26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

DoLE naglabas ng alituntunin sa pagtugon sa insidente ng TB sa lugar-paggawa

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG mapangasiwaan ang pagpapagamot ng mga empleyadong na-diagnose na may Tuberculosis (TB), muling ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga serbisyong pangkalusugan sa pribado at pampublikong pasilidad sa buong bansa. Inatasan din ang mga employer na ipatupad ang mga inirerekomendang work arrangement, lalo na sa yugtong nakakahawa pa ang sakit.

Nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong Setyembre 15, 2023 ang Labor Advisory No. 21, Series of 2023, o ang Supplemental Guidelines on the Implementation of Safety and Health Measures for the Prevention and Control of Tuberculosis in the Workplace, kung saan kanyang binigyang-diin na “responsibilidad ng parehong employer at kanilang mga empleyadong tiyakin na epektibong naipatutupad ang mga polisiya at programa upang maiwasan at makontrol ang tuberculosis sa mga lugar-paggawa.”

Sa ilalim ng nasabing advisory, ang mga empleyadong sumasailalim sa occupational safety at mga eksaminasyong may kaugnayan sa kalusugan, at may mga natuklasan sa chest x-ray na nagpapahiwatig ng TB ay maaaring direktang kumonsulta o isangguni ng kanilang mga employer sa pribado o pampublikong TB Directly Observed Treatment Strategy (DOTS) facility.

Samantala, ang mga empleyadong nangangailangan ng karagdagang pagsusuri na may kaugnayan sa kanilang sakit na TB ay maaaring gamitin ang mga healthcare services at facilities, tulad ng ibinibigay ng PhilHealth Konsulta Package.

Sa parehong advisory, hinihikayat ng kagawaran ang mga employer na bigyan ng advisable work accommodation at arrangement ang mga empleyadong na-diagnose na may sakit, partikular ang 14-day na nakakahawang yugto ng proseso ng paggamot.

Pinapayuhan din ang mga employer na magbigay ng mga paid leave benefit bukod pa sa umiiral na mga leave credit sa ilalim ng company policy, collective bargaining agreement (CBA), Labor Code of the Philippines, at mga natatanging batas.

Hinihikayat din ang mga employer na magpatupad ng mga flexible work arrangement, pag re-schedule ng oras ng trabaho, at iba pang work arrangement, kabilang ang telecommuting.

Upang matiyak na mapapanatiling kompidensiyal ang medical record, pinaalalahanan ng labor department na tanging mga awtorisadong empleyado lamang ang maaaring humawak ng mga medical record alinsunod sa Data Privacy Act upang maiwasan ang hindi awtorisadong pag-acess dito, aksidente o labag sa batas na pagsira, pagbabago, pagsisiwalat, at iba pang paraan ng proseso na labag sa batas.

Panghuli, pinaalalahanan ng DoLE ang mga employer na iulat ang mga kaso ng TB, gayundin ang kani- kanilang Annual Medical Report Form kung saan nakasaad ang bilang ng mga empleyadong sumailalim sa chest X-ray sa mga DoLE Regional/Provincial/Field Office na nakakasakop sa kanilang lugar-paggawa.

Unang inilabas ng DoLE ang Department Order No. 73-05 noong taong 2005 bilang patnubay sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa upang maiwasan at ma-kontrol ang sakit na TB sa mga lugar- paggawa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -