PINANGUNAHAN ni Mayor Ben Abalos ang idinaos na ‘Kasalan sa Piitan’ sa Mandaluyong City Jail kahapon (September 20). Ito ang kauna-unahang mass civil wedding sa bansa kung saan 20 lalaking persons deprived of liberty (PDL) ay ikinasal sa loob ng kulungan.
Sa 20 pares na ikinasal sa mass wedding, may tatlong pares na dati nang nagsasama bago parehas na makulong. Mayroon namang isang bilanggo na ikinasal sa kanyang 70-taong gulang na kinakasama.
Nakiisa sa programa sina Vice Mayor Menchie Abalos, mga konsehal, at si Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Region (BJMP-NCR) Director Jail Chief Superintendent Clint Russel Tangeres, CESE.
Ayon kay Mayor Abalos, ang ‘Kasalan sa Piitan’ ay kabilang sa ‘Re-integration, Reformation Program’ ng pamahalaang lungsod at ng city jail sa mga PDL lalo na iyong mga may good conduct time allowance.
Ipinaliwanag ni City Civil Registry head Atty. Gabriel Corton na ngayong ligal na ang pagsasama ng mga PDL sa kanilang mga asawa ay mas madali nang maisasaayos ang legitimacy ng kanilang mga anak sa birth certificate ng mga ito.