INANYAYAHAN ng pamunuan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang kinatawan ng ahensiyang pinaglilingkuran ko – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – upang makibahagi sa idinaos nilang press conference kamakailan. Ito’y upang tugunan ang maraming tanong patungkol sa ipinataw na pagsuspinde sa sikat na TV program na It’s Showtime. May mga bata kasing sangkot sa usaping ito. Ano mang usaping pang-telebisyon na kinasasangkutan ng mga bata ay kinukunsulta ng MTRCB ang NCCT. Pangunahing mandato ng NCCT ang palaganapin ang child-friendly media landscape, partikular sa mga palabas sa telebisyon.
Kung matatandaan, ang pinag-usapang segment sa It’s Showtime ay ang Isip-Bata kung saan si Vice Ganda ang nakaupo bilang isa sa mga hosts. Pinanood namin ang short video clip ng pinag-uusapang segment na ipinadala sa amin ng MTRCB para ma-review at tuloy ay makapagbigay ng position paper ang aming ahensiya. Nais naming makita ang context kung paano sinabi o ginawa ang mga nasabing violations ng It’s Showtime. Hindi naman tayo puwedeng makinig lang sa opinyon ng nakararami na humahangga sa pagiging emosyonal. Siyempre, maraming tagatangkilik ang naturang palabas.
Kasama ko sa isang espesyal na pulong ang lahat ng miyembro ng NCCT council: sina Atty Santiago Gabionza Jr (na kumakatawan sa ‘Academe sector), si Sally Lopez (kinatawan ng ‘Broadcast media’ sector), Sister Ma Victoria Sta Ana (mula sa sector ng ‘Child-focused NGO’), at Atty Leika San Juan (kumakatawan sa ‘Parents’ sector). Ang inyo pong lingkod ang kinatawan ng ‘Child development specialists’ sector. Nais naming mabalikan o marebyu kung saan nanggaling ang ipinataw na parusa gayon din ang pag-apela ng mga tao na huwag nang suspindihin ang naturang palabas. Bago ako nagtungo sa opisina ng MTRCB, baon ko na ang consensus ng lahat ng council board members tungkol dito. Sa naturang press conference, kasama ng inyong lingkod sa panel sina MTRCB Chair Lala Sotto-Antonio, MTRCB Vice Chairman Njel De Mesa, Atty. Paulino Cases (MTRCB Board Member at Chairman ng Hearing and Adjudication Committee), Atty Cesar Pareja at Maria Carmen Musngi (parehong MTRCB board members at miyembro rin ng Hearing and Adjudication Committee sa MTRCB).
Makikita naman sa YouTube ang naturang clip kaya alam kong aware din ang marami sa atin tungkol dito. Sa naturang video clip, ipinakita kung paanong isa-isang isinubo ng mga hosts ang kani-kanilang daliri habang ini-imagine ang tsokolate at gravy sauce. Sa dakong dulo ay aktuwal ng cake na may icing ang dala ni Ion Perez, bagay na ikinakilig ni Vice Ganda. Nang isubo ni Ion (at kalaunan ay ni Vice) ang icing ng cake, naging malakas na ang panunudyo ng bawat isa lalo na nang hilingin ni Vice na mag-take two si Ion at gawing ‘slow motion’ ang eksena. Malakas ang naging tawanan at tuksuhan. Sabi ng iba, harmless naman daw ito. Pero harmless nga ba?
Sa usaping ito, magandang balikan ang itinakdang Child-Friendly Content Standards (CFCS) ng aming ahensya. Ito ay isang set of guidelines na tumutulong sa mga TV producers and media practitioners sa kanilang paggawa ng maayos na content para sa kanilang programa. Nang nilikha ng NCCT Council Board ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 8370 o ang tinatawag na Children’s Television Act of 1997, kasama sa kahingian ang magtakda kami ng Standards na gagabay o susundin ng mga TV networks upang itaguyod ang makabatang panuorin. Tinalakay sa naturang Standards ang mga panuntunan kung paano natin masasabing child-friendly ang isang palabas.
Kapag tayo ay nanunuod ng isang programa, marapat lamang na tingnan natin kung ang partikular na palabas ay nagtataglay ng tatlong katangiang ito. Ito ba ay Educational o Informative? Ito ba ay Value-Laden (may mapupulot na values)? Ito ba ay Age-Appropriate (angkop sa edad ng batang manunuod)? May acronym itong E-V-A (tandaan natin si Tita “EVA”). Dapat ay nandoon ang tatlong parameters na ito (hindi isa o dalawa lamang) para masabing makabata nga ang naturang palabas.
Pagkatapos, may 10 criteria rin na inilalatag ang aming Child-Friendly Content Standards (CFCS) patungkol sa iba’t ibang aspekto ng proguksiyon. Kabilang sa sampung criteria na tinitingnan sa isang palabas upang masabing child-friendly ay ang mga sumusunod:
Tema o Paksa. Dapat ay angkop sa bata (age-appropriate at developmentally appropriate) ang naturang paksa kung iniisip nating child-friendly nga ang ating palabas.
Values (Halagahan). Nagpapakita ba ang isang panuorin ng mahahalagang values na magpapatibay sa karakter ng isang bata? Maganda rin kung palulutangin ang ating mga Filipino values sa palabas.
Language (Lengguwahe). Ipinagbabawal ang mga salitang bastos, bulgar, offensive, sexually suggestive (gaya ng mga ‘green jokes’), pangmamaliit o panghihiya sa isang tao.
Dialogue. Hinihikayat ang magalang na pukulan ng dialogue sa mga taong nag-uusap.
Sex and Nudity. Hindi dapat nagpapakita ng sexually suggestive scenes (halimbawa’y aktuwal na pagpapakita ng pagtatalik o sexual organs, o mga imaheng may patungkol sa pagtatalik o genitalia, at mga tunog o awiting sexually suggestive).
Violence (Karahasan). Ano mang anyo ng karahasan, kahit gaano ka-mild, ay hindi hinihikayat.
Substance Use (Paggamit ng alak, sigarilyo, at ipinagbabawal na gamot). Hindi dapat makitang naninigarilyo, umiinom ng alak, o gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang mga tauhan ng palabas. Baka gayahin ng mga bata.
Gambling (pagsusugal). Hindi maaaring ipakita ang pagsusugal sa palabas. Lalong hindi dapat ipakitang solusyon ang pagsusugal para magkaroon ng pera.
Nutrition. Dapat magpakita ng healthy foods at healthy eating habits ang mga palabas.
Advertisements. Hinihikayat na magpalabas ng mga patalastas na akma sa mga bata ‘bago at matapos’ ang isang sinasabing child-friendly show.
Sa nasabing CFCS set of guidelines, may ilang items mula sa STANDARDS ang tinamaan ng naturang gusot sa “Isip-Bata” segment ng nasabing noontime show.
Matatandaang ang tema ng segment nang araw na ‘yun ay tungkol sa karaniwang ginagawang pagsimot ng bata sa mga bagay na nasa dulo ng kani-kanilang daliri. Wala namang malisya doon sapagkat normal naman talagang ginagawa ng mga bata ang pagsubo ng daliri kapag sinisimot nila ang tsokolate o icing ng cake na naiwan sa daliri. Pero nang gawin na ito ng mga adult hosts na nagtatawanan (at kuntodo tirik pa ng mata), dito na pumapasok ang malisya. Sa mata ng mga bata, pihadong ang tanong ay ganito: ‘ano ang nakakatawa sa pagsipsip ng tsokolate o icing sa dulo ng daliri?’ Dito na maaaring pumasok ang kaisipan na ‘iba’ ang binabanggit ng mga hosts.
Sa batuhan ng dialogue sa pagitan ng mga hosts, mistulang may isang nagaganap na ‘private joke’ habang ang mga bata sa naturang segment, gayon din ang milyon-milyong batang nanunuod sa TV nang mga sandaling ‘yun, ay nagtataka sa ipinakitang reaksiyon sa pagkain ng tsokolate at icing ng cake na nasa dulo ng mga daliri. Ginigising nito ang malisya sa mga batang wala pang muwang.
Kung ito ay isang late night TV show na puro adults na lamang ang nanunuod, wala sanang problema. Pero dahil ang noontime show ay nasa isang time slot na accessible sa mga bata, umaasa tayong mindful ang mga hosts sa ano mang gagawin o sasabihin nila habang umeere ang palabas. Disiplina itong dapat taglayin ng isang TV host. May pagkakaiba ang pagtatanghal sa isang comedy bar sa isang palabas na naka-broadcast at pinanunuod ng maraming tao.
Ang paggamit ng maayos na lengguwahe ay hindi rin dapat ipagwalang-bahala. Hindi dapat gumagamit ng offensive, sexually suggestive, at bulgar na salita sa publiko. Lumutang ang mga sexual innuendos sa naturang segment na nakalaan sa mga bata. “Suggestive at may subliminal messages,” sabi ng isang council member namin.
Sa tanong na may kaugnayan ba rito ang pagiging ‘gay couple’ nina Vice Ganda at Ion Perez? Sa tingin ko ay wala. Na-magnify lamang ito dahil nagkataong gay couple sila at waring may ‘private joke’ sa pagitan nila (na mukhang alam din ng mga kapwa-hosts ng programa). Ano man ang sexual orientation ng isang tao o magkapartner, hinihikayat nating sila ay gumamit ng maayos na lengguwahe o dialogo sa harap ng madlang-pipol. Ang mga private jokes ay iwanan muna sa mga bahay o dressing room. Hindi ito dinadala sa harap ng publiko.
Maraming magulang at concerned citizens/netizens ang nag-react sa nangyaring ito. Pero masasabing wake up call din ito, hindi lamang kay Vice Ganda at iba pang hosts ng It’s Showtime kundi sa iba pang hosts ng mga palabas sa TV.
Ang naganap na insidente ay isang panawagan sa lahat ng nasa TV industry na maging maingat, maging mapatmatyag, at maging responsable sa pamamahayag na pang-broadcast. Mataas ang respeto ng mga tao sa mga nakikita nilang personalidad sa telebisyon. Huwag natin silang biguin.
Puwera usog po!