26.5 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

Hanapin ang Diyos bago tuluyang itago ng mundo

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Hanapin ang Panginoon habang makikita siya. Manawagan sa kanya habang malapit pa siya. Dapat nang talikdan ang mga gawain ng masamang tao, at dapat magbago na ng maling pag-iisip ang mga liko; dapat manumbalik sila, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos, matatamo nila ang kapatawaran.

Aklat ni Isaias, 55:6-7


KAILAN mo huling nakita ang Diyos? At nakausap, napakinig, naiyakan o nakabiruan?

Iyon ang gusto ng Maykapal sa ating lahat. Kaya nga Niya tayo nilalang at binigyang buhay, isip at kaluluwa. Para makasama Siya sa araw-araw, sa ligaya’t lumbay, sa hirap at ginhawa, sa bawat sandali ng ating buhay.

Ang hirap, pahirap na nang pahirap makita ang Panginoon, gaya ng babala ni Propeta Isaias sa unang pagbasang Misa ng Setyembre 24, Ika-25 Linggo ng Karaniwang Panahon, sinipi sa simula nitong artikulo.


Bagaman laging naroon ang Diyos upang makapulong at makapiling natin, tayo ang lumalayo, dahil sa kahinaan ng pananalig, paglihis sa Kanyang pangaral at kautusan, at mga salang pamumuhay, paniniwala at paghahangad ng daigdig natin.

Wika ng Panginoon kay Isaias: “Di ninyo isipan ang aking isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas sa lupa, hindi maaabot ng inyong akala ang daan at isip ko.”

Ngayon, kung ipilit natin ang sariling isip at gawi imbes na sumamba at sumunod sa DIyos, magkakalayo nga tayo. At sa kasamaang palad, sa kasalukuyang panahon, palakas nang palakas ang mga puwersa, ideolohiya at pag-aasal na makamundo at taliwas sa aral at atas ng langit.

Bilyun-bilyong walang Diyos

- Advertisement -

Kalahati marahil ng 8 bilyong tao sa daigdig ang hindi nananampalataya sa Poon, ayon sa mga pandaigdigang pagsusuri, at lahat tayong may wisyo at alam ang tama at mali, kahit paano may pagliko ng kilos sa utos ng DIyos.

Hindi na tayo nalalayo sa mga trabahador na hindi agad narinig ang panawagan ng may-ari ng ubasan sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyong Misa mula kay San Mateo (Mateo 20:1-16). Bilyun-bilyon ang walang alam o pakialam sa gawain ng Diyos upang yumabong ang Kaharian Niya at umangat ang daigdig tungo sa kalangitan.

At di-malaong patuloy na dumami ang lumalayo sa Kanya, lalo na’t lumalaganap ang pagtatagisan ng mga dambuhalang alyansiya, paghirap ng buhay at kabuhayan, pagwaksi ng moralidad at pagkalulong sa asal at pamumuhay na kontra sa kautusan ng Diyos.

Tunay, kaisipang tao ang namamayani, lihis sa Kaisipan ng Diyos.

Ito mismo ang babala ng Panginoong Hesukristo nang mangusap siya tungkol sa mangyayari bago ang muli niyang pagbabalik sa lupa. Aniya sa Ebanghelyo ni San Mateo, ang Apostol at Ebanghelistang nagpista sa Setyembre 21, “babangon ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom, at mga salot at mga lindol sa iba’t ibang dako” (Mateo 24:7-8).

Ito ang nagaganap sa mundo ngayon higit sa iba pang panahon, kung kalamidad man, taggutom o tagisan ng mga bansa. Palasak ngayon ang pagyanig ng lupa, paghagupit ng bagyo’t baha, at pagkagutom na tinatayang dinaranas ng halos kalahating bilyong katao sa mundo araw-araw.

- Advertisement -

At pagdating sa sigalot ng mga bansa, mahigit isa’t kalahating taon na ang digma sa Ukraina, kung saan kalaban ng Rusya hindi lamang ang karatig-bansang inatake nito, kundi ang North Atlantic Treaty Organization (NATO), ang pagsasanib ng Amerika at mga bansang Europeo.

Sa Asya naman, isa pang alyansiyang pinamumunuan ng Estados Unidos (US), kabilang ang Hapon, Australya at India, ang tumatapat sa Tsina. Noong Pebrero, sa tulak ng US, pumanig dito ang Pilipinas kontra sa Tsina.

Sa mga bantang ito ng digma, kalamidad at gutom, higit na umaasa ang tao sa mga armadong bansa at mayayamang tao at organisasyon kaysa sa Diyos. At ito mismo ang propesiya ng Panginoon sa huling aklat ng Bibliya, ang tinaguriang “Paghahayag ni Hesukristo” sa unang pangungusap ng libro.

Sa Kabanata 6 ng Aklat ng Paghahayag, may tinaguriang Apat na Mangangabayo ng Apokalipsis na masasabing sagisag ng mga puwersang maghahari sa mundo sa huling panahon bago bumalik si Kristo: Pananakop, Digma, Pagkagutom, at Kamatayan.

Tunay nga: Ngayon, namamayani ang Amerika at mga kaalyadong bansa, lumampas na ng $2 trilyon ang ginugugol sa mga hukbo at armas taun-taon, at limpak-limpak ang yaman at kita ng mga bilyonaryo at negosyo sa kabila ng taggutom at kahirapan sa buong daigdig. Samantala, palubha nang palubha ang mga kalamidad.

At sa lahat ng ito, hindi sa langit tumatanaw ng saklolo at seguridad ang nakararaming tao, kundi sa mga sandata, yaman, sistema at kakayahan ng tao.

Siya mismong babala ng Katesismo ng Simbahang Katolika, talata CCC 675 (salin ng may-akda): “Bago ang muling pababalik ni Kristo, daraan ang Simbahan sa huling pagsubok na yayanig sa pananampalataya ng maraming nananalig. … Ang Kontrakristo ang pinakamalaking panlilinlang ng pananampalataya, ang huwad na pagmemesiyas kung saan itatanghal ng tao ang sarili sa halip ng Diyos at ng Manunubos Niyang nagkatawang-tao.”

Ano ang dapat nating gawin? Pag-usapan natin ito sa Setyembre 29.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -