29.8 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Sobra ba ang atas ng Panginoong Diyos sa atin?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Panginoon, hinihikayat mo ako, at sumunod naman ako. Higit kang malakas kaysa akin at nagwagi ka … Tuwing magsasalita ako at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!” pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita. Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan,” para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.           

                                                                                               Propeta Jeremias, 20:7-9

Aminin natin: Mahirap sumunod sa atas ng Maykapal. Pakinggan na lamang si Propeta Jeremias sa unang pagbasang Misa ng Septiyembre 3, ang Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon, sinipi sa itaas.

Sa kabila ng katapatan sa Panginoong humirang sa kanya mula kabataan, umaangal si Jeremias sa pang-aapi at pag-uusig sa kanya ng sambayanang Hudyo, at matapos ang tapat niyang pangungusap para sa Diyos buong buhay, pinaslang pa siya ng mga tao.

Kaya naman sa ilang salin ng unang berso sa itaas, “nililinlang” ang salitang ginamit sa halip ng “hinihikayat.” Parang sinasabi ni Jeremias na wala siyang kamalay-malay nang hinirang siya ng Diyos bilang propeta o tagapangusap Niya.


Panloloko man o hindi ang panawagan ng Diyos kay Jeremias, maliwanag pa sa katanghalian ang panukala ng Panginoong Hesus sa mga disipulong tutulad sa kanya. Aniya sa pagbasang Misa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 16:21-27):

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay, siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin, siyang magkakamit niyon.”

Ialay ang lahat

Sa madaling salita, humanda ang mga Kristiyanong alagad ni Hesus na mag-alay ng lahat, maging sariling buhay. Ito rin ang pangaral ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa mula sa kanyang Liham sa mga taga-Roma (Roma 12;1-2):

- Advertisement -

“Mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, namamanhik ako sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.”

Kaya ba natin ito, hindi lamang “ialay ang sarili”, kundi “huwag umayon sa takbo ng mundo”? Sa totoo lang, di-miminsang sunud-sunuran tayo sa takda at tukso ng lupa, lihis man sa utos ng langit.

At kung magpakabuti tayo at mangaral sa iba, hindi malayong itakwil at tuligsain tayo gaya ni Jeremias. Lalo na dahil bilyun-bilyong tao ang hindi naniniwala sa Diyos, kasalanan, impiyerno at demonyo.

Maging ang Pangingoon Hesukristo kinontra nang magsabi sa mga alagad sa pagbasang Misa na “na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw muli siyang mabubuhay.”

At mismong kumontra ang pinuno ng mga Apostol, si San Pedro, na katatapos lamang italaga ng Panginoon bilang batong saligan ng relihiyong itatatag niya. Kung Diyos Espirito Santo ang nagmulat kay Pedro na si Hesus ang Anak ng Diyos at Mesiyas, si Satanas naman ang nagbunsod sa Apostol pigilan si Kristo sa atas ng Amang magdusa at mag-alay ng buhay para sa katubusan ng daigdig.

Ang kakapit, lalong lagot

- Advertisement -

Kung naiisip ng marami na kapahamakan lamang ang sumunod kay Kristo, pag-isipan natin ang babala niya matapos manawagan sa ating magpasan ng krus: “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay, siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin, siyang magkakamit niyon.”

Totoo ba ito? Malalagot nga ba ang kakapit sa sariling buhay sa halip ng mag-alay nito sa Diyos? Noong mga unang dekada at dantaon ng Kristiyanismo, nilipol ang mga nananampalataya, bagaman walang maliw ang pananalig nila kay Kristo. Gayon na lang ba ang landas ng nananampalataya — magdurusa at mamamatay na walang hawak kundi ang tiwala sa tahimik at tikim na Panginoon?

Sa Paggunita ng Pagmamartir ni San Juan Bautista noong Agosto 29, pabirong tinukoy ni Padre Nolan Que sa sermon niya sa Simbahang Pinaglabanan ang mga Kristiyanong lumuluhod kay Hesus, ngunit umaangal sa hirap ng buhay na para bang hindi bahagi ng ating relihiyon ang pagbabata ng hirap araw-araw.

“Ang gulo ninyo,” sabi ni Padre Nolan sa mga debotong nasa misa. Tunay nga: nagpupugay sa pagkamartir ni San Juan, subalit umaayaw sa kahit sa pinakamunting pasakit o bawas sa ginhawa.

Subalit nauunawaan ng pari ang katayuan at damdamin ng tao. Kaya naman isinalaysay niya kung paano hindi iniwan ng Diyos ang ilang taong humarap sa malaking hirap at peligro, kabilang ang babaeng handa nang mamatay sa kanser, ngunit napagmilgruhan matapos pagdasalan ni Padre Nolan, dala ang relikya ni Padre Pio.

Ang punto: Kung sarili ang iisipin natin, pagdating ng hirap at panganib — at darating ito balang araw — mag-isa tayo. Subalit kung yayakapin natin ang dusa at peligro para sa Diyos, lagi nating kasama Siya.

Ito ang tangi nating kaligtasan.

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -