27.7 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pasalamat sa bendisyon kay BBM at sa bayan

TALAGA

KUMAKALAT sa Facebook ang larawan ng Pangulong Ferdinand “BBM” Marcos Jr., nakasuot ng T-shirt ng gitarang Gretsch at tumatanggap ng bendisyon ni Padre Chris Alar, tanyag na Katolikong pastor, para sa sarili at sambayanan. Makatulong nawa ang basbas sa mga umaalmang banta sa bansa.

Inimbitahan si Father Chris Alar, MIC ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang bendisyunan siya at ang buong bansa sa mga kinakaharap nitong mga pagsubok.

Isa ang pagtaas ng presyo ng bigas dala ng pag-igting kapwa ng pandaigdigang merkado at ng bigas na nasa bansa. Noong Hulyo pa, ipinagbawal na ng India, ang pinakamalaking eksporter ng bigas sa mundo, ang pagluluwas nito, maliban sa bigas na basmati. Agad nagbabala ang International Monetary Fund, pandaigdigang organisasyong nagmamatyag sa ekonomiya ng mundo, na maaaring magkaroon ng krisis sa bigas.

Sa Pilipinas naman, iniulat ng mataas na opisyal ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA sa Ingles) na mga isa’t kalahating araw ng pambansang konsumo ng bigas ang hawak ng Pambansang Pangasiwaan ng Pagkain (NFA sa Ingles) noong Hulyo 27, kompara sa siyam na araw na nararapat.

Hindi dapat isiniwalat iyon: tuloy agad naisip ng mga hoarder na ibig mag-imbak ng bigas para ibenta pagsipa ng presyo, na halos walang panlaban ang NFA sa kanila.

Siya ngang nangyari, at sa buwan ng Agosto, pumalo nang mahigit 60 piso kada kilo ang karaniwang bigas. Nag-utos ang Pangulo ng mga raid o panghuhuli ng nagtatago ng bigas.

Tapos, sa simula ng Setyembre, nagtakda si Marcos ng P41 hanggang P45 kada kilo bilang pinakamataas na presyo sa pagbebenta ng karaniwang bigas.

Ang problema, paano kung ayaw magbenta ang mga mangagalalak at tindahan dahil malulugi sila? May bigas bang ipagbibili ang NFA sa takdang presyo kung ayaw ng pribadong sektor? At kung may bigas nga, madadala ba agad ito kung saan kulang. Baka pagdating doon, napilitan nang bumili ng mamahaling bigas ang tao — o hindi na lang kumain.

Sadyang dapat magtalaga ng pirmihang Kalihim ng DA si Pangulong Marcos, gaya ng iminungkahi natin sa “Dapat na bang magbawas sa kanin ang Pilipino?” (https://tinyurl.com/24a6tj5e). Kahit gaanong kagaling niya sa pamumuno, hindi kaya ni Marcos bilang Pangulo at Kalihim ng Pagsasaka rin na magmatyag at umaksiyon sa presyo at kalakal ng mga pangunahing pagkain oras-oras. Maisip niya sana ito.

Girian sa Tsina

Ikalawang banta sa katiwasayan ang tumitinding girian natin sa Tsina, at isang dahilan ang pagtatagisan nito sa Amerika. Sa katunayan, mismong sa National Security Strategy (NSS) ng Estados Unidos (US), tahasang sinasabi na pangunahing hangad ng US sa daigdig ang mangibabaw sa kompetensiya nila ng Tsina at pigilan ang Rusya (“Out-Competing China and Constraining Russia”).

Nadadamay tayo sa girian dahil sa pagpayag ni Pangulong Marcos na gamitin ng hukbong Amerikano ang siyam na base ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP sa Ingles): dalawa sa Cagayan, tig-isa sa Isabela, Nueva Ecija, Pampanga, at Katimugang Palawan, at malapit sa mga lungsod ng Cebu, Cagayan de Oro, at Puerto Princesa.

Ayon mismo sa mga heneral at pantas-militar ng Amerika, kailangan nito ang mga base kung magkagiyera sa Taiwan, Korea o Hapon. Sa katunayan, may war games o digmang kunwari kung saan aatakihin ang Tsina ng mga eroplanong Amerikano mula sa Pilipinas, at gaganti ang Tsina sa atin. Makikita ito pito at sampung minuto mula sa simula nitong video ng Center for New American Security (https://www.youtube.com/watch?v=qYfvm-JLhPQ).

Sa taong nakalipas hanggang sa nagdaang Enero, panay ang pahayag ng Pangulong Marcos na hangad nating maging “kaibigan ng lahat at walang kinakaaway.” Paulit-ulit din niyang sinabing walang kinakampihan ang Asya, bagaman inuudyukan ito sumapi sa magkaribal na bansa. At paniwala rin niyang hindi dapat ilahok ang Amerika sa mga suliranin ng Pilipinas at Tsina hinggil sa teritoryo at karagatan.

Subalit pagdalaw ni Kalihim ng Depensa Lloyd Austin ng US noong Pebrero, bumaligtad ang Pangulo at nagbukas ng siyam na base sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Hangad ngayon ng Amerikang mapahaba ang EDCA nang isa pang dekada bago ito pumaso sa Abril.

Upang tanggapin natin ang EDCA at ang mga base, hindi sinasabi ng mga opisyal ng Amerika at Pilipinas ang posibleng atake sa atin kung magkadigma; si dating pangulong Rodrigo Duterte lamang ang nagbabalang “pauulanan tayo ng missile.” At panay ang balita tungkol sa panghihimasok di-umano ng Tsina sa karagatan natin, at paghadlang sa ating mga bangka, gamit ang kanyong tubig at laser na nakasisilaw.

Mas titindi pa ang ganito girian hanggang madagdagan ng isa pang dekada ang EDCA, sampu ng mga basing gagamitin ng Amerika. Samantala, mas tumatapang din ang Tsina: naglabas ito ng mapang sumasaklaw sa mga lupain at karagatang inaangkin din ng ibang bansa, at tumutol na ang Pilipinas, India, Malaysia at Biyetnam. Pati Taiwan pumalag sa paglalahok ng isla sa teritoryong sakop ng Tsina.

Harinawa, makahahanap tayo ng mapayapang paraan upang maresolba ang problema sa Tsina, sa halip na kumapit lamang sa Amerika. Gaya ng sabi ni Kalihim Gilbert Teodoro Jr. ng Tanggulang Pambansa, hindi dapat magpagamit ang Pilipinas sa mga dambuhalang puwersa.

Iadya nawa ito ng Diyos.

 

- Advertisement -

- Advertisement -