28.6 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Ang papel ng Arts Education sa ‘Gen Z’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS nating maihanda ang mga bata’t kabataan sa mga hamon ng panahon kaya naisip naming ganapin ang isang forum na nagtatampok sa kahalagahan ng arts education sa kanilang pagiging malikhain at mapanuri,” iyan ang bungad ni Eva Mari Salvador, ang head ng Arts Education Department ng Cultural Center of the Philippines (CCP), sa pagbubukas ng Arts Education Forum (Education Forum noong Setyembre 6-7 sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater).

Mahalagang ma-develop natin ang critical thinking at problem solving skills ng mga kabataan,” dagdag pa niya. “Turuan natin silang maging malikhain at mag-isip na hindi de-kahon.” Susi ito para malampasan nila ang mga isyung kinakaharap nila gaya ng climate change, pandemya, pulitika, at mga mental health concerns.

Ibinahagi pa ni Eva Mari Salvador ang nabasa niyang terminong ‘bedrotting’ na nararanasan ng ilang kabataan ngayon kung saan ang mga ito ay nandoon na lamang sa mga kama nila buong maghapon at puro social media na lamang ang inaatupag (nanunuod na lang ng mga palabas sa online). Katwiran nila’y bahagi raw ito ng kanilang self-care. Pero ayon sa mga eksperto, kung ito ay makakasanayan na, puwedeng senyales ito ng isang nakababahalang kondisyon. Hindi raw motivated ang mga kabataang ito. O maaaring may tinatakasan o iniiwasang problema kung kaya’t mas ninanais nilang mapag-isa sa kanilang kama.

Masasabing napapanahon ang forum na pinangunahan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na tumalakay sa paksang ‘Helping Children Navigate the Global Challenges.’ Inanyayahan nito ang mga experts mula sa iba’t ibang disiplinang may kaugnayan sa sining, kultura, at edukasyon na nagbahagi ng mga karanasan at best practices na magagamit sa paghubog sa mga kabataang ito: may educators, cultural workers, manunulat, advertising expert, manggagamot, sikolohista, film director, at theater experts.

Sa pagsisimula ng forum, ang advertising executive mula sa Dentsu Ad agency na si Ms Merlee Jayme ay nagbahagi ng profile ng bawat henerasyong kinabibilangan natin upang higit nating maunawaan ang ating mga sarili: ang Baby boomers (ipinanganak noong 1946 hanggang 1964); Generation X (ipinanganak noong 1965 hanggang 1980); Millennials (1981-1996); Generation Z (1997-2012); at ang Generation Alpha (2013-2025).

Ang Gen Z ang naging sentro ng kanyang lektura. Ito ang henerasyong tinatawag nating ‘digital natives’ na talaga namang kumportable sa teknolohiya. Kakaibang mag-isip ang henerasyong ito kaya sinasabing mahirap silang maintindihan. Binanggit ni Ms Jayme ang isang mahalagang quote mula kay Confucius na ayon sa kanya ay naglalarawan sa naisin ng henerasyong ito: “Tell me, and I will forget. Show me, and I may remember; Involve me, and I will understand.” Mahalagang maramdaman ng henerasyong ito na ‘involved’ sila sa lahat ng mga nangyayari sa daigdig. Binigyang-diin niya na mulat ang henerasyong ito dahil  isang klik lang nila sa internet ay nababasa na nila ang lahat ng dapat nilang malaman.

Magandang dito sa generation classification nagsimula ang naturang forum. Katunayan, sa kabuuan ng forum ay nagiging reference point ito ng maraming speakers.

Bakit daw mahalagang maunawaan natin ang mga Gen Z?

Ito raw kasing Gen Z ay may kakaibang mindset – sinasalungat nila ang mga paniniwala at aksyon ng henerasyong nauna sa kanila gaya ng mga millennials at Generation X. Sila rin ang henerasyong mas yumayakap sa lahat ng uri ng tao sa daigdig. Para sa kanila, hindi malaking isyu ang kulay ng balat, lahi, o seksuwalidad ng isang tao.

Gusto raw ng Gen Z kapag nakikipagkapwa-damdamin o nakiki-empathize tayo, kapag nagpapakita tayo ng malasakit sa iba, at kapag totoong nakiki-connect tayo sa kanila.

Sa dakong dulo, binanggit ni Jayme ang ayon sa kanya ay “Gen Z Trinity.” Ito ay ang Authenticity (pagiging totoo; walang sugarcoating); pur[ose (layon nilang maisaayos ang mundong ito na tingin nila ay nasira ay dahil sa maling desisyon ng henerasyong nauna sa kanila); at Sustainability.

Ano raw, kung gayon, ang papel ng sining para sa Gen Z?

“Art became the therapy. Every single act from them is therapy,’ iyan ang ipinahayag ni Jayme para sa Gen Z. Isang paraan ang sining upang maipahayag nila ang kanilang sarili.

“Maski sa paghahanap ng trabaho, hindi laki ng suweldo ang concern nila. Mas binibigyang-halaga nila ang work-life balance,” pahabol pa ni Jayme. Ito ang henerasyong mas pinahahalagahan ang mental health/wellness.

Matapos ang talakayan tungkol sa generation differences, ikinuwento sa akin ng kaibigan kong si Ronnie Mirabuena, ang division chief ng Audience Development sa CCP, ang karanasan niya sa kanyang anak na nasa grade school pa lamang. Nang umuwi raw siya sa hometown niya sa Albay (Bicol), nagsumbong ang anak niya patungkol sa kanyang ina (na asawa ni Ronnie) dahil sa madalas itong napapagalitan o dinidisiplina.

“Daddy, si Mommy po, may anger issues.”

Napanganga si Ronnie sa narinig mula sa anak na nabibilang na sa Generation Alpha.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -