Dapat ding kamuhian ang poot at pagngingitngit; ngunit pangkaraniwan iyan sa makasalanan. … Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa, pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa. Kung hindi ka nahahabag sa iyong kapwa, paano mong ihihingi ng tawad ang iyong kasalanan? Kung ikaw na tao lamang, nagkikimkim ng galit, sinong magpapatawad sa iyo sa mga kasalanan mo? Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit. Isipin mo ang kamatayan at sundin mo ang Kautusan.
Aklat ni Sirak, 27:30, 28:3-66
Pihadong natutuwa ang mga diyablo. Bagaman wala silang panalo sa Diyos, laking galak pa rin nila sa lumalaganap na poot, galit, away at digma sa mundo: giyera sa Ukraina, girian ng Amerika at Tsina sa Asya, at maging sa Simbahang Katolika, umaalma rin ang pagtatalong pakana ng demonyo.
Mismong sa salitang “diyablo” makikita ang pangunahing taktika nito. Galing ito sa salitang Griyegong “diabolos,” at ilan sa maaaring kahulugan nito sa Bibliya at iba pang sinaunang aklat ang “tagausig”, “paghiwalayin” at “ibato laban sa iba.” Tunay nga: nagbubunsod ng away ang diyablo sa pamamagitan ng pag-akusa at sumbat.
Kaya naman di-miminsang nangaral ang Panginoong Diyos na hindi dapat humusga sa kapwa, bagaman dapat mangaral. Hindi lamang na Siya ang tanging dapat maghukom sa lahat, kundi akusasyon ang pinagmumulan ng sigalot na siyang ginagamit ng demonyo upang magkasira tayo sa isa’t-isa at sa Poong Maykapal.
Awa at paghilom
Ito nga ang babala ng mga pagbasang Misa ng Setyembre 17, ang Ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon. Sa unang pahayag mula sa Sirak o Eklesiyastiko (Sirak 27:30-28:9), bahaging sinipi sa simula, dapat iwaksi ang pagkamuhi at galit upang magkamit ng kapatawaran at kaligtasan sa langit: “Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa, pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa.”
Sa halip ng galit at poot, awa, patawad at paghilom ng sugat at sigalot ang gawa ng Diyos, ayon sa Salmong Tugunan (Salmo 102:1-4, 9-12):
“Ang lahat kong kasalanan siya ang nagpapatawad, ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. Sa bingit ng kamatayan inililigtas ako, at pinagpapala ako sa pagmamahal niya’t habag. Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim. Kung magparusa siya, di katumbas ng pagsuway, di na tayo siningil sa nagawang kasalanan.”
Sa ikalawang pagbasa mula sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma (Roma 14:7-9), pangaral ng Apostol: “Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung namamatay tayo, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, sa Panginoon tayo.”
At kung kay Kristo tayo sa buhay at kamatayan, sino tayo para magtanim ng galit, poot at panumbat sa kapwa? Nasa ilalim ni Hesus tayong lahat at dapat sumunod sa atas niyang inihayag sa bersong Aleluya bago ang Ebanghelyong Misa: “Bagong utos, ani Kristo, magmahalan kayo, katulad ng pagmamahal ko” (Juan 13:34).
Sa Ebanghelyong Misa naman mula kay San Mateo (Mateo 18:21-35), isinalaysay ang bantog na tugon ng Panginoon sa tanong ni San Pedro: “‘Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?’ Sinagot siya ni Hesus, ‘Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.’”
Lagablab ng sigalot
Sa kasamaang palad, kabigtaran ng patawad at paghilom ang yumayabong sa ating mundo ngayon. Sa Europa, sa halip na bigyang puwang ang pagpupulong tungo sa kapayapaan, mas isinusulong ng alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO), sa pamumuno ng Estados Unidos (US), ang patuloy na digma.
Sa katunayan, nang halos magkasundo sina Pangulong Volodymir Zelenskyy ng Ukraina at Vladimir Putin ng Rusya na ihinto ang labanan noon pang Marso 2022, binara ito ng NATO. Sa halip, inudyukan nito si Presidente Zelenskyy na ituloy ang laban at bibigyan siya ng armas, pondo at iba pang suporta.
Tuloy, lalong nagkamatayan at nagkawasak-wasak ang bansa niya, at ngayon, may 750,000 tropa ang Rusya upang tirisin ang hukbong Ukraina. Maging ang NATO, hindi handang lumaban sa gayong kalaking puwersang talamak din ang armas — ang pinakadambuhalang militar sa Europa mula pa noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, tumitindi rin ang sigalot sa Asya, at kapwa Tsina at Amerika, sampu ng mga kaalyado ng US, nagpapalakas ng hukbo at nagpapatigasan, lalo na tungkol sa mga tagisan sa islang Taiwan at karagatan sa kanluran ng Pilipinas. Kailangan daw ang puwersa at palaban upang maging payapa ang Asya. Subalit kita natin sa Europa ang bunga ng palakasan at patigasan.
Pinakamalungkot, maging ang Simbahan, nayayanig na rin ng sigalot sa pagitan nina Papa Francisco at mga pinunong nagbubunsod ng pagbabago, at ng mga kardinal, obispo, kaparian at laiko, lalo na sa Amerika, na ibig ipagtanggol ang sinaunang mga doktrina, liturhiya at patakaran.
Ano ang dapat gawin? Una, kailangang bawasan ang galit at banta at agad buksan ang diyalogo upang mapigil ang panunulsol ng diyablo. At higit dito, manalangin: tanging grasya at awa ng Diyos ang makagagapi sa mga pakana ng impiyerno. Amen.