NGAYONG ganap nang batas ang Regional Specialty Centers Act (Republic Act No. 11959), unti-unting mapapalapit sa mas maraming mga Pilipino ang serbisyong pangkalusugan, lalo na ang specialized health services.
Ito ang pahayag ni Senador Win Gatchalian kasunod ng paglagda sa Regional Specialty Centers Act, kung saan isa siya sa mga may akda. Nakasaad sa naturang batas na kailangang magpatayo ng isang specialty center sa mga Department of Health hospitals sa bawat rehiyon sa bansa sa loob ng limang taon.
Ang mga specialty centers ay mga departamento o unit sa mga ospital na tututok sa specialized care tulad halimbawa ng cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care at kidney transplant, brain at spine care, mental health, at iba pa. At dahil sa specialized care na ibibigay nito, ang pangangasiwa ng health cases ay kailangang may kaukulang specialized training.
“Sa pamamagitan ng Regional Specialty Centers Act, unti-unti nating mailalapit sa mas marami nating mga kababayan ang specialized healthcare services. Kung mapapatayuan natin ang bawat rehiyon ng specialty center, hindi na kakailanganin pang bumiyahe ng ating mga kababayan mula sa mga probinsya papuntang Metro Manila para lang makatanggap ng dekalidad na serbisyong pang-kalusugan,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng batas, titiyakin ng DoH na may sapat na expert personnel at medical specialists na may kumpletong kagamitan ang mga specialty center.
Mandato rin ng batas sa DoH na gawing bahagi ng Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP) ang pagpapatayo ng mga speciality centers. Nagsisilbing gabay ang PHFDP sa gobyerno pagdating sa maayos na distribusyon ng kapasidad ng mga health facilities.
Pinasalamatan naman ni Gatchalian si Senador Christopher “Bong” Go na nagsilbing sponsor ng batas sa Senado.
CAPTION
Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ng paglagda sa Regional Specialty Centers Act (Republic Act No. 11959) ay isang magandang hakbang para maging abot-kamay para sa mga Pilipino ang mga espesyal na serbisyong medikal. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN