ILANG buwan na nating sinasabi sa pitak o kolum na Republic Service ng The Manila Times na titindi ang pagmamatigas ng Tsina sa Pilipinas dahil pinahintulutan natin ang Estados Unidos (US) na gamitin ang siyam na base militar.
Ito ang pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero sa ilalim ng kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Hindi kataka-taka na magalit at maging mas agresibo ang China kung magpapagamit tayo sa Amerika kung magkagiyera sa China, lalo na sa islang Taiwan.
Bagaman iginigiit ng Pangulong hindi gagamitin para sa digmang Taiwan ang mga baseng EDCA, hindi ito pinansin ng Amerika. Sa halip, paulit-ulit isinasaad ng mga pinunong hukbo, ekspertong militar at pangunahing media ng US na malaking tulong ang ating mga paliparan at daungan kung magkadigma sa Taiwan.
Bukod dito, sa totoo lang, bagaman hindi dapat maglagak ng armas atomika sa mga kampong EDCA, puwede pa rin silang gamitin para sa atakeng nuclear. Kailangan lamang lumapag o huminto sa base ang eroplano at barkong may dalang bomba at raket na atomika.
Ganti ng China sa EDCA?
Ngayon, dahil hahayaan ng Pilipinas gamitin ng Amerika itong mga baseng EDCA, lalo na ang limang nasa Luzon malapit sa China at Taiwan, kataka-taka ba na magpakita ng galit ang China sa atin?
Bukod sa pagharang sa Tanod Baybayin ng Pilipinas (Philippine Coast Guard o PCG) sa pagdadala ng pangangailangan ng mga sundalo sa Banlik Ayungin (Ayungin Shoal), hinadlangan na ng China ang mga Pilipinong mangingisda sa Banlik Panatag, matapos pahintulutan sila noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya naman nag-alma si Senador Robin Padilla na nagkakainitan tayo dahil sa pagpasok ng hukbong Amerika sa tagisan natin sa China sa West Philippine Sea (WPS) gayong mas payapa tayo noong anim na taon sa ilalim ni Duterte.
Agad tumutol ang kapwa senador kay Padilla, gayon din ang PCG at sina Kalihim Gilbert Teodoro ng Tanggulang Pambansa (DND sa Ingles) at Propesor Jay Batongbakal, eksperto ng mga usaping karagatan sa Unibersidad ng Pilipinas. Para sa kanila, panghihimasok at pagkaagresibo ng China ang tanging dapat sisihin sa tumitindi nating away.
Sino ang tama? Parehong may katwiran.
Totoong mas matapang ang kilos ng mga barkong China mula noong pumayag si Marcos sa nais ng Amerikang gamitin ang mga baseng EDCA. Hindi umabot sa ganitong kabagsik ang Tanod Baybayin ng China noong panahon ni Duterte.
At hindi kataka-taka ang kilos ng Tsina sa pagpasok ng hukbong US sa Pilipinas. Mas agresibo pa nga ang reaksiyon ng Amerika nang maging komunista ang Islang Cuba noong 1959 at halos tumanggap ng mga raket atomika mula sa Unyong Sobyet, ang katunggali ng US bago ito nabuwag noong 1991. Sinuportahan ng Amerika ang pag-atake ng mga rebeldeng Cubano at halos makipagdigma ang US sa Unyong Sobyet.
Sa kabilang dako, hindi nakatutulong ang agresibong kilos ng China. Lalo lamang tayong kakapit sa Amerika at magpapalakas ng alyansiya hindi lamang sa US, kundi sa Hapon, Australya, at iba pang kaalyadong bansa laban sa China.
Ito malamang ang nais ng Amerika upang magmukhang dominante at agresibo ang China. At kung magalit o matakot ang mga Pilipino, lalong mabuti para sa US. Tatanggapin natin ang mga baseng pagamit sa Amerika, sa kabila ng malaking panganib kung atakihin sila sa digmaang Taiwan. At papayag tayong pahabain pa ng 10 taon ang kasunduang EDCA bago ito mapaso sa Abril.
Kung nakagagaling sa Amerika ang agresibong kilos ng China, bakit ito ginagawa ng mga Chinese? Sagot: para hindi tularan ng buong Timog-Silangang Asya ang pagbubukas ng base military sa US. Sa mas agresibong kilos ng China sa atin, ipinamamalas nito na hindi makabubuti ang pagsapi sa Amerika, bagkus lalong makasasama.
Lalong iinit ang Asya
Sa ganitong takbo ng girian sa Asya, mas titindi ang tapatan natin sa China, at ito naman ang magiging dahilan upang mas magpalakas ng hukbo ang Amerika, Hapon, Australia at India, pati Britanya at Pransiya, sa ating bansa at mga karatig-dagat.
SIya naman nais ng Amerika, hindi lamang para ipagtanggol ang Taiwan, kundi bilang pagsusulong ng pangunahing hangad nito sa mundo, ayon mismo sa National Security Strategy ng US, lumabas noong Oktubre mula kay Pangulong Joseph Biden. Ang prayoridad ng Amerika sa daigdig: “Out-Competing China and Constraining Russia” —Pagwawagi sa Tsina at Pagpigil sa Rusya (https://www.whitehouse.gov/wp-content/uploads/2022/10/Biden-Harris- Administrations-National-Security-Strategy-10.2022.pdf).
Ito ang layuning nangingibabaw sa pagkilos ng Amerika, at kalahok na tayo sa hangaring ito laban sa dalawang puwersang nuclear sa mundo. At harinawa, huwag taong mapagaya sa Ukraina matapos bigyan ng katakut-takot na armas at pondo upang patuloy na labanan ang Rusya. Ngayon, mga 300,000 ang namatay sa Ukraine, mahigit kalahati ng tao ang lumikas, at waldas ang mga lungsod, imprastraktura at ekonomiya.
Harinawa, magising ang ating pamunuan sa mapanganib na direksiyong tinutungo natin sa tumitinding girian ng mga dambuhalang bansa na ating sinalihan. Iadya ng langit magumon tayo sa tagisan at digma.