa Department Circular No. 2023-0324 ng Department of Health (DoH).
Sa pamamagitan ng advisory, ipinaliwanag ng DoLE na sasagutin ng employer ang lahat ng gastos para sa preventive and control measures for workplace illness, kabilang ang gastos sa pagbabakuna.
Hinikayat din ng direktiba ang mga employer at empleyado na bumuo ng polisiya ng kompanya para sa sick leave benefit, pagbibigay ng medical insurance, isolation assistance, paid vaccination leave, at iba pang mga benepisyo, maliban lamang kung mayroon nang umiiral na collective bargaining agreement ang kompanya na mas makakabuti sa mga manggagawa.
Pinaalalahanan din ng labor department ang mga employer na isumite ang kanilang buwanang ulat hinggil sa aksidente sa trabaho at mga pinsala, gayun din ang taunang ulat medikal sa DoLE Regional/Provincial/Field Office na nakakasakop sa kanilang lugar-paggawa. Bilang karagdagan, dapat iulat ang lahat ng kaso ng Covid-19-positive sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan ayon sa Administrative Order ng DoH No. 2020-0013, o ang Revised Guidelines for the Inclusion of Covid-19 in the List of Notifiable Diseases for Mandatory Reporting to the Department of Health.
Dahil dito, ang lahat ng naunang direktiba ay epektibo lamang noong panahon ng public health emergency, at ang mga hindi naaayon sa bagong labor advisory ay binabawi o kinakansela.