31.9 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 28, 2024

Gatchalian: Batas sa PH maritime zone kailangan para palakasin ang pagdepensa sa West PH Sea

- Advertisement -
- Advertisement -

ITINUTULAK ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatibay ng batas na magtatatag ng mga maritime zone sa Pilipinas dahil magpapalakas ito sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, na pinagtibay ng isang 2016 arbitral ruling.

Mariing itinutulak ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatibay ng batas na magtatatag ng mga maritime zone sa Pilipinas dahil magpapalakas ito sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Binigyang-diin ito ni Gatchalian kasunod ng pagdinig na isinagawa ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.

Ang naturang panukala, kapag naisabatas, ay magpapatibay sa 2106 landmark arbitral victory na nakuha ng Pilipinas laban sa China. Pinawalang-bisa ng desisyon ang pag-aangkin ng Beijing sa tinaguriang nine-dash line sa West Philippine Sea.

“Ang ligal na pagkilala sa arbitral ruling ay ang pinakamahusay na depensa at ang pinakamalakas na mensahe natin sa buong mundo na iginigiit natin ang ating soberanya at ang ating mga karapatan,” sabi ng senador.

Kamakailan ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2394, o The Philippine Maritime Zones Act, na naglalayong tukuyin ang mga maritime zone ng bansa, at itugma ang mga batas ng bansa sa maritime territory na nasa ilalim sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos).

“Pagtitibayin ng ating mga batas ang 2016 arbitral ruling at ito ang magiging isa sa pinakamalakas na senyales sa mundo, na iginigiit natin ang ating soberanya at iginigiit natin ang ating eksklusibong economic zone at ang ating mga karapatan sa rehiyon,” diin ni Gatchalian.

Ayon sa kanya, ang pagdedeklara ng ating maritime zone boundaries ay nangangahulugan na pagtitibayin ng bansa ang geographical extent ng maritime domain nito. Binigyang-diin pa ng senador na ang pagtatatag ng mga lokal na batas ay magpapatupad ng pagsunod ng bansa sa Unclos upang matamasa ng bansa ang mga karapatan at benepisyo ng naturang convention.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Gatchalian, ang mga maritime zone ng bansa ay binubuo ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ), at continental shelf alinsunod sa international law.

Upang mapahusay ang pambansang seguridad ng Pilipinas at protektahan ang mga interes sa ekonomiya at kapaligiran nito, kamakailan ay naghain din si Gatchalian ng isa pang panukalang batas na naglalayong italaga ang archipelagic lanes ng bansa.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -