NAGING mas makahulugan ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin (Setyembre 30, 2023) nang magdaos ng isang kumperensiya ang mga tagasalin sa Pilipinas upang maiangat ang antas ng pagsasalin sa bansa.
Tinawag na “Mga Dalumat at Realidad sa Pagsasalin: Pambansang Kumperensiya ng mga Tagasalin sa Pilipinas,” ang tatlong araw na kumperensiya ay naging matagumpay dahil natalakay ng mga dumalong tagasalin sa buong bansa ang mga napapanahong usapin kaugnay sa kalagayan ng pagsasalin at ng mga tagasalin sa bansa. Bukod dito, nakabuo rin ang mga delegado ng mga paunang plano o hakbang para sa pagsusulong ng kapakanan ng mga tagasalin at ng propesyonalisasyon ng pagsasalin.
Sa huli ay napagkasunduan ng mga naging delegado ng kumperensiya na makalikha ng burador at kalaunan ay batas para maging isang ganap na propesyon ang pagsasalin. Anila, makatutulong ito para sa mithiing intelektwalisasyon ng wikang Filipino.
Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) katuwang ang Unibersidad ng Santo Tomas, Kolehiyo ng Edukasyon – Departamento ng Filipino at Sentro sa Salin at Araling Salin ginanap ang kumperensya sa University of Santo Tomas (UST) mula Setyembre 27-29, 2023.
Ayon sa Tagapangulo ng KWF na si Arthur Casanova, PhD, ang papel ng mga tagasalin ay tunay na napakahalaga at layunin ng pagtitipon na magbigay ng kahit kaunting liwanag sa landas tungo sa pagpapataas ng antas ng nasabing propesyon.
“Ang pagsasalin ay hindi lamang kasanayan, pundasyon ito ng mabisang pambansa at pandaigdigang komunikasyon. Tumutulong ito sa paghubog ng mga naratibo, pagpapahusay ng diplomasya, pagpapa-igting ng palitan ng mga kultura at pagpapalakas ng kalakalan,” saad ni Casanova.
Tungo sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino
Inumpisahan ang unang panayam ng dalubhasa sa ekonomiks na si Tereso Tullao Jr., PhD, propesor sa ekonomiks sa wikang Filipino sa Dela Salle University. Isa siya sa marubdob na tagapagsulong ng intelektwalisasyon sa wikang Filipino at ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga katawagan sa ekonomiks mula Ingles sa wikang Filipino sa loob ng 50 taon.
Itinuturo niya ang ekonomiks sa wikang Filipino at napagtagumpayan niyang makasulat ng Diksyunaryo sa Ekonomiks Ingles-Filipino at mga aklat tulad ng Unawain Natin ang Ekonomiks sa Diwang Filipino, Mga Prinsipyo sa Ekonomiks, Mga Panayam Profesoryal. Naging kolumnista din siya sa mga pahayagan.
Hindi siya huminto dito. Noong 2018 ay sinimulan naman niya ang pagsasalin ng mga Ingles na dasal nina San Benito ng Nursia, San Agustin ng Hippo, San Francisco de Asis, San Teresa de Avila, San Juan Bautista de Lassale, Sto. Tomas de Aquino, San Ignacio de Loyola at Pagbabasbas Dominikano. Isinalin din niya ang Mga 150 Awit hango mula sa Living Psalms and Proverbs ng Tyndale House Publishers, Wisconsin, Illinois, 1967.
Sa kasalukuyan, isinasalin niya ang mga tuntunin ni San Benito, hango at salin mula sa The Rule of St. Benedict in English Timothy Fry, OSB Editor, The LIturgical Press Collegeville, Minnesota, 1982
Isa si Tullao sa mga kolumnista ng pahayagang online na Pinoy Peryodiko na tinawag niyang Buhay at Ekonomiya.
Bakit kailangan ang pagsasalin? At sino ang dapat na magsalin? Ani Tullao, “Batay sa mga sagot sa dalawang tanong, ang kongklusyon ko ay kailangan ng matibay na kooperasyon sa pagitan ng mga dalubhasa sa wika at mga eksperto sa disiplina sa gawaing pagsasalin. Ang matinding ugnayan ng mga eksperto sa wika at eksperto sa disiplina ay mauuwi sa maayos, episyente at katanggap tanggap na salin ng mga obra. Ito ay magpapalawak sa ambag ng mga saling obra sa intelekwalisasyon ng wikang Filipino.”
Bilin niya, “magsulat nang magsulat kasabay ng pagbuo ng mga bagong diksyonaryo at mga glosaryo ng iba’t ibang larang.” Dagdag pa niya, mahalaga ang pagbibigay ng puna at kritisismo sa mga kasalukuyang mga materyales na ginagamit, kasama ang kanyang nagawa, upang mas lalong maging maunlad ang mga nagawa tungo sa tunay na intelektwalisasyon ng wikang Filipino.
Konsiderasyon at proseso ng akreditasyon sa ibang bansa
Samantala, ibinahagi ni Dr. Josephine Barrios-Le Blanc ang mga danas ng mga tagasalin sa ibang bansa at mga konsiderasyon at proseso ng akreditasyon. Si Le Blanc ay kasalukuyang lecturer sa Filipino at Panitikan sa Univesity of California, Berkeley.
Ayon kay Le Blanc, mahalagang may malalim na kaalaman ang magsasalin sa kasaysayan ng pagsasalin sa bansa. Sabi niya, “Dapat alam natin ang kasaysayan sa pagsasalin sa pahahon ng kolonyalismo, pagsasalin at ideolohiya, pagsasalin at mga kilusang panlipunan.” Idinagdag din niya ang kanyang danas sa pagsasalin at pangingibang bansa o ang translation and migration.
Isa sa mga ibinahagi niya na hamon ng realidad ay hindi kasama ang wikang Filipino sa talaan ng language pairing sa American Translators Association. Nangangahulugan ito na walang makukuhang sertipikasyon o akreditasyon mula rito ang mga tagasalin sa Filipino. Sabi ni Le Blanc, “bagamat bukas ang ATA sa wikang Filipino, mahaba-haba at maproseso ang kailangang gawin.” Hamon din ang mababang pasuweldo at hindi regular na trabaho ng mga tagasalin, kawalan ng stylebook, ortograpiya, istandardisasyon, pagbaybay at ang hamon ng artificial intelligence at machine translation.
Etikal, moral at ekonomikal na konsiderasyon
Samantala, malawak na tinalakay ni Raquel Sison-Buban, PhD, ang mga etikal, moral at ekonomikal na konsiderasyon ng pagsasalin sa bansa.
Hinimay niya ang mg kahulugan ng etikal at moral na konsiderasyon at hinamon niya ang mga delegado na pagnilayan ang kasalukuyang ginagawang koda sa etika ng pagsasalin.
Samantala, naniniwala si Buban na ang moral ay nakaatang sa sariling malay o self-awareness ng tagasalin. Sa usapin ng ekonomikal, inilahad ni Buban ang pagdasa ng napakaraming posibilidad at oportunidad sa pagsasalin subalit ang tanong ay “Handa na ba tayo sa ganitong mga oportunidad na ang pinag-uusapan na ay ang tinatawag na “real time” o mabilisang pagsasalin?”
Sa huli, nag-iwan siya ng pagninilayan ng mga delegado,”Ano ba ang silbi ng teknolohiya sa pagsasalin?
Mga danas sa serbisyong salin
Iba’t ibang danas at mga hamon ang ibinahagi nina Ma. Cristina Carmela Japzon, interpreter sa Branch 15 Regional Trial Court sa Maynila; Emmanuel Gonzales, PhD, ng Pambansang Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin at Komisyoner Jimmy Fong, PhD, ng katutubong wika sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Kaugnayan ng pagsasalin sa pag-aaral ng wika
Sa ikalawang araw, sinimulan ni Komisyoner Hope Sabanpan-Yu, PhD, kinatawan ng wikang Sebwano ng KWF, ang pagtalakay sa kaugnayan ng pagsasalin sa pag-aaral ng wika at mga hamon ng pagsasalin.
Sabi ni Yu, “Kung ang wika ang iniinugan ng pagsasalin masasabi na ang magsalin ay walang iba kundi ang pag-aaral sa paggamit ng wika at sa pagtuklas ng mga kubling posibilidad ng wika, sa pagkilala sa mga hangahan nito.”
Inilahad niya ang ilan sa mga hamon ng pagsasalin. “May mga kasingkahulugan at meron ding kontrang kahulugan sa pagpili ng mga salita. Matagpuan man ng tagasalin ang pagtutugma ng mga kahulugan ng salita, minsan ay may pag-aalinlangan pa rin dahil ang katanungang tama ba ang napili o tugma ba ang salita o may mas angkop pa ba na magagamit ay lumilitaw. Minsan ay bigla na lang darating ang bagong posibilidad o ang puna na may pagkakamali sa katatapos lang na nagawa.”
Paninigurado niya, “Tiyak na pareho tayo sa sagot kung ano ang maaring gawin kung hindi ang magbago o magrebisa at minsan ay parang walang katapusang pagrerebisa dahil alam natin na ang isang salita ay maraming maaaring kahulugan. Ngunit kung titingnan naman natin sa konteksto ay puwede nating ilimita.”
Puno ng pag-asa ang kanyang kongklusyon, “Kapanapanabik ang pagsasalin lalo na sa panahon ngayon kung saan higit na maunlad ang teknolohiya at makakatulong sa atin sa pagsasalin.” Sa huli, umaasa si Yu na magiging matagumpay ang kumperensiya kung sama-samang mag-aambag ang mga tagapagsalin ng kanilang mga kaalaman para mapaigting at masolusyunan ang mga hamon ng pagpapalaganap ng propesyonalisasyon ng gawaing pagsasalin.
Mga programa sa pagsasanay at pagsasalin
Sinundan ito ng pagbabahagi ng mga programa sa pagsasanay sa pagsasalin nina John Enrico Torralba, puno ng Sangay ng Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino at director ng nasabing kumperensiya; Gaudencio Serrano ng Kagawaran ng Edukasyon; at David Michael San Juan ng Pambansang Komite sa Wika at Pagsasalin ng National Commission for Culture and the Arts.
Nagbahagi rin ng kanilang mga proyekto sa pagsasalin sina Wennielyn Fajilan, PhD, ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin; Prop. Jenalyn Lai, Polytechnic University of the Philippines; at Jayson Petras, PhD, ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman Sentro ng Wikang Filipino.
Samantala, nag-presenta rin ng mga programa ang mga organisasyon sa pagsasalin sina Romulo Baquiran Jr., PhD, ng Filipinas Institute of Translation; Liza Martinez, PhD, ng FSL National Network at at Lita Bacalla, PhD, ng Kasalin Visayas Cluster.
Sa kabuuan, naging mabunga at matagumpay ang kumperensiya. Nagbukas ito ng maraming posibilidad, oportunidad at pag-asa upang masolusyunan ang mga hamon ng pagsasalin at maiangat ang gawaing ito na tunay na isa sa mga salik tungo sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino.
Ang kumperensiya ay naka-livestream sa https://www.facebook.com/komfilgov.