29.5 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Libreng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad: Maaksaya at di mapagpantay

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Setyembre 5, 2023 na hinihiling ni Senador Juan Edgardo Angara na  pagbalik tanawin ang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga estudyante sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad o state universities and colleges (SUCs).

Nang ipasa ng Kongreso ang batas na natutungkol sa libreng edukasyon sa mga SUC tinutulan ko na ito dahil ito ay maaksaya at di mapagpantay. Sa aming pananaliksik ni  Mark Gerard Ruiz na “Unintended consequences of free education in public colleges and universities” na nailathala bilang isang kabanata sa aklat Critical Perspectives on Economics of Education and Education Policy na pinapatnugutan nina Silvia Mendiola, Martin O-Brien, Oleg Yerokhin and Alfredo Paloyo at inilathala ng Routledge noong 2022 ay inilahad naming ang mga kakulangan ng patakarang ito sa pananaw ekonomiko.

Kung mababa sana ang porsiyento ng balik sa edukasyon sa mga estudyante sa mga pampublikong unibersidad kung ihahambing sa porsiyento ng balik sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad walang alinlangang makabuluhan ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa mga estudyante sa mga pampublikong kolehiyo. Sa pamamagitan ng programang libreng edukasyon sa mga SUC mapatataas nito ang porsiyento ng balik ng iba’t ibang programa sa mga SUC at maipapantay ito sa porsiyento ng balik sa mga pribadong pamantasan.

Ngunit ayon sa aming pananaliksik ang mga sinukat na porsiyento ng balik sa edukasyon sa mga mag-aaral sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan ay higit na matataas na kaysa porsiyento ng balik sa edukasyon sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan bago pa man ipatupad ang programa ng libreng edukasyon.  Ang dahilan ng ganitong resulta ay ang napakamurang tuition na sinisingil sa mga pampublikong kolehiyo kung ihahambing sa matrikulang sinigingil sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan.

Samakatuwid, sa programang libreng edukasyon lalo pang pinatataas ang porsiyento ng balik sa edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Ang ganitong programa ay lalo pang palalawakin ang agwat ng porsiyento ng balik sa edukasyon sa pagitan ng mga estudyante sa mga SUC at pribadong institusyon. Dahil dito, walang katuturan ang pagpapalawak ng agwat dahil ang inaasahang kita ng mga graduate sa mga pribado at SUC ay pareho lamang pasweldo sa bilihan ng paggawa. Dahil wala itong saysay nag-aaksaya lamang ang pamahalaan ng napakalaking pondo upang tustusan ang programa ng libreng edukasyon.


Marahil hindi ang pagiging episyente ang dahilan kung bakit ipinatutupad ang libreng matrikula sa mga SUC. Ang palagay ko nais ng pamahalaan na maging mapagpantay ang akses sa kolehiyo at unibersidad sa mas maraming Filipino. Gusto nilang mabigyan ang mga maralitang Filipino na makapag-aral sa mga SUC. Hindi ko tinututulan ang kapuripuring layunin ito.  Ngunit ayon sa datos ng pamahalaan, halos 12% lamang ng mga estudyante sa mga SUC ay nagmumula sa mga maralitang pamilya. Samakatuwid, halos 88% ng mga estudyante sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan ay may kakayahang magbayad ng tuition sa pag-aaral. Kung ganito ang sitwasyon. Bakit binibigyan ng sabsidi ang mga mayayaman na kaya namang tustusan ang pag aaral ng kanilang mga anak?  Hindi lamang ito maaksaya hindi rin ito mapagpantay.

Dahil sa programang ito, nagiging atraktibo na mag-aral sa mga SUC. Una, matataas ang balik sa mga programa dito dahil wala halos gastos sa edukasyon at matatamasa nang lubusan ang tinatayang kikitain sa buong buhay ng mga graduate sa mga SUC. Ikalawa, dahil libre ang edukasyon maraming estudyante, mahirap at mayaman, ang maeenganyong magsilipat at mag aral sa mga SUC. Ang epekto nito ay paliitin ang enrollment sa mga pribadong kolehiyo. May ilang nang pribadong kolehiyo ang nagsara dahil nawalan sila ng maraming estudyante at hindi na nila kayang tapatan ang libreng edukasyon ng mga SUC. Kung ang mga nagsarang institusyon ay may matataas na kalidad masama ang epekto nito sa pagpapalawak ng yamang tao sa ating bansa.

Kung nais ng pamahalaan na maging episyente at mapagpantay ang pagpopondo sa lalong mataas na edukasyon maaari nilang ipatupad ang malawakang programa sa scholarship. Maaari nilang ilunsad ang sistema ng voucher  tulad sa senior high school. Sa halip na magbigay ng malaking alokasyon ng budget sa mga SUC dahil sa libreng edukasyon, maaaring ibigay ang pondo sa mga estudyanteng tunay na nangangailangan. Kung talagang maralita sila at di kayang magbayad, maaaring ipatupad ang libreng edukasyon para lang sa mga maralitang estudyante. Samantala, kailangang bayaran nang lubos ng mayayaman ang matrikula sa mga SUC.

Kung ang mga estudyante ay may kakayahang magbayad ngunit maraming hamon maaari silang bigyan ng voucher. Ang voucher na tinatanggap ng mga estudyante maaari nilang gamiting pambayad sa matrikula sa pinili nilang kolehiyo at pamantasan, pribado o publiko. Sa ganitong paraan hindi manganganib na magsara ang mga pribadong kolehiyo dahil maaari na silang magtaas ng tuition dahil may pandagdag ang mga estudyante sa pagtaas ng tuition na nagmumula sa voucher. Hindi lamang ito episyente sa paggamit ng limitadong budget ng pamahalaan, ito rin ay mapagpantay dahil binibigyan na akses na makapag-aral ang kabataang Pilipino lalo na ang mga maralita. Sana pag-isipan ng mga mambabatas na sa paghubog ng anumang patakaran kailangang maging episyente at mapagpantay ang mga ito.

- Advertisement -

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -