SA pagdating sa Lingo (Setyembre 17) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa Singapore, bitbit niya ang pag-asa ng paglago ng ekonomiya ng bansa dahil sa mga positibong reaksyon ng mga mamumuhunan sa bansa pagkatapos niyang magtalumpati sa 10th Asian Summit sa Singapore.
Kabilang sa nagpakita ng interes ay ang GMR Group ng India na nagpahayag ng interes na mamuhunan sa Pilipinas partikular na sa mga paliparan, kalsada at mga proyekto sa enerhiya habang sinisimulan ng administrasyong Marcos ang isang ambisyosong pagpapaunlad ng imprastraktura sa pamamagitan ng programang “Build Better More”.
Samantala, tinitingnan ng Malaysian retail specialist na Valiram Group ang pagpapalawak ng mga operasyon nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbuo ng mga airport outlet para sa duty-free retail tourism.
Ang mga opisyal ng Valiram Group ay nakipagpulong kay Pangulong Marcos Jr. sa Singapore noong Sabado (Setyembre 16), na sinasabing ang Malaysian group ay tumitingin sa pagpapalawak sa susunod na limang taon kasama ang Pilipinas sa kanilang listahan.
Noon ding Sabado, natanggap ni Pangulong Marcos Jr. ang kumpirmasyon para sa P11-bilyong investment pledge mula sa Singapore-based multinational technology company, Dyson, na gustong mamuhunan sa Pilipinas sa susunod na dalawang taon.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Dyson, sinabi ni Pangulong Marcos na natutuwa siyang marinig ang tungkol sa interes ng Dyson Limited na mamuhunan sa Pilipinas dahil binigyang-diin niya na tama ang kanilang desisyon sa pagpili ng bansa para sa kanilang mga pamumuhunan.
Pilipinas, ibinida sa 10th Asian Summit
Ilan lamang ito sa magagandang resulta ng pagdalo ng Pangulo sa 10th Asian Summit kung saan nagtalumpati siya ng may 30 minuto sa Milken Institute’s Asia Summit at hinimok ang mga dumalo na mamuhunan sa bansa. Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), si Marcos ang kauna-unahang Pilipinong Presidente na nagsalita sa summit.
“As we stand here discussing ways how we can collaborate, I invite each one of you to consider the Philippines as a strategic partner in your journey. Our story is one of promise, of potential, and of endless opportunities and all waiting to be harnessed,” (“Habang nakatayo tayo rito at tinatalakay ang mga paraan kung paano tayo magtutulungan, inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na isaalang-alang ang Pilipinas bilang isang strategic partner sa inyong paglalakbay. Ang aming kwento ay isang pangako, isang potensyal, at walang katapusang oportunidad na naghihintay bigyan ng pagkakataon,”) sabi ni Pangulong Marcos sa kanyang keynote address sa 10th Asia Summit.
Binanggit din ng Pangulo na sa kabila ng mataas na inflation at kawalang-tatag ng pandaigdigang merkado, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 7.6 porsyento noong nakaraang taon.
Inaasahang magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ngayong taon ayon sa projection ng mga pandaigdigang institusyon tulad ng World Bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) na umaasang lalago ang ekonomiya ng bansa ng humigit-kumulang sa 6 na porsyento sa 2023.
Tinukoy din ng Pangulo ang malaking merkado ng bansa — na binubuo ng 110 milyong mamimili — ang kamakailang inilunsad na Maharlika Investment Fund (MIF), at ang mga bagong ipinasa na reporma sa regulasyon, na nagliberalisa sa maraming sektor, kabilang ang mga serbisyong pampubliko, retail, at renewable energy, at iba pa.
Sa usapin ng mga lugar para sa pamumuhunan, aniya, ang Pilipinas ay nag-aalok ng napakaraming pagkakataon sa iba’t ibang sektor mula sa digital at renewable energy hanggang sa manufacturing at turismo.
Ang isa pang lakas ng Pilipinas ay ang mga manggagawang edukado at nagsasalita ng Ingles na naglagay sa Pilipinas sa pandaigdigang stage, lalo na sa larangan ng business process outsourcing (BPO).
Ito ang nangungunang pagpipilian para sa paghahatid ng suporta sa customer at mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at isa sa mga nangungunang destinasyon para sa pangkalahatang outsourcing, na may ilang data center na tumatakbo na sa Pilipinas, katulad ng Google, Microsoft, Amazon, at Meta, at marami pang iba, paliwanag ng Pangulo.
Natuon ang talakayan ng Asia Summit 2023 sa mga isyu tungkol sa kapayapaan at katatagan, hindi pagkakapantay-pantay, pagkakaiba sa kultura, at hindi na mapananauli na pinsala sa kapaligiran.