27.5 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Ibigay sa ‘Kano’ ang dose ng sariling medisina

- Advertisement -
- Advertisement -

SWAK na swak ang Pinoy sa patibong ng Kano. Una pinaputok ang di-umano’y paninilaw ng China Coast Guard ng liwanag laser sa sasakyang pandagat ng Philippine Coast habang papunta sa Ayungin Shoal upang maghatid ng probisyon sa tropang Marines na nagbabantay sa nabalahurang BRP Sierra Madre. Kapunapuna na ang reaksyon dito ni Antony Blinken, State Secretary ng Estados Unidos, ay magdeklara ng pagpapairal na ng Mutual Defense Treaty (MDT). Ayon sa tratadong ito, ang anumang pag-atake sa alinman sa Pilipinas at Estados Unidos ay pananalakay din sa isa pa at sa gayon ay humihingi ng kontra-atake nitong isa pa. Kailangan ang pagsilaw ng liwanag laser ay ituring na gawaing mapandigma upang umandar ang mekanismo ng MDT. Pero walang patunay na ang laser ay tumama nga sa mga sundalong Pinoy na ayon sa pumutok na mga balita ay pansamantalang nagdanas ng pagkabulag. Mabilis naman ang naging paliwanag ng Chinese Foreign Ministry na ang liwanag laser ay pinakawalan hindi para manakit kundi upang sukatin ang distansya sa karagatan — upang  tiyakin na walang lumalabag sa mga hangganan ng China. Kailangang ulit-ulitin na mula’t sapul pa, gwardyado na ng China Coast Guard (CCG} ang karagatang inaangkin niyang pag-aaring teritoryo. Nangyari nga lamang na sa panahon ng maunlad na teknolohiya, ang pagsukat ng distansya ay dinadaan na sa sinag laser.

Ang hindi alam ng marami ay, na ang mga normal lang talaga na pagbabantay ng CCG sa mga hangganan ng China sa South China Sea ay sadyang kinukunan ng mga larawang satellite at saka ibabando ito sa buong lawak ng media.  Gawa ito ng isang retiradong opisyal ng US Air Force na nagngangalang Raymond Powell. At ang salaysay tungkol sa diumanong pananalakay ng China ay kathang isip lang ng damontres na nalimbag sa kanyang Twitter account. Pinickup naman ito ng mga tagatabil ng Kano sa Pilipinas at iyun, voila! Pagdating sa balita, iba na pakahulugan sa mga bagay. Ang mga normal na panggwardiya ng mga sasakyang pandagat ng China ay ipinakahulugan nang swarming o pag-ipon ng maraming pwersa na ang intensyon ay manalakay.

Ganung-ganun ang maniobra na nasa likod ng kaso ng kamakailan lang na panganganyon ng tubig ng malaking barko ng CCG sa maliit na bapor de kahoy ng Philippine Coast Guard (PCG). Sumabog sa media ang panganganyon ng tubig bilang pananalakay na ng China sa Pilipinas.

Paliwanag ng isang malapit sa embahada ng China sa Pilipinas, “Iyun na nga ang pinakamabait na pagtrato na maaaring gawin sa isang kaaway. Gusto ba ng mga Pilipino na machine gun ang ibuga sa kanila? Nakakahiya na tayo, katawatawa pa. Sukat magpagamit tayo sa Amerika.”

Tinutukoy ng mama ang karagdagang apat na base militar ng Pilipinas na sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para pagdeployan ng Amerika ng mga tropa at kagamitang pandigma. Kitang-kita ng China na ang mga ganung base ay diretsahan nang nakapuntirya sa Mainland China, sa isang banda (tatlo sa apat ay nasa Cagayan at Isabela), at sa kabilang banda, nasa Palawan na nakaumang naman sa naroroong mga base militar ng China.


“Masama pa ba yung sa loob ng 24 na taon, pinayagan  tayo ng China na magbiyahe-biyahe sa Ayungin Shoal upang maghatid ng pagkain at iba pang supply pangkabuhayan sa Sierra Madre? Pero may kasunduan na bawal ang construction materials, tapos magdadala ka pa rin ng mga ito, e, bobombahin ka nga. Pasalamat ka, tubig lang ang gamit. Eh, kung minasinggan ka.”

Naririyan ang buong katotohanan sa likod ng pagtindi ng tensyon sa South China Sea. Ang mga disinformation na gawa ni Powell sa kanyang tweet ay matiyaga namang pinipickup ng media, kapwa sa mainstream at social, na pawang bayaran sa pagkakalat sa Pilipinas ng ultimong kabaho-bahuang utot ng Kano.

Mangyari pa, sa malawak na hanay ng sambayanan, ang panlilinlang ni Powell na anupa’t sa mandato natural ng mataas na pamunuan ng Amerika, ang siyang nakapamamayani. Ito ang totoong dahilan kung bakit ang sambayanang Pilipino ay galit sa China. Lumilitaw na nang-aagaw ng teritoryo ng Pilipinas ang China at tumitindi ang paggamit nito ng dahas sa gawaing pang-aagaw. Sa mga tunay na makabansa, kailangang pag-ibayuhin pa nang husto ang paniniyak na ang paliwanag sa buong katotohanan sa isyu ng South China Sea ay makarating sa kailailaliman ng sambayanang Pilipino.

Mahigit dalawang taon na ang nakararaan, nakita ko na ang ganitong tunguhin ng sigalot ng China at Pilipinas, at sa isang press briefing ni Ambassador Huang Xilian, ipinanukala ko sa kanya ang pagtatayo ng mga reading center na magtataglay ng mga literatura’t panooring biswal na magpapaliwanag sa malawak na hanay ng masang Pilipino na hindi pa nakakaalam sa marami’t malalaking tulong na kaloob ng China sa Pilipinas.

- Advertisement -

Ipinaliwanag ko na isang mabisang paraang gamit ng Amerika upang lasunin ang isip ng Pinoy ay ang  Peace Corps noong mga taong 1960. Mga dalawahang team, gumagala sa mga kanayunan at mga hikahos na komunidad, nakikipamuhay sa masa. Kita natin ngayon kung gaano kalalim nahubog ang Pilipino sa Kaisipang Kano.

Para maunawaan ng Pinoy, ang Chino ay dapat na nakikipamuhay sa kanya.

Sa ngayon, sa di-mapigil na ratsada ng disinformation campaign ng Amerika, palalim pa nang palalim ang pagkamuhi ng Pinoy sa China.

“We don’t have the manpower (Wala kaming tauhan),” wika ng Ambassador sa aking ideya.

“Meron ako,” wika ko.

Hindi na umimik si Ambassador Huan. Isang matalim na tingin ang kanyang ibinato sa akin, tila nagtatanong: Meron nga ba?

- Advertisement -

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -