SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang parehong online customer at online merchant ay inaasahang tatamasa ng mas mahusay na proteksyon sa mga transaksyon nila sa online na platform, ngayong malapit nang maisabatas ang Senate Bill No. 1846 o Internet Transactions Act. Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang naturang panukalang batas na layong tugunan ang ilang mga kawalan ng katiyakan na nararanasan sa pagbebenta o pamimili sa online. Ang panukala ay magbibigay ng mabisang regulasyon para sa proteksyon ng mga konsyumer sa business-to-business at business-to-consumer na mga transaksyon sa internet.
“Importante na mapalakas ang kumpiyansa ng ating mga mamimili pati na rin ang mga maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na proteksyon sa pagpasok sa iba’t ibang internet transactions dahil susi ito sa pagpapalago ng ekonomiya,” ani Gatchalian. Dagdag niya, kapag naisabatas ang naturang panukala ay matutugunan ang kawalan ng katiyakan na kadalasang kinakaharap ng mga mamimili at mga negosyo sa online upang matiyak ang isang mas ligtas na pamimili sa online. Ang panukala ay sertipikado na “urgent” ni Pangulong Marcos.
Ang panukala ay naglalayon na isulong at mapanatili ang isang matatag na kapaligiran para sa e-commerce ng bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa pagitan ng mga negosyante sa online at mga mamimili, pagkilala sa halaga at potensyal ng digital na ekonomiya, at ang pangangailangang magtatag ng ligtas at maaasahang mga plataporma para sa e-commerce, sabi ni Gatchalian, na isa sa may-akda ng panukala.
Ayon sa kanya, inilalatag ng panukala ang mga karapatan, obligasyon, at pananagutan ng mga partido sa mga transaksyon sa internet, kabilang ang mga mamimili at negosyante sa online kabilang ang digital platform o e-marketplace. Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng mga naaangkop na aksyon bilang tugon sa anumang paglabag sa mga probisyon ng batas, partikular sa paggamit ng internet para sa pagsasagawa ng e-commerce ng mga e-marketplace, online merchant, e-retailers, mga digital na platform, at mga third-party na platform. Daan din ito upang makapagtatag ng mekanismo ng online na magreresolba sa mga hindi pagkakaunawaan ng mga stakeholder sa mga transaksyon sa internet o e-commerce.
“Kailangan nating siguraduhin na maisasabatas ang isang regulasyon para sa mga online na transaksyon sa internet upang matiyak na may sapat na proteksyon ang mga mamimili at mga negosyante na gumagamit ng internet sa pagbili at pagbebenta ng iba’t ibang mga kalakal at serbisyo,” diin ni Gatchalian.
Inaprubahan ng mababang kapulungan ang sarili nitong bersyon ng panukala noong Disyembre ng nakaraang taon.